INILUNSAD ng The Center for Business Research and Development at The Center for Professional Development in Business ng Ramon V. del Rosario College of Business ng Pamantasang De La Salle ang Skills in Technical and Advanced Research Training (START) Research Capacity Building Hub noong Hunyo 25. Isa itong research hub na naglalayong paunlarin ang kasanayan ng mga mananaliksik, propesor, at mag-aaral sa pananaliksik, upang pangasiwaan ang pagpapalago sa mga negosyo at kompanya.
Handog ng START Hub
Nakapaloob sa START Hub ang mga programang tumutugon sa iba’t ibang larangan ng pananaliksik. Ilan dito ang Publishing in High Impact Journals, Train The Trainers (TTT), at Social Entrepreneurial Action Research Through Technological Interventions (SEARCHT).
Sa opisyal na paglulunsad ng START Hub, ibinahagi ni Dr. Thomas LeBlanc, direktor ng Office of Education sa USAID Philippines, na nakipag-ugnayan sila sa kaguruan sa United States, kilalang lokal na siyentista at mananaliksik, mga ahensya ng pamahalaan, at mga organisasyong may kinalaman sa pananaliksik, upang ituro ang mga naturang programa. “The DLSU START Hub is a major milestone in our long-standing partnership to make higher education a key driver of innovation and inclusive growth in the Philippines,” aniya.
Isinagawa naman ang unang programa ng pagsasanay na tinawag na Publishing in High Impact Journals noong Hunyo 25 at 26. Para kay LeBlanc, kahanga-hanga itong tagumpay dahil kalulunsad lamang ng START center. Sa nasabing kurso, itinuro sa mga baguhan sa pananaliksik ang mga hakbang sa pagpasa ng journal articles, pagtukoy ng mga karaniwang pagkakamali sa pagsusulat at paglalathala ng pananaliksik, at pagsasagawa ng rebisyon.
Samantala, isasagawa ang programang TTT sa darating na Agosto. Layunin naman nitong turuan at sanayin ang mga propesor, pang-akademiya at pang-industriyang mananaliksik, at tagapamahala tungkol sa business model generation at customer discovery process.
Sisimulan naman sa Disyembre ang SEARCHT, na naglalayong tulungan ang mga iskolar at propesyonal na magamit ang mga prinsipyo ng social entrepreneurship sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mahihirap na komunidad. Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang mga estudyante ng naturang programa sa mga panlipunang negosyante at pinuno ng mga komunidad.
Maaaring makita ang registration links, iskedyul, at presyo ng mga klase sa opisyal na Facebook page ng START – A Research Capacity Building Hub sa https://www.facebook.com/STARTHUB2021.
Pagsulong sa hinaharap
Inilantad din sa pampublikong paglulunsad ng START Hub ang mga nakaplanong training program na isasakatuparan sa susunod na taon. Kabilang dito ang START Managing Research and Research Teams, START Moving University Research Forward, START Crafting Winning Research Proposals, at START Growing Intellectual Property.
Ilulunsad sa Managing Research and Research Teams ang ilang learning session upang sanayin ang mga kalahok sa paggawa ng project management plan para sa gagawing pananaliksik. Matututunan naman ng mga research manager sa Moving University Research Forward ang pagtimbang ng kalakasan at kahinaan ng kanilang organisasyon sa paggawa at paglathala ng pananaliksik.
Dagdag pa rito, pasisinayaan naman ang Crafting Winning Research Proposal para tulungan ang mga kalahok sa paghahanap ng mga pampribado o pampublikong ahensya na makapagbibigay sa kanila ng pondo. Samantala, itataguyod sa Growing Intellectual Property ang pagpaparami ng Intellectual Property Base at pagtatampok sa kanilang papel bilang pinagmumulan ng napakikinabangang teknolohiya.
Bukod pa rito, dadagdagan pa ang mga programa ng hub sa hinaharap, tulad ng mga kursong nakapokus sa pag-oorganisa ng mga research conference, pagpresenta ng mga research output, at pag-aaral ng research governance. Inaasahan ding maipatutupad ang programang Filipinnovation Entrepreneurship Corps: Enabling Researchers to Assess Commercial and Societal Value of their Research.
Makikita ang ginugol na oras para maisakatuparan ang nasabing proyekto sa naging pagpaplano at paglulunsad ng START Hub. Pahayag ni Br. Raymundo Suplido FSC, “At the heart of START Center’s training and research consulting activities is our commitment to serve as a resource for the country. We must arm ourselves with knowledge that we can use towards genuine positive change, towards shaping the new normal.”