BITBIT ang mga nakamit na parangal, matatagpuan sa mga pambatong bansa ng Timog-Silangang Asya ang ilan sa mga tanyag at dekalibreng koponan sa multiplayer online battle arena (MOBA). Sa katunayan, itinanghal ng GosuGamers ang mga koponang Pilipino na Blacklist International, Bren Esports, at Execration ML bilang tatlo sa pinakamahuhusay sa larong Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) sa buong mundo matapos nitong magwagi sa MLBB M2 World Championship 2020 at MLBB Southeast Asia Cup.
Dulot ng mabilis na pag-usbong ng mga mobile game, kapansin-pansin din ang pagdami ng mga tagahanga ng MOBA matapos magkaroon ng mga larong hango rito. Kabilang dito ang Wild Rift, na inilabas ng tanyag na game developer na Riot Games noong Hunyo 6, 2020. Nagmula ang mobile game na ito sa larong League of Legends na isa sa mga pinakakilalang MOBA sa buong daigdig na may 115 milyong aktibong manlalaro kada buwan ngayong taon.
Pagbabalik-tanaw sa pagkatatag ng Summer Super Cup
Nahati ang torneong 2021 Wild Rift: SEA Icon Series – Summer Super Cup sa tatlong yugto— ang Preseason, Group Stage, at Playoffs. Nagsimulang magpakitang-gilas ang bawat koponan sa Preseason na nagbukas noong Abril 3. Tumakbo ito nang pitong linggo hanggang sa dumating ang Group Stage na nagsimula noong Hunyo 19 at nagtapos nitong Hunyo 22. Tumagal naman ang Playoffs ng kompetisyon mula Hunyo 25 hanggang Hunyo 27.
Sa pagtatag ng Wild Rift SEA Icon Series – Summer Super Cup, layunin ng Riot Games na buksan ang pinto sa mga koponan ng Timog-Silangang Asya upang makilala sila sa iba’t ibang torneo ng MOBA. Bunsod nito, tila dumaan sa butas ng karayom ang bawat koponan upang makamit ang inaasam na tagumpay sa naturang torneo.
Maliban sa mahabang proseso, mahigpit din ang naranasang bakbakan ng bawat koponan bunsod ng daan-daang kalahok nito at limitadong puwesto sa bawat yugto ng torneo. Humigit-kumulang 800 pangkat mula sa Timog-Silangang Asya, Hong Kong, at Taiwan ang napabilang sa SEA Icon Series. Gayunpaman, 16 lamang ang napabilang sa Summer Season nito, na may tig-dalawang qualifier mula sa walong kalahok na rehiyon.
Kaugnay nito, hinati ng mga tagapangasiwa ng torneo sa apat na grupo ang natirang 16 na koponang magsasagupaan para sa group stage round ng torneo. Masusubukan dito ang katatagan ng mga manlalaro dahil dalawa lamang sa apat na koponan sa grupo ang maaaring makaabante sa susunod na yugto ng tunggalian. Sasalang naman sa playoffs o quarterfinals ng kompetisyon ang walong koponang magwawagi mula sa nabuong apat na grupo.
Pagkatapos ng mainit na sagupaan sa quarterfinals, apat na koponan na lamang ang matitira at magtatapatan para sa semifinals. Mula rito, ang dalawang natitirang koponang nakalagpas sa mga hamon ng torneo ang maglalaban nang limang beses para sa kampeonato ng Wild Rift Summer Super Cup.
Pagharap ng mga koponan sa sistema
Kapana-panabik na mga bakbakan at kagila-gilalas na mga koponan—sa pagharap sa serye ng SEA Icon Series, natunghayan sa mga estratehiya ng bawat koponan ang kanilang pagkamalikhain sa pagpili ng mga kampeon upang mapagtagumpayan ang bawat laban. Sa pagkamit nito, puspusang naghanda ang mga manlalaro upang mapatibay ang kani-kanilang samahan at matunghayan ang iba pang mga taktika na maaari nilang magamit sa mismong torneo.
Kasabay ng pag-usbong ng mga tunggalian sa Esports tulad ng 2021 Wild Rift: SEA Icon Series ang pag-angat ng antas ng abilidad at kasikatan ng bawat koponang kabilang dito. Sa kabila ng mga mapanghamong sistema, naipamalas ng mga manlalaro para sa kanilang mga tagahanga—nanalo man sila o natalo—ang angking husay nila sa paglalaro upang makapagbigay ng mahihigpit na laban sa torneo.