PINASINAYAAN ng Business Management Society (BMS) ang REVIBE: Sync to the Beat, isang digital festival na binubuo ng mga interaktibong palaro at benefit concert, Agosto 13 at 14. Layon ng kabuuang programang makalikom ng donasyon mula sa mga manonood para sa kanilang benepisyaryo, kasabay ng pagtatampok ng industriya ng musikang Pilipino.
Pinatotohanan ng REVIBE ang hangarin nitong maibalik ang alaala ng nakaraan at makapaghatid ng ginhawa sa mga manonood sa pamamagitan ng pag-imbita ng mahuhusay na mang-aawit at banda. Kabilang dito ang Crebz, Bennett Laine, Gessie, at Serotonin bilang feature performers at Imago, Grent Perez, at Carousell Casualties bilang headline performers.
Bukod sa saya at aliw na hatid ng programa, makatutulong din ito sa komunidad na nangangailangan. “This whole night is pretty much a win-win to everyone,” sambit ni Tony Lindog, isa sa mga tagapagdaloy ng programa.
Ipinabatid din ng mga tagapagdaloy na Jaime Hilario Integrated School (JHIS) – La Salle ang napiling benepisyaryo ng BMS. Isa itong paaralan sa Bagac, Bataan na binuksan noong 2006 upang maghatid ng edukasyon sa mga pamilya mula sa komunidad ng mga magsasaka at mangingisda. Ipinaalam din sa mga manonood na tatagal ang pagtanggap ng mga donasyon mula Agosto 6 hanggang Agosto 20.
Sa kabilang banda, inanunsyo rin sa programa ang mga nanalo sa carnival game booths noong una at huling araw ng programa. Nahati ang mga palaro sa iba’t ibang genre ng musika.
Para sa kategorya ng Ballad, Quintet ang nagwaging grupo at ang Fishes ang para sa kategorya ng Hiphop. Wholesomebois naman ang nanalo sa kategoryang Pitch Battle. Samantala, grupo ng Katipsy ang nagwagi sa kategoryang OPM, H.N.Y sa Pinoy Rock, at Goal Diggers para sa R&B.
Sa ikalawang bahagi ng konsiyerto, nagkaroon din ng pagkakataong mapanood ang panayam sa mga headline performer, katulad ng Imago na ipinabatid sa mga manonood ang naranasan nilang pagbabago sa kanilang pagtatanghal bunsod ng pandemya. Ibinahagi rin ni Grent Perez ang kaniyang inspirasyon at malikhaing proseso sa paggawa ng musika, habang inilahad naman ng Carousell Casualties ang mga kuwento sa likod ng mga kanta nila.
Sa pagtatapos ng programa, ipinahayag ng mga tagapamahala ng proyekto na sina Gab Perez, Ricci Grapilon, Andrea See, at Paolo Matalicia ang kanilang pasasalamat sa mga sumuporta at nakilahok sa programa.
Ipinabatid din ni Clarisse Malimba, opisyal mula sa Student Affairs Office at Prefect Discipline ng JHIS, ang kanilang pagbati at pasasalamat sa matagumpay na pagtatapos ng REVIBE. Aniya, “We may not have something to give you in return for your generosity, but we will always keep your good deeds in our hearts.” Sa huli, ipinakita rin ang ilang bidyo ng mga estudyante ng JHIS na nagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa mga tagapangasiwa at tagasuporta ng programa.