PINASINAYAAN ng University Student Government ng Pamantasang De La Salle ang pagtalakay sa “#YouthVote2022 Campaign: State of National Voter’s Registration” kasama ang mga tagapagsalita na sina Pangalawang Pangulo Leni Robredo, Bb. Sarah Jane Asis ng Commission on Elections (COMELEC), at G. Johnny Rosales ng Samahan ng Boto ng Kabataan, Agosto 13.
Sa pre-recorded video na ipinadala ni Robredo, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng boto ng kabataan at ang kanilang gampanin para sa Halalan 2022. Ginamit din niyang halimbawa ang kasalukuyang pandemya para iparating sa kabataan ang esensyal na tungkulin ng pagboto.
“If you truly want to emerge stronger from the current crisis, we need young people like you,” giit ni Robredo.
Hinimok din niya ang kabataan na magparehistro at hikayatin ang mga kaibigan, kapamilya, at iba pang mga kakilala upang maging ganap na botante. Naniniwala ang Pangalawang Pangulo na isa ito sa mga kinakailangang gawin ng kabataan dahil ilang buwan na lamang ang natitira bago ang susunod na pambansang eleksyon. “We have the power to make sure that we get the leaders we deserve,” pahayag ni Robredo.
Tinalakay rin ni Robredo ang mga katangiang dapat kilatisin ng kabataan sa mga susunod na lider na kanilang ihahalal. Kabilang na rito ang mga lider na may kakayahang pagbukludin ang mga mamamayan at hilain paangat ang mga Pilipino para sa ikauunlad ng bansa at sa ikabubuti ng mundo.
“Remember [that] the leaders we choose will always matter. As the pandemic has shown those who decide for us . . . their choices will affect everyone,” paalala ni Robredo.
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, binanggit muli ni Robredo ang kahalagahan ng pakikilahok ng kabataan sa eleksyon at pagganap sa kanilang karapatang bumoto. Ipinahayag ni Robredo na may tiwala siya na tutuparin ng kabataan ang hamong ito. “I have no doubt that you will rise to the challenge,” saad niya.
Mga paalala sa pagboto
Ipinaliwanag naman ni Asis ang kasalukuyang sistema ng pagpaparehistro sa COMELEC. Inilatag niya ang mga rekisitong kinakailangan ng mga botante upang makaboto sa araw ng eleksyon, kabilang ang pagpaparehistro at pagiging kabilang sa listahan ng mga botante.
Binigyang-linaw din ni Asis na kinakailangan lamang na magpakita ng ID kung may kaparehong pangalan o may pagdududa sa identidad. “Hindi kayo pwedeng pigilan [bumoto] ng kahit sino man kung wala kayong voters ID,” paliwanag ni Asis.
Ayon sa datos ng COMELEC noong 2019, nasa 22 milyon ang kabuuang bilang ng mga kabataang botanteng nasa edad 18 hanggang 34. Bunsod nito, ipinunto ni Asis na may kakayahan ang kabataan na ibahin ang takbo ng halalan upang hindi na ito magaya sa nangyari noong 2016.
Kaugnay ng papalapit na pambansang eleksyon, binigyang-diin ni Asis na kinakailangang balansehin ng COMELEC ang right to suffrage at right to health sa pamamagitan ng pagpapatupad ng alituntuning pangkalusugan. Ibinahagi ni Asis na maaaring gawing batayan ang paraan ng eleksyon sa Palawan Plebiscite noong Marso.
“For example ang ginawa natin sa Palawan Plebiscite nitong March 2021, nag-install tayo ng mga [temperature] checks sa entrance ng bawat voting centers at nag-install ng plastic screens o divider sa loob ng mga kwarto,” pagbabahagi ni Asis.
Implikasyon ng eleksyon
Ipinaalala naman ni Rosales, direktor ng Samahan ng Boto ng Kabataan, na mahalaga ang pagboto dahil isa itong responsibilidad bilang mamamayan ng isang demokratikong bansa. Itinuturing din ni Rosales na pribilehiyo ang pagboto sapagkat may mga bansang hindi demokrasya ang pinaiiral sa pamahalaan, katulad ng sitwasyon sa North Korea. Dagdag niya, makatutulong din ang pagboto upang mapakinggan ng pamahalaan ang mga hinaing ng mamamayang Pilipino.
Tinalakay rin ni Rosales ang pangmatagalang implikasyon ng eleksyon sa Pilipinas at hinati niya ito sa apat: Economic, Diplomatic, Societal, at Political Landscape. Saad niya, “Presidents come and go but their legacies stay there for decades.” Halimbawa umano rito ang ipinamanang utang ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na binabayaran pa rin ng mga Pilipino hanggang ngayon. Dagdag pa rito ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng mga administrasyong Arroyo at Aquino, ngunit kalakip ang samu’t saring mga kontrobersiya, lalo na sa katiwalian.
Sa usapin ng diplomasya, tinalakay ni Rosales ang pagsali ng bansa sa United Nations, at pagkapanalo nito laban sa Tsina sa usapin ng soberanya sa West Philippine Sea. Sa implikasyong panlipunan, tinalakay naman ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagsimula sa administrasyong Arroyo.
Bukod dito, bahagi rin ang dinastiyang politikal at ‘balimbingan system’ na resulta ng eleksyon. Paliwanag ni Rosales, “Sa eleksyon kasi ganito, kapag nanalo si tatay may posibilidad na tumakbo si nanay o si anak; dahil akala nila teritoryo na nila ‘yung mga lugar kung saan sila namumuno.”
Pinalawig naman ni Rosales na mahalaga para sa kabataan ang pagboto dahil nakasalalay sa kanila ang kinabukasan ng bansa. “Tayo ay hindi naman maging estudyante lang, magiging teacher tayo, magiging businessmen tayo, maybe isa sa inyo magiging first Lasallian president, so it ensures our future. Look not five years, look 10 years from now kung ano ‘yung posisyon mo, kung anong trabaho mo, makakatulong ka sa pagbuo ng kinabukasan,” saad niya.
Madalas na isinasantabi ng kabataan ang kanilang karapatan sa pagboto dahil sa kakulangan sa kaalaman ukol sa karapatang bumoto at sa kahalagahan ng eleksyon. Dagdag ni Rosales, maraming bumibili ng boto dahil akala ng ilang mamamayan na nadadaan lamang sa transaksyon ang eleksyon. Dahil dito, hinihiling niyang umabot sa kanila ang wastong impormasyon upang mas mapahalagahan ang kanilang boto.
Nagbigay rin ng payo si Rosales sa mga kabataang nagdadalawang-isip bumoto dahil sa banta ng pandemya. Saad niya, “Magparehistro sila dahil mayroong pandemya, dahil kapag mayroong pandemya, mas malaki ang tyansa na makikita natin kung sino ang dapat nating ibotong lider.”
Kabilang ang pagboto sa mga karapatang ipinagkakaloob ng demokrasya, ngunit kaakibat nito ang obligasyon sa bayan na piliin ang mga nararapat umupo sa pamahalaan. Nakasalalay sa bawat kumpas ng lapis sa balota ang kinabukasan ng bansa para sa susunod na anim na taon. Kaya’t sa nalalabing siyam na buwan bago sumapit ang pambansang eleksyon, kinakailangang maunawaan ng kabataan ang kapangyarihang taglay ng patak ng tintang kanilang iguguhit sa balota.
“Hindi kayo bata lang. Hindi kayo isang boto lang. You are Filipinos,” pagpapaalala ni Robredo.