INAPRUBAHAN sa ikaapat na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagtatatag ng multi-faith space sa Pamantasang De La Salle (DLSU), pagpapanatili ng Arts College Government (ACG) Online Website, at paglulunsad ng Pahiram Equipment Act at ng University Student Government (USG) Online Platforms Manual, Agosto 13.
Bukod pa rito, ipinasa rin ang minutes of the meeting ng ika-9 at ika-10 regular na sesyon ng LA. Samantala, ipinagpaliban naman ang pagsasakatuparan ng Council of the Program Representatives dahil kinakailangan pang linawin ang mga probisyon ukol sa estruktura at organizational chart nito.
Pagtatatag ng multi-faith space
Unang tinalakay ang pagtatag ng isang multi-faith space sa loob ng Pamantasan na magbibigay-espasyo para sa mga estudyanteng may iba’t ibang relihiyon. Alinsunod ito sa Safe Spaces Act na sinisigurong sinusunod at nirerespeto ang karapatan ng bawat tao.
Magsisilbi ang itatakdang multi-faith space bilang inklusibong lugar para sa pagdarasal at iba pang tradisyong pangrelihiyon. Magkakaroon din ng iba’t ibang meditative at espiritwal na aktibidad para sa mga estudyante at kawani ng Pamantasan.
Ayon kay Lara Jomalesa, FAST2019, ipinahayag ng Lasallian Pastoral Office at Lasallian Mission Office ang kanilang suporta ukol sa nabanggit na inisyatiba. Dagdag pa niya, itataguyod din ito ng Catholic Religious Organization of Students at magsusumite rin ng liham ang USG sa administrasyon kapag naisapinal na ang nasabing panukala. Inendoso rin ito ng Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE).
Sa botong 25 for, 0 against, at 0 abstain, inaprubahan ang pagtatatag ng multi-faith space sa Pamantasan.
Pagpapanatili ng ACG Online Website
Inilahad ni Ashley Francisco, FAST2020, na mahalagang ipagpatuloy ang ACG Online Website dahil nagsisilbi itong pangunahing plataporma ng mahahalagang impormasyon para sa mga estudyante ng CLA. Tinalakay naman ni Marts Madrelejos, FAST2018, ang tungkulin ng ACG Units na pamahalaan ang mga nilalaman ng website at ipakalat ito sa mga kinatawan ng FAST Batch Student Government.
Sa kabilang banda, ipinabatid naman ni Luis Martinez, FAST2017, ang iba pang nilalaman ng website gaya ng program flowcharts, scholarships, panlabas na mga oportunidad, mga propesyonal na organisasyon, at iba pang nakatakdang proyekto ng kolehiyo.
Ibinahagi naman ni Rai Nivales, college president ng CLA, na inaasahan ang regular na ulat ukol sa website, sa ilalim ng pangangasiwa ng College Assembly President Team o ACG Executive Board. Ipinahayag din ni Jomalesa na gagamitin ang Facebook page, Telegram channel ng ACG at FAST units, at iba pang online na plataporma na makapagpapaabot ng kaalaman sa mga estudyante ng CLA.
Ipinasa ang resolusyong nagpapanatili ng ACG Online Website sa botong 24-0-0.
Panukala sa Pahiram Equipment Act
Inilahad ni Jomalesa ang pangunahing layunin ng Pahiram Equipment Act na bigyang-pansin ang suliranin ng mga estudyante ukol sa kakulangan ng kagamitan para sa distance learning. Layon nitong bigyang-daan ang mga estudyanteng nais manghiram o magpahiram ng kanilang mga gadyet o anomang kagamitan na makatutulong sa online na klase.
Paglalahad ni Vera Espino, 75TH ENG, magkakaroon ng karapatang bumuo ng sariling proseso ng implementasyon ang mga katuwang na opisina. Kabilang din dito ang sistema ng publisidad at sirkulasyon ng programa na naglalayong maipakalat ang materyal-publisidad nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang termino.
Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Didi Rico, 74TH ENG, na kailangan pa ring sundin at obserbahan ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyante mula sa panganib ng COVID-19. Kaugnay nito, ipinakita naman ni Macario Vjuan, FOCUS2019, ang detalyadong listahan ng alituntunin at patnubay para sa mga makikilahok sa programa.
Nilalaman ng nasabing listahan ang ligtas na proseso ng disinpeksyon ng hiram na kagamitan bago ito ipadala at tanggapin ng mga estudyante. Ani Rico, nakalap nila ang impormasyon upang matiyak ang datos sa tulong ng DLSU Health Services Office.
Samantala, pinalawig naman ni Vjuan ang e-contract sa pagitan ng magpapahiram at manghihiram ng kagamitan. Nasa desisyon din ng magkabilang panig ang pipiliing shipping courier. Dagdag pa rito, nakasaad sa nasabing kontrata na ang manghihiram ang magbabayad ng shipping fee, habang may karapatan naman ang nagpapahiram na tumanggi sa rental ayon sa kaniyang kagustuhan.
Sa kabilang dako, binigyang-diin ni Rico na hindi pananagutan ng USG at Student Discipline Formation Office kapag nawala o nagkaroon ng pinsala ang mga kagamitan. Dagdag pa niya, kinakailangang maibalik ang mga ito bago o sa mismong araw ng grade consultation.
Ipinaliwanag naman ni Jomalesa na magkakaroon ng alituntunin para sa transaksyong pamprobinsya at pang-Metro Manila na inaprubahan ng SLIFE. “It should be something that [is] also going to be handled by the [Laguna] campus president. . . the same way as how the [Laguna] campus president should be publicizing it as well,” wika ni Jomalesa.
Sa botong 23-0-0, isinapinal ang Pahiram Equipment Act.
Pagtatatag ng USG Online Platforms Manual
Inilahad naman ni Martinez na hinango ang manwal ng mga online na plataporma ng USG mula sa Social Media Manual noong 2014. Paliwanag niya, taglay nito ang mga alituntunin sa paggamit ng mga online na plataporma ng USG. Nagsagawa rin sila ng ilang pagbabago upang maiangkop ang manwal sa online na setup at matiyak ang maayos at epektibong pagpapakalat ng impormasyon sa pamayanang Lasalyano.
Ibinahagi rin nina Sophia Beltrano, BLAZE2021, at Shasha Villaroman, CATCH2T21, ang saklaw ng manwal. Ani Villaroman, nakasaad dito ang mga online na plataporma na ginagamit ng USG, tulad ng Facebook, Twitter, at Instagram, pati na rin ang nakatalagang opisyal na mangangasiwa sa pag-aanunsyo at pamamaraan ng pagpapalawig ng impormasyon.
Kaugnay nito, inilangkap din ang USG Student Services Hub website na nagtataglay ng impormasyon ukol sa polisiya, dokumento, at prosesong pang-akademiya mula sa administrasyon at USG. Pangangasiwaan ito ng Office of the Vice President for Internal Affairs at isasapubliko para sa mga Lasalyano.
Dagdag pa ni Villaroman, magbibigay-babala rin ang USG para sa mga anunsyong mayroong sensitibong paksa, alinsunod sa resolusyong ipinasa noong Abril. Ipinahayag din ni Beltrano na nasa manwal din ang mga iskedyul ng pagpo-post ng mga anunsyo, karampatang parusa sa mga susuway na opisyal, alituntunin ukol sa emergency blasting para sa biglaang pangyayari, at contact persons para sa mga katanungan ukol sa manwal.
Pangangasiwaan naman ng Office of the Secretary ang pagpapalawig ng impormasyon ukol sa mga aktibidad, programa, at kampanya ng Pamantasan sa pamamagitan ng mga materyal-publisidad o pagsasapubliko nito.
Ipinasa ang USG Online Platforms Manual sa botong 24-0-0.
Ulat ukol sa OCL at tatlong komite ng LA
Kinumusta naman ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, ang mga chairperson ng tatlong komite ng LA ukol sa mga kaganapan sa kani-kanilang komite. Pagbabahagi ni Beltrano mula sa komite ng Rules and Policies, inaabangan nilang maaprubahan ang admin code, at kasalukuyan nilang isinasaayos ang code of conduct at appointment guidelines.
Ipinahayag naman ni Rico mula sa komite ng Students Rights and Welfare (STRAW), na layunin nilang maipasa sa susunod na linggo ang resolusyon ukol sa pagbibigay-tulong sa may kapansanan, matapos kumonsulta sa SLIFE. Isasangguni naman nila sa SLIFE at OPRES ang mga inisyatiba kaugnay ng SOGIE bill.
Bukod pa rito, inaasikaso rin ng STRAW ang welfare initiative na magkaroon ng komite para sa kapakanan ng mga estudyante at representasyon para sa mga atletang Lasalyano, habang nasa proseso pa lamang ng konsultasyon ang resolusyon ukol sa data policy. Ayon naman kay Kali Anonuevo, CATCH2T24, mula komite ng National Affairs, nakatuon sila sa Poll Power 2022.
Para naman sa Office of the Chief Legislator, ipinaalam ni Escoto na ikokonsulta na lamang ang LA journal at LA vault sa SLIFE at Department of Activity Approval and Monitoring bago ito isapubliko. Dagdag pa niya, natapos na nila ang term-end report para sa nakaraang termino at kasalukuyan nilang isinusulat ang ulat para sa kasalukuyang termino. Aniya, nasa USG LA PIO Facebook page na rin ang ilang detalye sa mga nagdaang sesyon ng LA.