Sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata, napupuno ako ng mga alaala—nagugunita ko ang liwanag at sigla ng Taft Avenue na minsan ko nang naging tahanan. Nananabik akong matikmang muli ang mga pagkaing ginawang espesyal hindi lamang ng mga sangkap at rekado, kundi pati na rin ng mga kaakibat nitong sandali. Bitbit ng bawat putahe ang mga kuwento ng pagsusumikap, pagsubok, at kaligayahang natatamo sa araw-araw na buhay sa Pamantasan.
Sa aking pagmulat, nasisilayan ko ang mga pagbabagong hatid ng pandemya. Mula sa maingay at mataong silid-aralang aking nakasanayan, nagmistulang nakakulong na lamang ako sa aking sariling silid. Minsan, hindi ko maiwasang mapaisip, kumusta na kaya ang mga tao at establisyementong nagbibigay-buhay sa Taft?
Tangan ang pagmamalasakit sa mga negosyong naging parte na ng pangalawang tahanan, magkasamang inalay ng mga organisasyong Junior Entrepreneurs and Marketing Association (JEMA) at The Taft Initiative ang programang Invigorate: A Modern World Taft noong Agosto 20. Layon ng programang ito na itaguyod ang mga negosyo sa Taft at gayundin, maibahagi ang pagsusumikap ng mga negosyante upang makasabay sa online na kalakalan.
Pagpakundangan sa masigasig na pakikipagsapalaran
Simula noong naghasik ng lagim ang pandemya, hindi kanais-nais at lubos na nakalulungkot ang mga balitang pumapaligid sa mga establisyemento sa Taft. Sa mga nakaraang buwan ng pagtitiis at pagdurusa, unti-unti nang nagpapaalam ang mga tinatanging bilihan ng mga pagkain sa nasabing lugar. Gayunpaman, may mga lupon ng mag-aaral na marapat nating ikalugod sa pagpapanatili at pagpapayabong sa mga nanganganib na negosyo.
Nagmistulang mga kerubin ang The Taft Initiative sa pagsaklolo sa mga negosyong muntikan nang bumagsak sa marahas at malalim na hukay. Sa pagkakataong ito, inanyayahan ng JEMA ang mga tinulungang negosyante sa Taft upang maibahagi nila ang kanilang kuwento sa pagharap sa mga balakid na hatid ng pandemya. Ginamit nila ang pagkakataon na ito upang sila naman ang makapaglingkod sa masugid na pamayanan. Pinagkalooban ng mga tagapagsalita ang mga tagasubaybay ng mga pinagsikapang kabatiran at karunungan upang makatulong, lalo na sa mga naghahangad na kabataan, na maging isang matagumpay na negosyante.
Sinimulan ang pangunahing pagtatampok sa pagbabahagi ni Harry Ong, ang may-ari ng kinalulugdan na Orange and Spices. Inilahad niyang napakahalagang makibagay sa pangangailangan at kagustuhan ng kaniyang target market. Napaghulo niyang nararapat lamang iangkop ang kaniyang mga inihahaing putahe sa makatuwiran na presyo habang sinisiguradong natutugunan nito ang hinahanap-hanap ng mga panlasa—mapa-Japanese man o Filipino. Sa pagpapalagay at pagkilala sa kanilang mga pangangailangan, makahihimok sila ng mga tapat na mamimiling patuloy na tatangkilik sa kanilang produkto at serbisyo.
Sinundan naman ito ng pagsasalaysay ni Nichelle Hung, ang may-ari ng sulit at nakabubusog na Colonel’s Curry, na binigyang-diin ang pang-eengganyo sa pandama ng mga mamimili. Sa walang habas na pamiminsala ng kinatatakutang sakit, maraming negosyo ang lubhang naapektuhan—ang hindi pagtalima sa hinihiling ng mapagkumpitensyang klima sa negosyo ang isa marahil sa mga nagdala sa kanila sa bingit ng pagkalipol.
Binanggit din ni Hung na kinakailangang mabisang gamitin at samantalahin ang social media ngayon kung nais na mamalagi at magwagi sa panggigipit ng mapanghamong sitwasyon. Ang pagsasaalang-alang ng mga kaakit-akit at nakagugutom na mga larawan sa pagtataguyod ng kanilang produkto ang makapagpapasigla sa kanilang masidhing pananabik. Mas mapalalakas din nito ang pakikipag-ugnayan sa target audience dahil kalimitang kinakalat ang mga ito sa mga kapamilya, kaibigan, at kasamahan sa trabaho—makabagong word of mouth—na magiging kapaki-pakinabang sa negosyo.
Nagtapos ang programa sa panghihikayat ng mga negosyante na ipagpatuloy lamang ng mga mamimili ang kanilang marubdob na pagmamahal at pagsuporta sa kanilang produkto at serbisyo—kalakip nito ang pamamahagi ng mga nakatutuksong promo code at vouchers.
Pag-asa sa gitna ng pandemya
Tunay ngang binago ng mala-delubyong pandemya ang sitwasyon ng lahat. Naglaho ang masiglang buhay at nag-iwan ito ng mas mahirap na suliranin sa kabuhayan ng marami, katulad ng Taft Avenue na binalot ng nakabibinging katahimikan. Maraming negosyo at establisyemento ang kinailangang huminto o magsara dahil sa epekto ng kasalukuyang kalagayan.
Patunay ang karanasan ng mga negosyong nagtagumpay at itinampok sa Invigorate na mayroong maaaring gawin upang malagpasan ang suliraning kinalalagyan ng lahat. Magsisilbi itong liwanag na inspirasyon para makaahon muli ang mga negosyong naapektuhan ng pandemya. Dumanas man ng mala-bagyong pagsubok, makatitiyak na mayroong bahaghari sa dulo na siyang magbibigay ng pag-asa sa lahat.
Sa muling paglatag ng paningin sa kahabaan ng Taft Avenue, dadalhin ang mga alaalang nabuo habang nakatanglaw sa paligid. Panghahawakan ang pag-asang makaaahon ang lahat sa epektong idinulot ng pandemya. Nang sa gayon, sa pagdilat ng mga mata, bumalik na muli ang tanawin na nagsilbing ikalawang tahanan ng masasayang karanasan.