PINAIGTING ng Arts College Government ng Pamantasang De La Salle Manila (DLSU ACG) ang pagsusulong para sa pagboto ng tamang mga liderato sa Halalan 2022, sa isinagawang panel discussion na pinamagatang “Handang Lasalyano Para Sa Bayan,” Agosto 14. Layunin nitong gabayan ang mga Lasalyano sa tulong ng mga kaalamang ibinahagi nina Josh Valentin, Cleve Arguelles, Konsehal Tol Zarcal, at Mayor Arth Bryan Celeste.
Kapangyarihang itaguyod ang kinabukasan
Bagamat isiniwalat ng pandemya ang lumalalang problema sa sistema ng lipunan, nanindigan si Valentin, Associate of the Vice President for External Affairs ng DLSU POLISCY, na may kakayahan ang kabataan na baguhin ang tinatahak na landas ng bansa. Aniya, “It’s bound to happen. . . You just need to have the belief that I am here for my country and I am willing to serve.”
Dagdag ni Arguelles, Assistant Professional Lecturer mula sa Departamento ng Political Science at Development Studies, tungkulin ng kabataan na imulat ang isa’t isa at bigyan ng mas makabagong solusyon ang mga dating problemang kinahaharap. Kahit nililimitahan ng pandemya ang kilos ng bawat isa, naniniwala siyang magagampanan pa rin ng kabataan ang kanilang mga responsibilidad, na mababatid sa mga naglipanang community pantries at mga adbokasiya sa social media.
Upang mas maunawaan ang kapangyarihan ng bawat boto, binigyang-diin ni Zarcal, konsehal ng lungsod ng Maynila, na kinakailangang suriing mabuti ng kabataan ang plataporma at intensyon ng bawat kandidatong tatakbo. “. . . when we choose a side, remember principles and morals natin kasi when we choose a certain side we also need to live with it during the elections, and we need to live with the consequences that we make,” paliwanag niya.
Samantala, pinabulaanan naman ni Celeste, alkalde ng lungsod ng Alaminos, na makikita lamang ang tunay na pagbabago sa susunod na lima o anim na taon. Aniya, “. . . the only time that change will truly happen is when the youth will take over. . . once the youth enter politics we would think more of others than ourselves.” Gayunpaman, hinihikayat pa rin niya ang lahat na pumili ng kandidatong may kakayahang pagbukludin ang bawat mamamayan.
Papel ng mulat na kabataan
Inilahad naman ni Arguelles ang resulta ng kaniyang pananaliksik na nagsabing nasa 15 milyong kabataang Pilipino ang hindi pa rehistrado o pinipiling hindi bumoto kahit ganap nang botante. Nasasayang sa dagok na ito ang pagkakataon ng kabataan na maiparinig ang kanilang boses. “That huge number [15 million] can elect a different president. Even in your communities, that could really redefine local politics,” giit ni Arguelles.
Bunsod nito, itinuturing na responsibilidad din ng bawat Lasalyano na gamitin ang kanilang pribilehiyo upang makapanghamig ng kapwa Lasalyano. “Bilang mga Lasalyano, we are part of the privileged group. . . blessed talaga with a lot of education and knowledge. We should always continue to be patient, educate these people, and communicate. . . in a respectable manner,” wika ni Zarcal.
Pinalawig naman ni Valentin ang mga paraan upang lalong mapalakas ang boses ng kabataan. “It’s time na dapat we open our doors to involving youth in the process of things, kunwari sa lobbying ng policies, pakinggan natin ‘yung kabataan sa mga hearings, sa mga policies na ginagawa sa’ting ma universities, [at kahit] sa mga barangay,” pagdidiin niya.
Ipinahiwatig din ni Celeste ang kapangyarihan ng kabataan na magsilbing mitsa na magpapaliyab sa damdamin ng mga Pilipino tungo sa pagkamit ng pagbabago. Ayon sa kaniya, may nadudulot sa komunidad ang pagiging aktibo ng isang kabataan sa paghikayat sa kanilang kapwa na gumawa rin ng mga aksyong makatutulong sa kanilang bayan.
Mitsa ng pagbabago
Tungkulin ng makabagong henerasyon na patuloy na magsiyasat ng mga hakbang upang puksain ang mapaminsalang dagok sa demokrasya at ituwid ang landas ng bansa patungo sa mas progresibong lipunan.
Isa na rito ang simpleng pakikipagtalakayan sa mga kaibigan, kapamilya, at kakilala upang hikayatin silang magparehistro. “What we see in the evidence is that face-to-face talks with people that you know, ‘yan ang most effective in terms of recruiting people to register [to vote],” paglalahad pa ni Arguelles.
Samantala, iginiit naman ni Zarcal na nakababahala ang pagdududa ng ilang kabataang magparehistro sa kabila ng samu’t saring pangyayari sa mundo. Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng halalan upang pagkaisahin ang lahat sa isang demokratikong pamamaraan na magsisimula ng malawakang pagbabago.
Ibinahagi naman ni Valentin na hindi natatapos sa halalan ang pagiging aktibong mamamayan ng mga Pilipino. “We need ‘yung youth participation talaga even after 2022. Dapat ‘yung mga voter education initiatives natin for like political awareness, nadadala natin ‘to pagkatapos,” giit niya.
Mainam na hindi ikulong sa konsepto ng halalan ang pagbabagong maaaring gampanin ng kabataan. Hindi natatapos sa pagboto ang pagiging isang aktibong mamamayan at napapanahon lamang na magpatuloy ang kabataan sa pagiging masikhay para sa progreso ng lipunang kinabibilangan.
Paglalahad ni Celeste, “Even if. . . I can’t change [the world], hopefully, I can inspire someone to do that. To the Lasallians here, let’s do our part for our country.” Malayo pa ang lalakbayin upang makamit ang inaasam na progreso subalit isa itong mahabang proseso na magsisimula lamang sa isang hakbang ng kabataan—hakbang na magsisilbing mitsa ng pagbabagong karapatdapat para sa mga Pilipino.