Isang taong integrasyon ng Mobile Legends sa GESPORT at GETEAMS, inusisa


Kuha ni Angela De Castro

MALAKING PAGBABAGO ang pinagdaanan ng mga kursong Physical Fitness and Wellness in Individual Sports (GESPORT) at Team Sports (GETEAMS), kasabay ng pagtungo ng Pamantasang De La Salle (DLSU) sa full online setup dahil sa pandemyang COVID-19. Mula sa tradisyonal na paglalaro ng isports noong face-to-face pa ang mga klase, kasalukuyang isinasagawa ang mga kursong ito sa pamamagitan ng pag-eehersisyo na may kasamang paglalaro ng Mobile Legends Bang Bang (MLBB). Isang taon na ang lumipas nang maimplementa ang sistemang ito sa kurikulum ng mga kursong nabanggit. 

Bunsod ng pagbabago sa kinagisnang sistema—hindi lamang ng mga mag-aaral kundi pati ng mga propesor—nararapat lamang na alamin ang naging karanasan ng mga Lasalyano hinggil sa mga kursong nabanggit at sulyapan ang kalagayan ng implementasyon nito sa kasalukuyan.

Sentimyento sa bagong sistema

Humarap sa mga balakid ang mga propesor at mag-aaral bunga ng transisyon mula sa face to face na klase papunta sa online classes, lalo na ang mga klase para sa kursong Physical Education. Gayunpaman, layunin ng mga paghahanda ng departamento na mahasa ang iba’t ibang kasanayan ng mga Lasalyano, pamilyar man sila o hindi sa paglalaro ng MLBB. 

Matapos ang isang taong integrasyon ng MLBB sa mga kursong GESPORT at GETEAMS, iba’t ibang opinyon at perspektiba ang nabuo sa mga Lasalyano.  “. . .Ito ang laro na makahuhubog sa iba’t ibang kasanayan tulad ng teamwork, koordinasyon, at iba pa lalo na [sa] panahong hindi tayo makakapaglaro ng mga isports nang harapan,” wika ni Martin Regulano, mag-aaral ng BS Applied Economics. Iginiit din niyang hindi lamang limitado rito ang mga malilinang na kasanayan sa paglalaro ng MLBB. 

Dagdag pa ni Shem Villalon, mag-aaral ng AB Psychology, “Natuto rin ako ng mga soft skill na ginagamit ko ngayon tulad ng time management, malikhaing pag-iisip, at iba pa.” Nagsisilbing pahinga rin sa kaniya ang paglalaro ng MLBB mula sa stress na dulot ng mga pang-akademiyang gawain. Ayon pa sa kaniya, nakatulong ang alternatibong ito sa panahon ng online classes hindi lamang sa marurunong, kundi para din sa hindi pa sanay sa MLBB. “Isa ito sa magagandang alternatibong isports na ginawa sa online classes dahil binibigyan nito [ng] oportunidad [ang] ibang estudyante na hindi gaano kagaling sa akademya na ipagilas ang kanilang kagalingan. Ngunit, hindi naman rin ito salik na pakinabang sa mga marunong na dahil binibigyan ng kursong ito [ng] oportunidad na matuto nang paunti-unti sa ML[BB],” aniya. 

Para naman sa ilang hindi marunong sa paglalaro ng MLBB, maaaring hindi naging madali ang pag-aaral sa sistema ng naturang laro. Gayunpaman, ayon kay Regulano, epektibo ang paggabay ng mga propesor sa mga Lasalyanong hindi pamilyar sa MLBB at nakatulong din ang ehersisyong ginagawa sa mga kurso. “Bilang baguhan sa ML[BB], masasabi kong naging mainam ang mga propesor at kurso sa pagtuturo ng mga ito sa aming mga walang kasanayan sa ML[BB]. Mayroong pantay na oras at pansin na inilalaan sa [aming] physical workout at ML[BB],” wika ni Regulano.

Gayunpaman, ibinahagi rin ni Villalon ang pagtingin niya sa MLBB bilang alternatibong gawain para sa kursong Physical Education. “Kung tutuusin, walang masyadong naging epekto ang kasanayan [dito sa MLBB] dahil hindi ko naman ito magagamit sa praktikal na buhay,” ani Villalon. 

Hindi rin umano dapat maging pokus ng mga kursong ito ang paglalaro lamang ng MLBB. Para kay Regulano, dapat na maging pantay ang pagpapahalaga ng lahat ng mga propesor pagdating sa paglalaro at pag-eehersisyo. “. . .Tingin ko ay dapat ding maging pantay ang oras na inilalaan para sa physical workout sapagkat napansin ko na may mga workout [ang] ibang klase at propesor na mas matagal kung ikukumpara sa ibang klase,” mungkahi niya.

Pagpapatuloy ng MLBB sa mga klase

Makalipas ang isang taon, sumasailalim pa rin sa online learning ang pamayanang Lasalyano at patuloy ang Pamantasan sa pagpapaunlad ng mga sistema upang epektibo pa ring maihatid online ang mga kursong lubos na nakasandig sa pisikal na interaksyon, tulad na lamang ng Physical Education courses. Para sa mga Lasalyano na sina Regulano at Villalon, may mga nararapat na aspektong panatilihin para sa mga susunod pang mag-aaral ng mga kursong ito. 

Ayon kay Regulano, mahalagang panatilihin ang ehersisyo sa mga PE course para sa kalusugan ng mga mag-aaral. “. . .Sa tingin ko ito ay nakabubuti upang [panatilihing] nakakapag-ehersisyo pa rin ang mga estudyante sa panahong tayo ay nasa loob lamang ng ating mga bahay,” aniya. 

Binanggit naman ni Villalon na nakatulong ang ibinibigay na oras ng mga propesor para masanay ang mga mag-aaral na hindi pamilyar sa MLBB. “Lahat ay binigyan ng oportunidad na [matutuhan] ang tamang paglalaro sa ML pati na rin ang paglalaan ng oras [para sa] pagsasanay dito. Tunay ngang maganda ang pagsasakatupad nito dahil hindi ito nakaka-pressure pag-aralan dahil ang tema ng asignaturang ito ay matutong magpakasaya at makipagtulungan sa isa’t isa,” pagbabahagi ni Villalon. 

Sa kabila ng nararanasang pandemya, ang mga alternatibong gawain na isinasagawa sa mundo ng internet at Esports ang patuloy na bumubuklod sa komunidad ng mga Lasalyano. Sa implementasyon nito, inaasahang bibitbitin ng mga Lasalyano ang mga aral at katangiang nakuha nila mula sa mga kursong ito. Sa kalaunan, magiging parte ito ng kanilang identidad bilang mga Lasalyano, at makatutulong ito sa anomang nais nilang gawin sa hinaharap — sa mundo man ng akademiya o sa Esports.