MAINIT, sumusulong, at umaatikabo—ganito mailalarawan ang pagbulusok ng De La Salle University (DLSU) Lady Paddler standout na si Janna Romero sa mundo ng table tennis sa loob at labas ng bansa. Matapos dominahin ang titulo sa Palarong Pambansa, sunod na tinahak ni Romero ang mas mataas na torneo ng Southeast Asian (SEA) Games 2019, gayundin sa katatapos lamang na Asian Olympic Qualification Tournament na idinaos sa Doha, Qatar nitong Marso 2021.
Unang pagtapak sa entablado
Nagsimulang umusbong ang husay ni Romero noong 2018 na naging hudyat ng panibagong kabanata ng Paco Citizen Foundation Academy alumna para sa koponan ng Lady Paddlers. Sa kabilang banda, kasabay rin ng pagdating ni Romero ang hamong depensahan ang 4-peat championship title na naitatag ng Lady Paddlers, na bumatak sa kaniya nang husto upang tanghaling Rookie of the Year ng taong iyon.
Maliban sa kaniyang karera sa pangkolehiyong kompetisyon, umabot din hanggang internasyonal na tanghalan ang talento ni Romero matapos maging kinatawan ng Pilipinas sa SEA Games 2019. Nakasama niya rito ang mga beteranong atleta tulad nina Rose Jean Fadol at Richard Pugoy Gonzales na minsan nang pumukol ng titulo sa larangan.
Sa kabila ng mga palamuting nakasukbit sa kaniyang pangalan, hindi naging madali para kay Romero ang manatiling angat sa bawat laban. “Para sa‘kin, sobrang hirap ng adjustments ko noong dumating ako sa college level dahil mas nape-pressure ako kasi mahirap pagsabayin ang national team at [ang] pag-aaral,” sambit ni Romero sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).
Bagsik ng legasiya
Maaga man ang paglundag ng kaniyang kapalaran sa larong table tennis, hindi nawawala kay Romero ang pagkagigil at pagkagutom sa mga titulong nais pa niyang masungkit. “Ang gusto kong makamit para sa Lady Paddlers ay maging champion kami at maging UAAP MVP,” ani Romero ukol sa kagustuhan niyang maasam sa pamamalagi niya sa DLSU.
Sumipat ng pagkakakilanlan ang bagong salta na si Romero gamit ang kanyang mabibigat na service aces upang maitatag ang bentahe sa mga laro nito. Banayad na may halong tapik-pameke ang naging pangunahing armas ni Romero, dagdag na lamang sa kaniyang bilis at lakas ng hataw sa raketa na nagpaangat sa kaniya bilang manlalaro.
Aminado naman si Romero na naging malaking parte ng kaniyang desisyong maging bahagi ng DLSU Lady Paddlers ang naiwang legasiya ni Lariba, na nagparingas din sa kasalukuyang tayog ng kaniyang karera bilang atleta. “. . .Siya ang naging inspirasyon ko sa paglalaro ko ng table tennis dahil doon [siya] nakapagtapos ng pag-aaral,” pahayag ni Romero bilang patotoo sa kaniyang nakatuong hangaring sumunod sa yapak ng Olympian.
Bakas ng yapak ng isang alas
Lubos na pinasasalamatan ni Romero ang mga taong naging malapit sa kaniyang buhay sa loob ng unibersidad nang mapasali noong 2017 sa Lady Paddlers. Kasama rito ang pamilya at mga kaibigan niyang laging nakasuporta sa kaniyang mga pangarap. “. . .Gusto ko [ring] magpasalamat kay Ms. Grace dahil lagi niya ako[ng] pinu-push maging better, lalo na sa acads and sa sports ko,” dagdag niya. Bukod dito, binanggit din ni Romero na pinaghuhugutan din niya ng lakas ang kaniyang koponan at mga coach na malaki ang ipinukol na tiwala sa kaniya.
Nagbunga ang katatagan at tiyaga ni Pinoy paddler Romero nang lumahok ito sa mga panlabas na torneo. Malaking pagkakataon para sa kaniyang umuusbong na karera ang makalikom ng internasyonal na karanasan sa mga patimpalak, pati na rin sa mga nakasama niya sa bubble. “Ang laki ng naging improvement ng laro ko dahil mas madami na ako[ng] nakaka-training at mas naging matured ako sa paglalaro,” pagbabahagi niya. Bunsod nito, maaasahang mas mabagsik at malakas na kampanya ang hatid ng atleta sa mga susunod na torneo bitbit ang kaniyang natamong kasanayan.
Bagamat bigo sa qualification round ng Olympics matapos kapusin lamang ng isang panalo upang umabante sa kaniyang pangkat, hindi ito nagpadiskaril kay Romero bagkus, mas tinutukan pa niya lalo ang paglinang ng kaniyang mga kakayahan para sa mga nakalatag na torneong sasalihan niya tulad ng UAAP Season 83.
Kasalukuyang nagsasanay sa bubble si Romero para sa susunod niyang laban sa Asian Games 2022 na idaraos sa China. Dito masusubukan ang kaniyang lakas sakaling makatapat ang mga powerhouse na koponan ng China, Japan, India, at South Korea na tanyag na mga balakid para sa kaniyang podium finish.
Handa na ring umaksyon si Romero anomang oras sakaling matuloy na ang naudlot na pagbubukas ng UAAP season 83 na pauunlakan ng DLSU bilang host school. Susubukan muli ni Romero na pangunahan ang pagbabalik ng korona sa Taft mula sa pagtatapos sa ikalawang pwesto noong nakaraang edisyon.
Malaki ang pangarap ni Romero para sa kinabukasan ng Lady Paddlers at ng kaniyang karera bilang atleta. Itinuturing man siyang rookie sa koponan, marami na siyang napatunayan sa loob at labas ng table tennis. Naudlot man ang pagkakataong makatapak sa 2020 Tokyo Olympics, hindi naman ito ang huling pagkakataon para sa pagningning ng pangalan ni Romero sa larangan ng palakasan.