Pagdilat ng mga mata, iskrin ng aking kompyuter na naman ang unang bubungad. Magmula Lunes hanggang Linggo, hindi maubos-ubos ang dami ng mga gawaing pang-akademiko. Minsan, sobra-sobrang sakripisyo na ang iniinda magampanan lamang ang mga tungkulin bilang isang estudyante. Umaabot pa sa punto na nawawalan na ng oras para sa mga bagay na nagbibigay ng saya at aliw sa nanlulumong bersyon ng sarili. Gayunpaman, sa mga sandaling nararamdaman na natin ang matinding pagkayamot at pagkabalisa sa paghabol ng mga itinakdang gawain, may isang taunang proyektong nagsisilbing pag-alpas sa hilahil para sa mga Lasalyano.
Nagkaisa muli ang mga kinikilalang organisasyon ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa pagsasagawa ng taunang Lasallian Enrichment Alternative Program (LEAP) na pinamagatang #LEAPscape, Agosto 18. Upang magbigay-daan sa proyekto, hindi nagsagawa ng mga synchronous session ang mga propesor at estudyante sa senior high at undergraduate level ng DLSU Manila at Laguna, alinsunod sa anunsyo ng Office of the Vice Chancellor for Academics. Bukod pa sa nabanggit na petsa, isinagawa rin ang iba pang inihandang LEAP classes noong Agosto 13-14 para sa mga mag-aaral na nais maranasan ito nang mas maaga. Salungat sa nakasanayang pisikal na pagtitipon at pagpupulong, nasaksihan ang programa sa masikhay at mabisang paggamit ng Zoom.
Naging pangunahing gabay ang kasalukuyang kalagayan sa paghubog ng nakawiwiling temang #LEAPscape. Pinakinabangan at sinamantala ng mga organisasyon ang paggamit ng mga aplikasyon at websites upang maisakatuparan ang matayog nilang lunggati na maitaguyod at mapalago ang pangkabuuang kaunlaran ng mga Lasalyanong nakisali at nakilahok. Higit sa lahat, hangad ng proyektong ito na makapaghandog ng samu’t saring alternatibong klase na magpapaunlak sa ating mga kinagigiliwang libangan—na maaaring pumawi sa mga suliraning matagal nang bumabagabag sa ating mausisang pag-iisip.
Paglinang sa kakayahan
Isang repleksyon ng sigasig na tinataglay ng mga Lasalyano ang kabuuang tema ng LEAP 2021. Nabigyan ng pagkakataong makalahok ang bawat mag-aaral sa mga alternatibong klaseng pumukaw sa kanilang samu’t saring interes. Sa paghahandog ng mga suplementaryong kaalaman at mga espasyong panlibangan, nabigyang-ginhawa ang mga estudyante sa gitna ng pagsusunog ng kanilang mga kilay.
Ikalawang beses nang isinagawa ang programang LEAP sa ilalim ng online set-up matapos masuspinde ang tradisyonal na klase noong Marso 2020. Para sa taong ito, sinusundan ng LEAP ang tatlong yugto ng Lasallian Reflection Framework (LRF), na dahilan para hatiin ito sa tatlong araw nang sa gayon, maiayon ang mga inihahandog na klase sa temang inilaan para sa bawat araw. Nakatuon naman ang bawat klase sa mga espesyalidad ng mga student organization na nagtatag ng mga ito.
Pinasimulan ang unang araw ng mga alternatibong klase sa pagbibigay-importansya sa yugtong masid-danas sa pamamagitan ng pagpapayabong ng mga teknikal na kasanayan at kamalayan sa lipunan, na may kinalaman sa mga larangan ng siyensya, teknolohiya, at komersyo. Naging puntong umuugong sa araw na ito ang pagbibigay-diin sa mga nakaambang hamon ng buhay sa paglisan ng isang Lasalyano mula sa Pamantasan. Sa malinaw na pag-asimila ng mga paksang nararanasan sa pang-araw-araw na gawi ng mga Lasalyano, nagawa nitong paigtingin ang pakikinig ng mga taingang masisigasig.
Hindi lang perspektiba ang nakalap ng mga lumahok, kundi pati na rin ang mga kasanayang hindi gaanong itinuturo o mapupulot sa loob ng silid-aralan. Nagbigay ng kabatiran ang ilang mga klase hinggil sa paghahanda o pagdedesisyon sa landas na kanilang kukunin, na may layuning hasain ang mga esensyal na kakayahang kailangang taglayin para sa larangang sisikapin ng isang Lasalyano pagkatapos ng kolehiyo. Bilang karagdagan, nabigyan din ng oportunidad ang mga estudyante na makapulot ng kaalaman ukol sa pagiging mulat sa iba’t ibang isyung panlipunan, sa loob o labas man ng bansa.
Tinagurian namang “Self Improvement Day” ang ikalawang araw ng LEAP classes na naglalayong maituon ang partisipasyon ng mga kalahok sa yugtong suri-nilay. Binigyang-pansin sa araw na ito ang mga kasanayang magsusulong ng pag-unlad ng mga mag-aaral sa kanilang sariling mental at pisikal na kalusugan, pakikipagkapwa-tao, pagkilala sa sariling pagkatao, at paghasa ng pansariling kakayahan. Layunin sa araw na ito ang mapaunlad ang bawat indibidwal sa iba’t ibang larangan, gaya ng pag-arte, pagsayaw, pag-edit ng mga bidyo, at pagkuha ng retrato. Tinalakay rin sa mga klase ang mga paraan upang magkaroon ng positibong pananaw habang nakikipagbuno sa online class, pati na rin ang mga hakbang na maaaring gawin upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili.
Inihandog naman ng ikatlong araw ng programa na pinamagatang “Social Involvement Day,” ang iba’t ibang daluhan na nagbigay ng tuwa sa mga mag-aaral. Sa dakong ito, bilang pagbubunyi sa pagwawakas ng buong proyekto, halo-halong mga aktibidad ang naganap upang makapaghalubilo sa isa’t isa ang mga kalahok ng bawat programa. Nahiwalay nito ang mga mag-aaral sa kanilang sari-sariling interes o natatanging libangan. Mayroong mga manlalaro, mananayaw, tagahanga ng pelikula, mahilig sa sining at musika, at mga nagmamahal sa kulturang Koreano.
Sa likod ng mga talakayan
Bakas ang pagsisikap ng mga organisasyon sa likod ng magagarbong pubmats at nasiyahang mga kalahok para sa naturang LEAP classes. Mula sa pag-iisip ng tema’t paksa ng kani-kanilang isasagawang aktibidad hanggang sa paghahanap ng panauhing pandangal, malaking proseso ang kinakailangan upang maging matagumpay ang mga alternatibong klase.
Ayon kay Shenellyn Pineda, Executive Vice President for External Affairs ng DLSU Poliscy at isa sa mga punong tagapamahala ng “Birdshot: The Director’s Table” at “Poliscy’s Playbook to Adulthood”, minabuti ng kanilang organisasyon na sundin ang tema para sa taong ito “to bring about unique experiences to the participants by transforming their knowledge and skills at home” at “to tackle adulting in times of the pandemic through the discussion encompassing online wellness, coping with stress, and developing a positive mindset.”
Nilayon nina Audrey Ysabel Villanueva, AVP for External Affairs ng DLSU Poliscy, at kaniyang mga kasamahan sa organisasyon, na ituon sa suri-nilay ang dalawang alternatibong klase na kanilang inorganisa, upang mapakita ang “pagpapahalaga sa pagsusuri at pagninilay lalo na sa mga isyung panlipunan at sa mga hamon sa araw-araw na pamumuhay.”
Hindi biro ang pag-organisa ng isang klase na dadaluhan ng ‘di lalagpas sa dalawang daang Lasalyano. Ibinahagi ni Villanueva na naging balakid para sa kanilang organisasyon ang maghanap at kumausap ng guest speakers dahil sa hindi tugmang iskedyul. “Kaya importante talaga na maging handa kung saan mayroon dapat nakahanda na back up kung if ever hindi pwede yung speaker na nais mo,” aniya.
Hindi rin ligtas ang LEAP classes sa Zoom fatigue lalo’t tumatagal nang isa’t kalahati hanggang dalawang oras ang mga alternatibong klase kada araw. Kaya naman, sinigurado ni Villanueva na naaagapan ito ng mga alternatibong klaseng isinagawa ng DLSU Poliscy, sa pamamagitan ng mga ice breaker at question and answer portion.
Maraming kapupulutang aral ang mga alternatibong klase sa ilalim ng #LEAPscape hindi lamang para sa mga kalahok na estudyante kundi pati na rin sa mga nag-organisa nito. Para kay Pineda, importante ang magkaroon ng kakayahang makasabay sa pagbabago ng panahon. Ngunit, iginiit din niya ang kahalagahan ng pagiging “open-minded, vigilant, and critical in approaching things, most especially when it comes to learning about new ideas and confronting emerging struggles.” Tumatak naman kay Villanueva ang importansya ng komunikasyon at kooperasyon sa loob ng organisasyon. Saad niya, “ang pag-aayos ng isang LEAP na klase ay tunay na hindi isang madaling gawain . . . Nagsasangkot ito ng maraming proseso at mga hakbang na maaaring maging talagang nakaka-stress at nakalilito kung minsan.”
Papel ng karunungan sa hinaharap
Umaapaw na kaalaman ang hatid ng LEAP 2021 ‘di lamang para sa mga lumahok sa mga aktibidad kundi pati na rin sa mga nag-organisa ng mga gawaing espesipikong hinulma upang tumugon sa interes ng mga Lasalyano. Sang-ayon sa hashtag na #LEAPscape, naging paraan ang programa upang makatakas ang mga Lasalyano sa sandamakmak na gawaing pampersonal, pampamilya, o para sa kursong tinatahak. Nagbigay ito ng tyansa na makapagpahinga ang mga estudyante sa realidad at mabaling ang kanilang atensyon sa pagtupad ng kanilang mga hangarin, pagpapabuti ng pagkatao, at pagbibigay-aliw sa sarili. Bitbit ng proyektong naisakatuparan ng DLSU Council of Student Organizations at mga kaanib na organisasyon ang pagkatuto ukol sa iba’t ibang larangan. Kaya naman, napagyayaman pa ng LEAP ang isipan at abilidad ng mga mag-aaral.
Tiyak na makulay ang gampanin ng mga karunungang natamo sa tatlong araw na iginugol sa LEAP 2021. Subalit, hindi ito natatapos dito. Magkikita-kita muli ang mga estudyante sa susunod na kabanata ng LEAP upang muling tumalon nang sabay-sabay sa mundo ng karunungan—na daan upang malinang ang mga kakayahang instrumento para sa maginhawang kinabukasan.
Kaakibat ng karunungan ang responsibilidad. Hindi ito nagwawakas sa paghahasa ng kaalaman at pagkalap ng mga aral—mayroon pang gampanin ang pagkakaroon ng iba’t ibang kaalaman. Posibleng maging ruta ang pagkatuto upang mas mapabuti ang mga susunod na hakbang tungo sa komportableng hinaharap, o kaya maging paraan upang maiangat ang kapakanan at maibsan ang paghihikahos ng bawat Pilipino. Sandamakmak ang papel nito sa sarili at sa lipunang ginagalawan ngunit nakapaloob pa rin ang desisyon sa iyong mga palad. Ang tanong, paano mo ito gagamitin?