OPISYAL NANG INILUNSAD ang kampanyang Boto Lasalyano, Sulong Pilipino (BLSP) 2022 sa pamumuno ng Office of the Vice President for External Affairs (OVPEA) ng Pamantasang De La Salle (DLSU), Agosto 20. Ito ang malawakang kampanya ng Pamantasan na naglalayong maihanda, maturuan, at maimulat ang mga botanteng Lasalyano para sa nalalapit na nasyonal at lokal na eleksyon sa susunod na taon.
Pormal na sinimulan ang programa sa isang talumpati ni Br. Bernard S. Oca, Presidente ng DLSU. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pakikisama at aktibong pakikilahok ng mga Lasalyano sa nasyonal at lokal na halalan at ang koneksyon nito sa mga aral at prinsipyo ng Pamantasan.
“Our school cannot renounce its crucial role in the formation of citizens capable of exercising their rights, fulfilling their duties, defending the public, strengthening the social fabric, participating in democratic processes, inserting themselves in politics, growing in ethics and aesthetic dimension,” hango sa Declaration of the Lasallian Educational Mission mula sa Generalate ng Roma na binigyang diin ni Oca.
Naglahad din ng pampolitikang salaysay ang tagapangulo ng DLSU Committee on National Issues and Concerns (CONIC) na si Dr. Ronnie Holmes. Inilahad niya ang ilang mahalagang detalye ukol sa estado ng mga botante. Isa rito ang pagtala ng may higit sa 61 milyong Pilipino na inaasahang magiging kalahok sa nalalapit na halalan. Kaugnay ng malaking porsyento ng bansa na dadalo sa eleksyon, iginiit ni Holmes ang napapanahong pagtaguyod ng pampolitika at sibikong edukasyon upang mapalalim ang kamalayan ng bawat botante. Higit sa lahat, marubdob niyang ibinahagi ang papel ng pagboto upang mapigilan ang muling paglaganap ng otoritaryong pamumuno na tahasang pupuksa sa demokrasya.
Adhikain at mga proyekto
Itinuloy ang pormal na paglulunsad sa pamumuno nina Cate Malig, University Student Government (USG) Vice President for External Affairs, at Angelo Herrera, Advocacy and Adult Formation Coordinator mula sa Center for Social Concern and Action.
Ipinaliwanag nila ang tatlong pangunahing layunin ng kampanya. Una rito ang pagsilbi ng kampanya bilang plataporma sa paghikayat sa mga Lasalyanong magparehistro upang makaboto sa Halalan 2022. Nais din ng Pamantasan na ipalaganap ang obhetibo at may prinsipyong edukasyon ng mga botante. Higit sa lahat, layunin ng BLSP 2022 na maging isang kampanya na magbibigay-liwanag at kamalayan upang humubog ng mga Lasalyanong mulat at bihasa sa pagboto.
Kasunod nito, tumungo ang programa sa pagbabahagi ng mga proyektong nasimulan at aabangan sa mga susunod na buwan at maging sa susunod na akademikong taon. Anila, nakapagsagawa na ng ilang mga webinar at kampanya ang Pamantasan, katulad ng Voters Education Workshop nitong Agosto 6. Kaugnay nito, matatandaang nakalikom ng 1,247 respondents ang DLSU nitong Hulyo, para sa kanilang isinagawang voter registration survey na magiging gabay sa paggawa ng institutional electoral agenda. Dagdag ni Herrera “. . . ganun kahalaga ‘yung resulta ng survey na ‘yun kasi magiging batayan siya para sa binubuong voter agenda or electoral agenda na kung saan nga, kabahagi pananaw ng iba’t ibang sektor . . .”
Matapos talakayin ang kahalagahan ng electoral agenda, sinimulang ilatag ang mga proyektong nakalinya para sa panahon ng kampanya at sa araw ng eleksyon. Ayon sa daloy ng mga proyekto, magkakaroon ng issue-based profiling of national candidates and partylist na magsisilbing gabay sa pagkilatis sa mga kandidato at kanilang mga plataporma. Inaasahan din ang isasagawang online mock elections sa susunod na akademikong taon. Bukod dito, ibinahagi nila na darating sa sukdulan ang kampanya sa araw mismo ng eleksyon at magsasagawa ng election monitoring at canvassing upang masiguro ang tapat at malinis na halalan sa Mayo 2022.
Kaakibat na sektor sa Eleksyon 2022
Ipinangako ng Association of Faculty and Educators of DLSU Inc. ang kanilang buong pakikiisa at suporta sa bawat hakbang sa kampanya ng BLSP 2022, sa pangunguna ni Dr. Dolores Taylan, CONIC Representative. Sa kaniyang pahayag, ibinahagi niya ang magiging kontribusyon ng sektor ng mga guro sa nasabing kampanya.
“Naniniwala kaming mga guro na malaki ang papel na ginagampanan namin sa paghikayat sa mga estudyante na magparehistro, lumahok sa eleksyon, at pumili ng mga karapatdapat maglingkod sa bayan,” giit ni Taylan. Dagdag pa niya, patuloy nilang hihikayatin ang mga mag-aaral sa unang hakbang tungo sa maunlad na bansa sa pamamaraan ng pagboto at paghikayat sa kapwa nila kabataan na bumoto rin.
Binigyang-diin niya ang pagsasagawa nito sa kanilang birtuwal na silid-aralan na magsisilbing tulay ng adhikain mula sa mga guro tungo sa mga Lasalyanong mag-aaral. Dagdag pa ni Taylan, “Babanggitin namin na kaming mga guro ay bumoboto at sa darating na eleksyon, katulad namin, bumoto rin sila at huwag lamang basta bumoto kung ‘di bumoto ng tama at matalino at pumili ng mga tamang kandidato.”
Ipinakita rin ni DLSU Employee Association (DLSUEA) President Johnny Perez ang kaniyang suporta sa adhikain ng nasabing kampanya. Aniya, “Naniniwala kami na ang pagbabago ay hindi nanggagaling sa isang pinuno lamang kung ‘di sa pangkalahatan.”
Nangunguna sa layunin ng DLSUEA ang pagpapalaganap ng pag-unawa sa kahalagahan ng bawat boto bilang kontribusyon sa nasabing adhikain ng BSLP 2022. Ika ni Perez, “Amin silang hihimukin na ipalaganap ang kahalagahan ng pagboto sa paraan na ipaalam nila ito sa kani-kanilang pamilya, kaibigan, kakilala na dapat natin itong gampanan at huwag ipagwalang-bahala.”
Ipinaalala naman ni Audrey Garin, Advocacies Team Leader ng University Vision-Mission Week, na gamitin ang boses para magsalita at makialam para sa seguridad at kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino. Sambit niya, “The power lies in our hands on the first Monday of May to dictate how the country will move forward and assure the safety and welfare of every Filipino.”
Tinig ng mga botanteng Lasalyano
Sa layunin ng BLSP 2022 na manghikayat at magturo, inaasahan ang partisipasyon ng pamayanang Lasalyano, lokal na barangay, at ng sambayanang Pilipino. Nangunguna na rito ang mga botanteng Lasalyano na naglalayong mapakinggan ng kanilang kandidatong pipiliin ang hinaing ng taumbayan.
Ito ang ilang boses na nagmula sa mga Lasalyano na ipinalabas sa naturang paglulunsad ng kampanya:
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto sa pagtatanggol ng ating karapatang pantao at para sa kinabukasan ng kabataang Pilipino.”
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto para sa maayos na pamamahala na gagabay patungo sa pagbangon ng ekonomiya sa gitna ng pandemya.”
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto para sa nahihirapan, nangangailangan, at para sa kinabukasan nating lahat.”
“Ako ay Lasalyano at boboto ako para sa isang maayos na COVID-19 response.”
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto para sa isang kinabukasan kung saan ang mga pangangailangan ng sambayanang Pilipino ang mabibigyan ng lubos na pansin.”
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto para sa matapat na pagtaguyod ng ating ekonomiya, edukasyon, kalusugan, at higit sa lahat, ang ating mga karapatang pantao.”
“Ako ay Lasalyano at ako ay boboto para sa kinabukasan ng aking bansa.”
Masasabing isang kasalanan sa bayan ang pagpili ng kandidatong hindi karapatdapat at walang kakayahan sa kadahilanang hindi naging sapat ang pag-unawa sa kahalagahan ng bawat boto at pagkilala sa kandidatong ating inihalal.
“Hindi tayo pumipili lamang ng mga magiging lider o pinuno natin, pumipili tayo ng mga lingkod-bayan. Inilalagay natin sila sa posisyon hindi upang mamuno kung ‘di upang maglingkod sa atin nang may puso, nang may katapatan, at may pagsasaalang-alang sa kabutihan ng sambayanan na ang Pilipinas,” pagpapaalala ni Taylan.