“Hindi ka ba napapagod? Paulit-ulit na lang.”
Hangga’t nananatiling sarado ang tanggapan ng mga taong dapat na tumutugon sa mga panawagan, uulit-ulitin ko ang pagkatok hanggang sa masira ang pintuan. Hindi tayo dapat marindi sa sigaw ng kabataan, sa pangangalampag ng iba’t ibang sektor ng bayan, dahil naniniwala akong hindi man tayo pagbuksan, makahihikayat naman tayo ng mas maraming kamay na makikikatok hanggang sa madinig ang ating ipinaglalaban.
Pinatutunayan lamang ng mga nananatiling panawagan na patuloy ang pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan ng pamahalaan sa tunay na kalagayan ng bayan. Isa itong kahiya-hiyang katotohanan sa bahagi ng mga nanunungkulan dahil katumbas ito ng mensaheng hindi nila natutugunan ang pangangailangan ng kanilang nasasakupan.
Hindi naman magpapatuloy ang mga panawagang pinalalakas nang pinalalakas kung pinagtuunan na ito ng pansin. Hangga’t walang epektibong pagtugon at pagpapanagot sa mga lumalapastangan sa karapatan ng sambayanan, magpapatuloy ang panawagang #LigtasNaBalikEskwela, #NoToRedTagging, #StopTheAttacks, #DefendPressFreedom, #DefendTheCampusPress, #AbolishNTF-ELCAC, at iba pang daing ng masang Pilipino. Magpapatuloy tayo sa kolektibong pagsambit at pagsulong para palakasin ang kalampag na sinilaban ng lantarang pagpapabaya ng pamahalaan.
“Hindi ka ba natatakot? Masyado kang hayag.”
Kung patuloy tayong magpapatalo sa takot, mananatili tayong sunud-sunuran sa agos na hinuhulma ng mga traydor sa bayan. Kung hindi tayo papalag at magpapahayag, hindi matatakot ang mga nasa itaas sa pagsulong nila ng sariling interes habang naghihirap ang mga mamamayan. Hindi naman tayo nag-iisa sa laban, at tandaang hindi nasusukat ang tapang sa kawalan ng takot — nasusukat ang tapang sa pagpapatuloy sa kabila ng takot na nararamdaman. Sumulong hanggang makarating sa yugtong hindi na natin kailangan ipanawagan ang mga karapatan at pangangailangang inihahain na dapat mismo sa ating harapan.
Mapapagod, pero hindi titigil; matatakot, pero hindi matitinag. Pansamantala lang naman ang pagdamdam sa mga ito, bilang pagkilala sa pagiging tao, dahil ang pangmatagalang bahagi nito ay ang pagpapatuloy—paghugot ng mas malakas na pwersa para humakbang pasulong at pagpili sa pagpapalakas para sa mga susunod na bukas.
Sa mga kapwa ko estudyante at kabataang pinili ang pagsisilbi sa mga Lasalyano at sa bayan, gamitin natin ang boses, impluwensiya, kapangyarihan, at kakayahan natin para hilahin ang iba papalapit sa kamalayan, patungo sa pakikialam at paghingi ng pananagutan. Ipakita nating malaki ang espasyong napupunan ng kabataang tumitindig at pangmatagalan ang dulot ng desisyong binuo natin nang sama-sama.
Sa darating na pambansang halalan sa susunod na taon, patunayan nating hatid ng kabataan ang pag-asa ng bayan—na hindi natin uulitin ang mga pagkakamali ng kahapon sa pagluklok sa mga susunod na mamumuno, at babaunin lamang natin ang mga pamantayang naipirmi ng mga nagdaan at kasalukuyang lider na epektibong gumampan.
Hindi rin tayo makakalimot—huwag tayong makalimot kailanman. Sapagkat sa nakaraan tayo babatay upang masigurong hindi na pupuwang ang sinomang malayo sa tunay na sitwasyon ng nasasakupan, at dito tayo huhugot ng pag-unawa sa tuwing makaririnig tayo ng mga pananaw na taliwas sa ating ipinaglalaban. Tandaang nagsimula rin tayo sa paghahanap ng muwang, at ngayong mulat na tayo sa katotohanan, imbitahan natin ang iba. Ika nga’y walang humpay na pagpapaliwanag at pagpili ng pag-unawa.
Hindi ka pa rin ba kumbinsidong makisangkot? Halika, pwede naman tayo mag-usap. Handa naman akong maglatag at magpaliwang.