BINIGYANG-TUON ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang pagbibigay sa pamayanang Lasalyano ng karagdagang proteksyon kontra-COVID sa pamamagitan ng paglulunsad ng sariling vaccination program nito. Bahagi ito ng plano ng administrasyon nang inilunsad ang Lasallians Action on the Coronavirus Threat upang makapagbigay ng ilang paalala para sa kalusugan at kaligtasan ng mga Lasalyano sa gitna ng pandemya, noong Pebrero 2020.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ipinahayag ng head ng Vaccination Administration Task Force na si Dr. Arnel Onesimo Uy, Vice Chancellor for Administration, na inisyatiba ito ng Pamantasan upang matulungan ang pamahalaan na mapabilis ang pagsugpo sa virus at mapahintulutan ang muling pagbubukas ng Pamantasan.
Kalaunan, nagsagawa naman ng sarbey ang University Student Government (USG), sa pangunguna ni USG President Maegan Ragudo, ukol sa vaccination program ng Pamantasan, noong Marso 5. Naging katuwang nila rito ang Office of Student Affairs, DLSU Parents of University Students Organization, at administrasyon ng DLSU.
Sa kasalukuyan, nakapagsagawa na ang Pamantasan ng COVID-19 Town Hall Session at Information Caravan na nagbigay-linaw sa mga proseso at alituntunin sa pagpapabakuna.
Plano ng administrasyon
Ipinaliwanag ni Uy ang kanilang mga plano sa pagbubukas ng kampus, alinsunod sa mga naging pag-uusap nila ng Adhoc Committee on Campus Operations and Resumption Decisions. Aniya, ipagpapatuloy ng Pamantasan ang pagpapatupad ng operational guidelines ng World Health Organization at pakikipag-ugnayan sa American Society of Heating, Refrigerating and Air-Conditioning Engineers upang maisaayos ang kalidad ng bentilasyon sa mga pasilidad.
Hinikayat din ni Uy ang mga estudyante na isangguni muna sa kanilang mga magulang ang desisyon ukol sa pagpapabakuna. Paglalahad niya, nasa mga Lasalyano pa rin ang desisyon na magpabakuna dahil hindi naman ito mandato, ngunit makatutulong ito sa layunin ng Pamantasan na mahikayat kahit 70% ng pamayanang Lasalyano upang magkaroon ng mini-bubble o mini-herd immunity sa DLSU.
Ipinahayag naman ni Uy ang kaniyang saloobin sa mga suliraning maaari nilang kaharapin sa naturang programa. Kabilang na rito ang nakatakdang iskedyul ng pagdating ng mga bakuna at lugar ng inokulasyon, lalo na para sa mga nakatira sa probinsya.
Sa kabila nito, pinaghahandaan ng naturang task force ang pagdating ng mga bakuna sa pamamagitan ng pre-registration upang magtuloy-tuloy ang proseso kapag dumating na ang mga ito. Dagdag pa rito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng administrasyon sa mga katuwang na health care provider upang isagawa ang inokulasyon sa ligtas na lugar.
Binigyang-halaga rin ni Uy ang pagkakaroon ng kooperasyon sa pagitan ng administrasyon at ng mga Lasalyano. Paglalahad niya, titiyakin nilang nakaiskedyul ang lahat at makikipag-ugnayan sila sa mga nagparehistro upang masigurong magagamit ang inilaang bakuna.
Binanggit din ni Uy na sinusuri pa nila ang posibilidad ng pagsasagawa ng mga panglaboratoryong klase sa ikalabindalawang linggo nitong termino o unang termino ng susunod na akademikong taon, matapos ang pagbabakuna sa DLSU.
Pagpapatibay sa programa
Samantala, inilahad naman ni Ragudo sa APP ang pakikipag-ugnayan ng USG sa administrasyon para sa vaccination program ng Pamantasan. Pagbabahagi niya, “The USG’s main contribution. . . is to ensure the efficient dissemination of the program’s information such as pre-registration procedures, available vaccine brands, and the vaccination timeline.”
Mula sa sarbey ng USG, nasa 46.3% o 162 mula sa 350 iskolar na respondente ang hindi lalahok sa programa sakaling mayroon itong bayad. Kabilang sa mga nakaapekto sa kanilang desisyon ang halaga ng bakuna, lugar ng inokulasyon, at opsyon na magpabakuna sa local government units (LGU).
Subalit, 90.6% o 317 sa 350 iskolar naman ang makikilahok sakaling libre ito. Ani Ragudo, malaking bahagdan ng mga iskolar ang nais magpabakuna sa tulong ng Pamantasan, at mapakikinabangan ito kapag naisagawa agad.
Dahil dito, nakipag-ugnayan sila sa Lasallian Scholars Society upang manawagan para sa libreng bakuna ng mga iskolar ng Pamantasan, at inaprubahan naman ito agad ng President’s Council ng administrasyon. Bukod pa rito, katuwang din ng USG ang Lasallian Student Welfare Program sa pagbibigay ng bahagyang tulong-pinansyal para sa mga non-scholar na nangangailangan ng tulong sa pagpapabakuna.
Samantala, pinalalawig naman ng Office of the Vice President for External Affairs at Science College Government ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa pagpapabakuna upang mas mahikayat ang mga Lasalyano na makilahok sa programa.
“While. . . waiting for more [government] guidelines and protocols. . . we will also [consult] health experts and administrators to ensure the validity and safety of our proposal,” pahayag ni Ragudo ukol sa kanilang paghahanda para sa pagbalik sa kampus.
Tinitiyak nina Uy at Ragudo ang patuloy na pagsusulong sa muling pagbubukas ng Pamantasan. Saad nila, naghahanda na sa kasalukuyan ang administrasyon, sa tulong ng USG, para sa muling pagsasagawa ng face-to-face na klase kahit wala pang nakatakdang petsa para dito.
Ani Ragudo, “As the USG guarantees the fruition of the vaccination rollout, our next step is to concretize our proposed phase by phase opening of the campus.” Kasalukuyan ding isinasagawa ang Student Census ng Education Recovery Plan bilang bahagi ng kanilang constituency check upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante.
Pananaw ng mga Lasalyano
Ipinahayag naman ng ilang estudyante ang kanilang mga reaksyon at opinyon hinggil sa vaccination program ng Pamantasan, sa naging panayam ng APP.
Ikinatuwa ni Brendon Medrano, mula Gokongwei College of Engineering, ang paglulunsad ng programa dahil naniniwala siyang mas maayos at mabilis ang proseso nito kompara sa mga LGU. Tulad niya, napagpasiyahan din ni Emilio Romero, mula College of Liberal Arts, na magpabakuna sa Pamantasan dahil naniniwala siyang mas mapagkakatiwalaan ito.
Naging positibo naman ang reaksyon ni Allex Ramos, mula Br. Andrew Gonzalez College of Education, nang mabalitaang libre ang bakuna ng mga Lasalyanong iskolar. Kuwento niya, “Malaking tulong sa amin. . . since hindi naman lahat. . . may kakayahang magbayad [agad] para sa vaccine [dahil sa] impact [ng pandemya] sa amin financially.”
Sa kabilang dako, ibinahagi naman ni Rose*, mula Ramon V. del Rosario College of Business, ang pagkansela niya sa kaniyang rehistrasyon bunsod ng kaakibat na bayad ng mga bakuna para sa mga hindi iskolar. Pahayag ni Rose*, “Akala ko [covered] ng insurance natin,” subalit pinili na lamang niyang magpabakuna sa LGU.
Naisip din nina Ramos at Romero ang lugar ng inokulasyon, lalo na para sa mga nasa probinsya. Sa kabila nito, naniniwala naman si Romero na matutugunan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga vaccination center sa iba’t ibang lugar.
Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Uy sa nagdaang sesyon ng COVID-19 Town Hall na mayroong 24 na site ang AC Health at nakabatay sa bilang ng io-order na bakuna ang katiyakan ng paggamit kada site.
Umaasa ang ilang kinapanayam na estudyante na sisikapin ng Pamantasan ang pagbabalik-Pamantasan sa lalong madaling panahon sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga limitadong face-to-face na sesyon matapos ang naturang programa.
Nilinaw naman ni Uy na hindi lamang para sa isang sektor ang pagpapabakuna, kundi para sa buong komunidad. Pagbibigay-diin niya, “Hindi tayo nakikipag-compete sa gobyerno subalit gusto nating matulungan sila kung anomang paraan ang pwede nating gawin upang mapabilis ang akses ng ating komunidad.”
Sa huli, hinimok ni Uy ang mga Lasalyano na magpabakuna, sa ilalim man ng vaccination program ng Pamantasan o ng LGU.
*hindi tunay na pangalan