Matapos ang mahigit isang taong pagharap ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), nakapagtala ang mga siyentista ng panibago at mas nakahahawang variant ng nasabing sakit mula sa Peru na pinangalanang ‘Lambda variant’ o ‘C.37 variant’.
Nitong Agosto 15 lamang nang naitala ng Department of Health (DOH) ang kaunaunahang kaso ng Lambda variant ng COVID-19 sa bansa mula sa isang 35 taong gulang na babae. Pagkukumpirma ng ahensya, lokal na kaso at hindi returning overseas Filipino ang nasabing kaso ng Lambda variant. Gayunpaman, gumaling na at naka-isolate ang nasabing pasyente. Sa kasalukuyan, patuloy na pinag-aaralan ng DOH ang sample mula sa pasyente.
Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi pa kasama sa listahan ng variant of concern (VOC) ang Lambda variant sapagkat itinuturing pa lamang itong variant of interest. Gayunpaman, patuloy ang pag-aaral ng mga eksperto sa variant na ito upang maisapubliko ang iba pang impormasyon na mahalagang malaman ukol dito.
Panibagong kalaban, panibagong kalasag
Sa kasalukuyan, limang variant ng COVID-19 ang kumakalat sa Pilipinas at sa iba pang bansa. Ayon sa pinakabagong ulat ng Philippine Genome Center (PGC) na ibinahagi ng Office of Secretary ng DOH sa Ang Pahayagang Plaridel, naitala ang dalawang VOC na Alpha at Beta mula sa mga sample ng lokal na kaso.
Ayon sa DOH, kumpirmado nang may lokal na hawaan ng Delta variant sa Pilipinas. Naitala ang mga kaso ng Delta variant sa Bataan, Laguna, Manila, Pasig, at Taguig. Bukod dito, nadiskubre din ng ahensya ang kaso ng Theta variant na unang nakita sa Pilipinas.
Sa patuloy na pagdami ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa, pinangangambahang mas mapanganib ang Lambda variant kompara sa iba pang variant dahil may pagkakapareho umano ang mutation nito sa Delta variant.
Kaugnay nito, patuloy na nagsasagawa ng pag-aaral ang PGC ukol sa Lambda variant, kasama ang iba pang mga variant of interest o concern. Masusi ring binabantayan ang variant na ito sa pamamagitan ng pinaigting at pinalakas na surveillance at monitoring ng pagtaas ng kaso, at pagsasagawa ng whole genome sequencing sa mga sample mula sa loob at labas ng bansa.
Epektong baon sa bansa
Naniniwala si Dr. Rontgene Solante, eksperto mula sa Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases, na nakababahala ang panibagong variant kahit wala pang katibayang mas nakamamatay ito kaysa sa ibang variant ng COVID-19. Ayon sa panayam ng CNN Philippines kay Solante, mas nakahahawa ang panibagong variant kaya maaaring tumaas ang bilang ng kaso sa mga ospital at magdulot ng mga panibagong impeksyon sa apektadong mamamayan.
Ayon kay Solante, “If you talk about a variant that is highly transmissible, then that will be responsible for a surge of cases and hospitalizations. Most likely for those vulnerable, that can also be a higher risk of mortality.” Dagdag niya, maaaring delikado ang Lambda variant sa mga nakatatanda at mga taong may comorbidities o mababa ang resistensya.
Pagpapaliwanag ni Solante, maaaring maapektuhan din ng Lambda variant ang efficacy rate at side effects ng mga bakuna laban sa COVID-19 ngunit, iginiit niyang malaki ang gampanin ng pagpapabakuna kontra COVID-19 sa paglaban sa nakahahawang variant na ito.
Gayunpaman, binanggit ni DOH Secretary Francisco Duque III sa isang live broadcast sa People’s Television Network nitong Hulyo 13 na hindi pa napatutunayan na bumababa ang bisa ng mga bakuna laban sa COVID-19 kapag ginamit ito sa naapektuhan ng panibagong variant. Iginiit niyang, “Effective ang lahat ng ating mga bakuna this far.”
Mas malakas na sandata
Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga eksperto ang Lambda variant, ayon kay Dr. Nina Gloriani sa kaniyang panayam sa ABS-CBN News. Aniya, hindi pa tiyak kung makapagdadala ng mas malalang sintomas at sakit ang nasabing variant.
Ayon naman sa inilabas na pag-aaral nina Dr. Priscila Wink at kasamahang mananaliksik mula sa Brazil, mayroong mga pagbabago sa mga spike protein ng Lambda variant kaya naging mas mabilis ang transmisyon nito. Binanggit din nina Wink na maaaring maging VOC ang Lambda variant dahil sa lumalalang kaso nito sa Chile, Peru, Ecuador, at Argentina.
Sa pag-aaral naman na inilabas nina Dr. Taku Tada at kasamahang mananaliksik mula sa America, lumalabas na mas mabilis ang pagkalat ng Lambda variant kompara sa ibang variant. Bukod pa rito, may kakayahan ang Lambda variant na pababain ang bisa ng mga bakuna dahil sa mga mutation nito sa receptor binding domain ng virus.
Gayunpaman, sa malubhang mga epekto ng Lambda variant, naniniwala sina Tada na epektibo pa rin ang mga bakuna laban sa Lambda variant dahil may kakayahan ang mga antibodies mula sa bakuna na i-neutralize ang Lambda variant.
Hakbang sa paghahanda
Sa bantang dulot ng Lambda variant ng COVID-19 at iba pang kasalukuyang kumakalat na variant, nagpatupad ng mas mahigpit na border controls at travel requirements si Duque nitong buwan upang maiwasan ang pagpasok ng Lambda variant sa bansa. Giit ni Duque na kahit variant of interest pa lamang ito, maaaring maging VOC ito sa mga susunod na linggo.
Bagamat isa pa lamang ang naitatalang kaso ng Lambda variant sa Pilipinas, hindi ito dahilan para tumigil sa pagbabantay ng mga variant ng COVID-19. Tungkulin ng pamahalaan na unahin ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang nasasakupan. Sa pamamagitan ng mga tulong mula sa iba’t ibang ahensya, at siyentipikong pagharap sa banta ng COVID-19, maiiwasan ang patuloy na pagdami ng kaso nito sa bansa at ang pangamba ng mga taong mahawa sa naturang sakit.
Sa hindi matapos-tapos na pandemya, higit na kailangan ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino at ang pagkakaroon ng kongkretong solusyon mula sa gobyerno. Higit isang taon nang lugmok ang sambayanang Pilipino dahil sa pandemya at sa mga kaakibat na epekto nito sa bansa. Kinakailangan ng mas agresibong paghahanda upang kayanin pa ng bansa ang mga susunod na hamon.
Kaya naman, sa paglitaw ng mga panibagong variant ng COVID-19 at patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso mula sa sakit na ito, pagpapaigting sa pamamahagi ng bakuna ang nangungunang solusyon dahil tungkulin ng lahat na maging responsableng mamamayan at responsableng pinuno.
Sa bansang nilugmok ng pandemya, may panahon ding aahon ito mula sa pagkakadapa—kailangan lamang ng mga kamay na magtutulungan, mga kamay na epektibong tutugon sa hamon, at mga kamay na magkakakapit na haharap sa anomang laban.