Maingay at madilim ang daan. Maraming paligoy-ligoy, maraming pasikot-sikot, at walang kasiguraduhan ang daang tatahakin at liwanag o kadilimang sasalubungin. Ngunit, sa pagtahak na ito, kaibigan, ika’y walang agam-agam na tumungo at nagpatuloy sapagkat naniniwala kang bahagi ito ng iyong buong pusong pagtanggap ng hamon—hamon tungo sa pagkamit ng kasanayan hindi lamang sa iyong sarili kundi para sa iba pang nasasakupang walang kakayahan at nag-iipon pa ng katatagan.
Subalit, paano mo nga ba inihanda ang iyong sarili sa lugar na hindi mo pa gamay—nang hindi mo pa alam ang iyong tatahakin? Paano ka makagagalaw sa lugar na walang kasiguraduhan? Paano ka nag-ipon ng iyong lakas upang kayaning harapin ang nagbabadyang kalaban? Oo, maraming mga katanungan ngunit, sabi nga nila, masasagot lamang ang mga ito kapag nasa daan na’t naglalakad.
Una sa lahat, saludo ako sa’yo. Wala nang iba pang salitang aking maibabahagi at sasambitin pa kundi pagkilala sa iyong katapangan, katatagan, walang kapagurang paglaban kontra sa kasamaan, at patuloy na pagtindig upang makamit ang mithiing hinahangad ng karamihan. Isa kang bayani kung ituring; bayaning nakikipagsagupaan sa mga katagang iyong natatanggap, mga katagang mula sa iba, at katagang batid na rin ng iyong isipan.
Sa tahak na iyong pagdadaanan at sa tahak na iyong sasalubungin, hindi ka nag-iisa dahil ang laban mo ay laban din ng madla. Mas pinili mo lang manguna at maging boses ng mamamayang takot magpahayag ng kuro-kuro’t pananaw—pinili mong imulat ang iyong mata at buksan ang iyong bibig. Nauna kang namulat at ngayon ay may kakayahan kang tumulong na rin sa kapwa mo mamamahayag at kapwa mo mamamayan.
Lagi’t lagi, ipaaalala ko sa iyo, estudyante ka, mamamahayag ka, manunulat ka, artista ka. Hindi kailanman terorista. Kaisa ako sa iyong katayuan at paniniwalang sa halip na ilaan ng estado ang panahon ng kalugmukan sa pananamantala, paghihinala, at paghayag ng mga hungkag na akusasyon, mahalagang ituon ng estado ang lakas nito sa pagtugon sa mga hinaing at pangangailangan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng karimlan.
Kasama mo, tututulan ko at patuloy kong tututulan ang walang habas na panre-red-tag sa mga indibidwal na tumatayong boses ng madla at mga sektor na hindi pinakikinggan. Kaagapay mo ako sa pagsulat at pagsiwalat sa mga kuwentong dapat bigyang-pokus upang malaman ng kapwa natin mamamayan. Kasama mo ako at kaming kapwa mo kabataan upang tugunan ang panawagan ng mamamayan na isulong ang interes at kapakanan ng masa, upang ipahayag ang kapabayaan ng kasalukuyang administrasyon. Kasama mo ako sa paghingi ng hustisya at pangangalampag para kina Jemar at Marlon at marami pang biktima ng walang-katarungang pagpatay ng pulisya at militar. Alam kong mapanganib ang panghihimasok ng mga pulisya sa buhay ng mga kagaya mo, subalit alam ko rin na ang tanging layunin mo lang ay ipahayag at tugunan ang tawag ng sitwasyon.
Saludo ako sa iyong pagiging kritikal at pagkakaroon ng kamalayan sa panahong nasa bingit pa ng kawalang kasiguraduhan ang ating bansa. Alam ko at alam mong sa huli, mananaig ang liwanag at mananagot ang mga taong dapat managot. Alam kong may mga pagkakataong nagdadalawang-isip ka ring ipahayag paminsan-minsan ang iyong saloobin dahil ayaw mong ikaw ang isunod, ngunit maraming salamat sa iyong mga pahayag na may pangil at mga pahayag na nagiging daan upang imulat ang mga mata at gisingin ang diwa ng mga Pilipinong nais ding tumindig sa tabi mo.
Minsa’y nakakapagod dahil mistulang hindi pinakikinggan ang sigaw ng masa ngunit ipinapaalala ko sa’yo, kaibigan kong matatag, na may nararating ang pagrereklamo. Magkakaroon din ng katapusan ang kadilimang iyong tinatahak sa daang walang kasiguraduhan. Sana’y hindi ka tumigil sa patuloy na pagpiglas para sa katotohanan.
Sa huli, kasama mo akong naniniwalang hindi terorismo ang pagpapahayag ng disgusto sa kasalukuyang estado ng basa. At sabi nga nila, hindi terorismo ang pagsusulong sa kapakanan ng kapwa-Pilipino.
Para sa mga progresibong mamamahayag pangkampus, maraming salamat sa paglaan ng inyong talento at kakayahan upang patuloy na pagsilbihan ang mga nangangailangan at ang masang Pilipino. Salamat sa inyong paninindigan at katatagan. Naniniwala ako na bilang mamamahayag, may boses tayo, may kakayahan, at may paninindigan para sa patuloy na pagsulong ng katotohanan, masa, at bayan.
Hindi ka nag-iisa, kasama mo kami. Laban, pahinga, laban ulit. Para sa bayan.