“Mga kaluluwa, saan kayo papunta? Ako’y makikiraan. Kaya’t pakibuksan ang pintuan.”
Sa oras na masambit ang mga kataga, magsisimulang maaninag ang mundong nakakubli sa mata ng karaniwang tao — binubuksan ang landas patungo sa daigdig na binuo ng hiraya. Isa itong mahikang nakararahuyo ng sinomang nais bagtasin ang mundo ng karit-an. Maihahalintulad sa kataga ang naging epekto ng Trese, isang Filipino animated series na handog ng Netflix, sa mga manonood nito. Sa paglaganap ng impluwensya ng Trese sa buong mundo, unti-unting naisisiwalat sa madla ang malalim at makulay na kulturang matatagpuan sa Pilipinas. Gayundin, hinahalina ng palabas ang mga manonood upang patuloy na linangin ang mayamang dalumat ng mitolohiyang Pilipino.
Sa pagsikat ng Trese, unti-unting nabubuksan ang mga lagusan tungo sa iba’t ibang diskurso, tulad na lamang ng impluwensya ng palabas sa kultura at midyang Pilipino. Kaya naman, upang paigtingin ang diskusyon, inilunsad ng Dalubhasaan ng mga Umuusbong na Mag-aaral sa Araling Filipino (DANUM) ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang webinar na pinamagatang Munting Trese: Ang Lakan ng Bagong Midya, noong Agosto 20.
Layong sipatin ng programang ito ang naging proseso sa paglikha ng Trese pati ang gampanin nito sa pagbida ng mga kuwentong bayan, bagong midya, at ang kahalagahan ng mga ito sa patuloy na paghubog ng pagkakakilanlang Pilipino. Tampok sa programa ang ilan sa mga miyembro ng production team ng Trese pati ang manunulat ng komiks na si G. Budjette Tan. Inanyayahan din ng DANUM si G. Carl Corilla, isang Lasalyanong nagtapos ng kursong Araling Pilipino, at sina Bb. Deborrah Anastacio at G. Alphonsus Alfonso, mga propesor sa Departamento ng Filipino ng Pamantasan.
Mahika sa likod ng produksyon
Sinimulan ni Bb. Tanya Yuson, executive producer at manunulat ng seryeng Trese, ang talakayan sa paglatag ng kabuuang proseso ukol sa pagbabagong-anyo ng Trese mula sa komiks papunta sa tanyag nitong bersyon—ang Netflix animated series. Aniya, natagpuan niya ang Trese matapos imungkahi ito sa kaniya ng ilang mga kaibigan. Dahil nagustuhan ang komiks, naisipan niyang gawin itong isang animated series. Matapos nito, nagsimula na ang mabusising paghuhulma ng istorya upang epektibong maisalin at mailatag ang mga tauhan sa komiks, lalo na ang bida na si Alexandra, tungo sa animated na anyo nito. “. . . Iba ‘yung pinag-isipan mo na series, iba na rin ‘yung pagse-setup mo sa platform katulad ng Netflix,” paglalahad niya. Kaya naman, iniayon nila ito sa diwa ng komiks upang maramdaman pa rin ang ipinararating ng kuwentong binuo ng mga manunulat nito.
Binigyang-diin din niya ang dahilan bakit hindi inihain sa mga manonood ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga nilalang na nahinuha sa mga kuwentong bayan ng bansa. “. . . we didn’t explain it too much. . . We made sure it made sense in the context of the story. . . But if they wanted to go deeper, they can go on and research it,” pagsasalaysay niya. Bilang pagtatapos, pinasalamatan niya ang mga tagahanga ng serye at hinikayat na kanilang palawigin ang abot nito upang magkaroon ng mga spin off ang ibang mga karakter sa Trese.
Sinundan naman ni G. Budjette Tan ang diskusyon sa paglalahad ng kalagayan ng Trese bago ito masilayan ng mga manonood bilang animated series. Ayon kay Tan, bagamat natigil siya sa pagsusulat ng Trese, naituloy niya ang kuwento dahil sa pagkumbinsi ng kaibigang si Kajo Baldisimo, ang dibuhista sa likod ng komiks na bersyon ng Trese. Binanggit din niyang taliwas ang una nilang plano sa kasalukuyang kasarian ng bida na si Alexandra dahil nagsimula ang pangunahing karakter bilang isang lalaking nagngangalang Anton Trese. Batid nilang karaniwan ang magkaroon ng mga imbestigador na lalaki kaya’t kanilang binago ito at ginawang babae upang mas magkaroon ng natatanging katangian ang istorya kompara sa ibang nailathala na sa industriya.
Batid ni Tan na puno ng misteryo’t hiwaga ang ating mga kuwentong bayan at mitolohiya. Aniya, “. . . magic is just infused with the way we live.” Sa pagsasanib-puwersa ng alamat at dalumat, naisilang ang kuwento ng Trese. Upang maipasok sa modernong panahon, binigyan niya ng ibang interpretasyon ang mga sinaunang kuwento ng mga katutubo. Inangkop niya sa kasalukuyan ang mga kinalakhang mga istorya, tulad ng nuno sa punso na nasa manhole — taliwas sa dating puwesto nito sa mga matambok na lupa. Bilang pagwawakas, tulad ni Yuson, iginiit ni Tan ang kaniyang pasasalamat sa lahat ng sumusuporta sa animated series at maging sa komiks na orihinal na bersyon ng Trese.
Sa lokalisasyon at pag-dub naman ng serye nakapokus ang sumunod na tagapagsalita na si G. Rudolf Baldonado, direktor ng voice actors para sa Trese. Inamin niyang nabuhayan siya ng dugo habang ginagawa ang proyekto dahil sa maka-Pilipinong aspekto ng palabas. “This is actually the first show that we have localized, for the Philippines . . . na tungkol sa Pilipinas,” ani Baldonado. Dagdag pa niya, kinabahan siya sa pagsasalin nito dahil pangunahing manonood sa bansa ang mga indibidwal na may kaalaman ukol sa pinagmulan na istorya ng bawat mitiko, kaya’t kinakailangang wasto ang representasyon at salin nito sa wikang Filipino. Minarapat na magawang maliwanag ng lokalisasyon ang konteksto ng orihinal na kuwento upang mapagkaloob pa rin ang emosyon at mensaheng nais ipabatid—kahit gamit ang ibang lengguwahe.
Nilinaw rin niya ang mga haka-haka ukol sa proseso ng pagpili ng mga voice actors. Tiniyak niyang hindi ito nadadaan sa pagandahan ng boses—kinakailangang kumuha ng indibidwal na naiintindihan at naisasapuso ang orihinal na intensyon at interpretasyon ng mga gumawa ng kuwento. Upang mabuo ang karakter, kinakailangan ng voice actor na maintindihan at maisakatuparan ang diwang hinahangad na makita para sa karakter.
Samantala, nakapokus naman ang prangkang paglalahad ni G. Carl Dela Cruz sa kaniyang pagkagulat at pagkatuwa noong napili siya bilang voice actor para sa kambal na karakter na sina Crispin at Basilio. Dagdag pa rito, ibinahagi niya ang paghiwalay niya sa dalawang karakter gamit ang pagtutok sa kaibahan ng kanilang pagdala sa sarili. Inihayag niya na upang maging mabisang voice actor, kinakailangang hindi ikahon ang boses sa isang klase ng pagganap sa mga karakter. Tiyak na mas mahalaga pa rin ang kahusayan sa pag-arte at kakayahang umangkop sa mga pangyayari.
Lagusan tungo sa panibagong lente
Maliban sa mga tauhang naging susi sa pagbuo ng animated series at komiks na Trese, mas binigyang-buhay pa ang pagtanaw rito sa pamamagitan ng aplikasyon ng iba’t ibang lente ng pagsusuri sa aspekto ng kultura. Sa pagpapalalim ng diskusyon, binuksan ni G. Carl Corilla ang kaniyang talakayan gamit ang kaniyang tesis na inihayag ang pagkakapareho ng Trese sa pre-kolonyal na kultura sa loob ng Pilipinas. Sinuri dito ang kaangkupan ng paggamit ng terminong babaylan sa pagkilala kay Alexandra Trese. Sa pagsusuring ito, inusisa ang dibuho at kuwento ng Trese upang maihalintulad sa mga katangiang mayroon ang babaylan—upang masilayan ang paghango nito papunta sa modernong panahon. Sa kaniyang pananaliksik, nakita ang samu’t saring pagkakapareho ng babaylan kay Trese, gaya ng paghahalintulad ng pagsangguni ng mga datu sa mga babaylan sa paghingi ng payo ng mga pulis kay Trese ukol sa mga krimeng binabalot ng kahiwagaan.
Pinalawig naman ni Bb. Deborrah Anastacio ang ugnayan ng mga sinaunang konsepto ng mitolohiya at ang modernong pagsipat nito ng Trese. Aniya, makulay ang naging representasyon ng mga ‘di nakikitang nilalang sa mundo ng Trese. Binigyang-halaga niya rin ang pagkilala sa ating wika at mga sinaunang kultura. Kaya naman, labis ang kaniyang galak sa paglunsad nito sa Netflix dahil nabigyan ng oportunidad ang palabas na maipakilala ang mayamang kultura ng Pilipinas sa mga tao galing sa iba’t ibang sulok ng mundo. Bilang pagtatapos, naglahad siya ng payo sa mga Pilipino: “. . . patuloy nating kilalanin ang ating pagka-Pilipino, gamitin natin ang ating wika dahil yan ang repleksiyon ng ating kultura dahil atin iyon—walang makakapagnakaw ng ating wika,” panghihimok niya.
Panghuli, naglatag naman ng iba’t ibang perspektiba si G. Alphonsus Alfonso sa pagkilatis sa Trese. Una niyang sinipat ang kasaysayan ng animation sa Pilipinas—dito napansing nananatiling nasa laylayan ang mga midyang tekstong kahawig ng Trese. Ngunit taliwas dito ang paraang ginamit ng Trese dahil napunta ito sa midyang mainstream kaya’t naging mas patok ito sa mga konsyumer. Sa kabilang dako, tiningnan din ang simbayotikong ugnayan sa pagitan ng mga tagahanga at mga manlilikha. Bilang pagwawakas, sinaad niyang hindi simple ang pagbuo sa komiks at serye ng Trese. Sapagkat aniya, “. . . maraming mga panlipunang puwersa na tumulong para sa kulminasyon na ito,” paglalahad ni Alfonso.
Bagong kabanata
Binabalot ng mahika ang mga kamay, boses, at utak na gumawa sa kuwento ni Alexandra Trese sapagkat nakalikha sila ng panibagong yugto sa dalumat ng kulturang Pilipino. Subalit hindi lamang mahika ang naging sanhi ng pagkakagawa kay Trese kundi pati na rin ang maligalig na kagustuhang makahanap at makapagbigay ng bagong mundo para sa mga Pilipino.
Katulad ng paglabas ni Alexandra Trese sa puno ng balete, naging makabuluhan din para sa mga Pilipino ang pagpapalabas ng Trese sa Netflix. Binigyan ng kulay at ng makabagong atake ng mga lumikha ng Trese ang mayaman na mitong Pilipino. Napupuno man ng misteryo at hiwaga ang mundo ni Trese, binigyang liwanag naman nito hindi lamang ang kulturang Pilipino, kundi pati na rin ang makabagong hakbang ng Pilipinas tungo sa makabagong midya.