NAGBABAGO na ang mundo ng isports mula sa paraan ng paglalaro hanggang sa mga instrumentong ginagamit upang laruin ang mga ito. Bunsod nito, patuloy na umaangat at nakikilala ang Esports sa buong mundo bilang panibagong mukha ng palakasan. Kabilang na rito ang larong League of Legends: Wild Rift (LOL WR).
Isa sa mga aktibong manlalaro ng LOL WR ang koponan ng De La Salle University (DLSU) na Viridis Arcus Esports, sa pangunguna ni Coach Karl “VA Taisen” Gomez. Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Gomez, ikinuwento ng manlalaro ang isinasagawang ensayo ng koponan bilang paghahanda sa mga naghihintay na torneo sa hinaharap.
Pagtatatag ng Viridis Arcus Wild Rift
Nagsimula ang Viridis Arcus Esports noong 2015, nang unti-unting umusbong ang Esports sa bansa. Ayon kay Gomez, itinatag ang koponan para lamang makasali sa isang malaking torneo noon. “Like that time it wasn’t even an org, it was just created for the sake of competing in the LoL collegiate tournament held by Garena,” ani Gomez. Sa pag-usbong ng lupon ng mga estudyanteng manlalaro, nag-umpisa ang paghakot ng koponan ng mga kampeonato sa iba’t ibang torneo hanggang sa kasalukuyan.
Para naman sa koponang LOL WR, nagsisimula pa lamang ang paggawa nito ng ingay sa larangan ng Esports sa bansa. Noong nakaraang termino, nagsagawa ng tryouts ang koponan at namili ang coach ng pitong manlalaro—lima sa main at dalawang sub—upang makasali sa AcadArena UAC S2. Matapos ang partikular na torneo, sumabak muli ang koponan sa tryouts na nagbunsod sa pagkakabuo ng dalawang koponang nag-eensayo ngayon para sa mga susunod na laban.
Pagbabalanse sa akademiks at Esports
Isa sa mga madalas na naitatanong sa mga estudyanteng manlalaro ang pagbabalanse ng pag-aaral at online gaming. Ayon kay Gomez, kailangang maging pantay ang pangangalaga sa sarili bilang estudyante at pagtingin sa mga responsibilidad sa paglalaro bilang bahagi ng komunidad ng Esports. “It’s about having passion in yourself that what I learn in academics can also apply here in my role in this Esports org,” pagbabahagi ni Gomez sa APP.
Maraming pinagdadaanan ang koponan ng LOL WR sa oras ng pag-eensayo. Upang maging priyoridad ang akademya, binibigyan ang bawat miyembro ng oras ng pag-eensayo sa gabi pagkatapos ng kanilang klase. Nagkakaroon ng scrimmage ang bawat isa tuwing Huwebes at Sabado nang gabi, ngunit malaya pa ring makapaglaro ang mga miyembro sa tuwing may libre silang oras. Sa paraang ito, mas napabubuti ng koponan ang kanilang kakayahan bilang paghahanda sa mga susunod na paligsahan.
Hiling para sa hinaharap
Marami nang nasalihang torneo ang Viridis Arcus Esports sa loob at labas ng Pamantasan. Gayunpaman, pangarap ng ibang baguhan sa organisasyon ang makatungtong sa marami pang paligsahan upang maging kinatawan ng DLSU sa birtuwal na kompetisyon. Naniniwala silang isang karangalan ang dalhin ang pangalan ng Pamantasan bilang isa sa mga institusyong nagsusulong sa pagpapaunlad ng Esports sa bansa.
Para naman sa mga taong gustong sumubok sa larangan ng Esports, ang pagsali sa mga torneo ang isa sa mga pinakamadaling paraan upang masanay at makilala pa ng ibang tao. Kaugnay nito, nais ipabatid ni Gomez na bukas ang Viridis Arcus Esports sa mga Lasalyanong nais maranasang maging bahagi ng isang organisasyon para sa Esports. “I would suggest joining our org here in Viridis Arcus Esports because we have good connections with Esports and would be a good stepping stone to have at least a learning environment of the Esports side of things,” pagtatapos ni Gomez.