Malawak, malaki, masalimuot—ganito ang mundong ating kinabibilangan. Walang kasiguraduhan, ngunit nararapat pa ring harapin nang walang takot at pag-aalinlangan. Para naman sa maraming kababaihan, iba ang ikot ng mundo. Malinaw ang landas na dapat nilang tahakin ayon sa batas na nilikha ng lipunan: ang maging maybahay at maging isang ina.
Habang papalapit ako nang papalapit sa landas ng pagiging ina, tila ba nangalabit ang tadhana at tuluyan kong napagtantong hindi lamang ito ang nakalaan para sa akin. Subalit sa pagpasya kong hindi maging ilaw ng tahanan, bumabagabag sa akin ang katanungang “Sino na lamang ba ako bilang babae?”
Pagtahak sa masalimuot na mundo
Panghuhusga—isa sa mga rason para iwasan nating gawin ang mga bagay na hindi nakasanayan. Sa bawat kilos, salita, pati na rin desisyon sa buhay, mayroon at mayroong pagpuna ang lipunan na siyang nagsisilbing limitasyon. Subalit, marami na ang nagnanais balewalain ang limitasyong ito. Sila ang nagsisilbing inspirasyon sa mga nag-aasam na tumalikod sa kinagisnan ng madla. Isa si Elena Hernandez, 44 na taong gulang, sa mga nagnanais palakasin ang boses ng kababaihan. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa kaniya, ibinahagi niya ang kaniyang lakbay sa pananatiling dalaga.
“Sa Pilipinas kasi controversial pa rin siya eh no, because very traditional para kasi tayong may playbook eh. . . if you’re not exposed to different culture you have this perspective or playbook na mag-aaral ka tapos mag-aasawa ka tapos mag-aanak ka and ‘yun yung parang definition of being fulfilled,” pagbabahagi ni Hernandez. Bagamat mahigpit ang gapos ng lipunan sa kaniyang pagkatao, hindi ito naging hadlang sa kaniyang pagpili sa sarili niyang landas — landas na nakaayon sa kaniya.
“Andaming opinyon, lahat ng tao judgmental kundi sensitive. . . cancel culture. Lahat ganon eh. So you have to stand your ground. You have to know yourself, that’s the only way na makakapagdecide ka on your own,” payo niya.
Ibinahagi naman ni Hernandez na hindi naging tutol ang kaniyang mga kaanak at kapamilya sa kaniyang desisyon. Gayunpaman, hindi niya rin naiwasang makatanggap ng mga pangaral mula sa kanila. Nangingibabaw ang katanungang ‘Sino na lang ang mag-aalaga sa’yo pagtanda mo?’ Subalit iba ang kaniyang sagot sa tanong na ito. Tugon niya “Kasi yung iba, yung definition ng family, yung lumuwal sayo, asawa ko, anak ko, yun yung family. Sa akin kasi, iba yung definition ng family. Kapag sinasabing tatanda akong mag-isa sa buhay, wala ba akong kapatid? wala ba akong pamangkin? wala ba akong pinsan? wala ba akong ibang family? So, ganoon yung. . . it’s a different way of thinking. It’s a non-traditional way of thinking,” paliwanag niya.
Hindi madaling kumawala sa nakasanayang sukatan ng lipunan sa pagiging babae. Gayunpaman, panatag si Hernandez dahil kilala niya ang kaniyang sarili—bagay na kinakailangan ng mga may balak sumunod sa kaniyang mga yapak. Dagdag pa niya, “Mahirap yung makikinig ka tapos napipressure ka lang tapos at the end of the day, hindi naman pala yun for you.” Mahalagang malawak ang isip, buo ang loob, at hindi nagpapatinag sa sasabihin ng iba sa pagtahak sa landas na ito.
Pagtalikod sa nakagisnan
Sa ating paglalakbay, dinadala tayo ng ating mga paa sa iba’t ibang nakamamanghang lugar. Subalit, higit pa roon, iminumulat tayo nito sa mga kultura’t perspektibang humuhubog din sa ating pagkatao. Para kay Hernandez, nagsilbing tulay ang pagpapadala sa kaniya ng kompanyang INTEL sa United States (US) noong 20 taong gulang pa lamang siya, upang mamulat sa katotohanang may iba pang landas maliban sa daang hinubog ng kulturang kinagisnan.
Pagsasalaysay niya, “. . . very liberal yung country [US] in terms of how they view yung parenthood . . .and now na-open yung eyes mo na ahh, hindi lang pala ganito yung way, hindi lang ito yung path mo. And to be honest, noong nag-wowork ako, yung circle of friends ko, they’re all single na mahilig mag-travel, na career-driven… so it was never really a goal for me na oh, kailangan mag-asawa ako.”
Dagdag pa niya, hindi siya naniniwalang kailangang magluwal ng isang sanggol upang maging isang ina. Hindi naman kailangang maging kadugo ang isang tao upang maipakita ang pagkalinga. Samakatuwid, nagsisilbing ina si Hernandez sa pamamagitan ng pag-aalaga at paggabay niya sa kaniyang mga kawani sa trabaho na tumatawag sa kaniyang “Mother.”
Kakaiba man ang pananaw sa pagiging ina, malaki pa rin ang respeto niya sa mga babaeng piniling magluwal ng supling. Aniya, “In any type of decision, whether pag-aasawa or pag-aanak. . . pinag-iisipan naman talaga ‘yon and dapat alam mo na ‘yon talaga yung gusto mo sa buhay mo.” Kaya naman, hayag niya sa magkabilang panig, “Try to be more open and more understanding.” Sapagkat may kuwento sa likod ng bawat opinyon, mahalaga para sa kaniya ang patuloy na pag-unawa.
Paglaya sa gapos ng lipunan
Hindi na mawawala ang mga mapanghusga; ang pamumuhay kasama sila ang aral na maibabahagi ni Hernandez. Natutunan niya ang pagbalewala sa mga komentong walang saysay sa kaniyang sariling desisyon sa buhay.
Katulad ng pagiging ina, malaking desisyon din ang hindi maging isa. Anomang landas ang piliin, hindi nito maikukulong ang kahulugan ng pagiging isang babae. Wala sa bilang ng anak ang tayog ng lipad ng kababaihan—nasa paninindigan itong sundan ang sariling kasiyahan at tapang na kilalanin ang sarili.
Sa oras na kumawala ako mula sa pagkabihag sa mga itinayong pamantayan ng lipunan sa pagiging babae, libo-libong posibilidad ang aking isiniwalat sa pagsiyasat ng mga misteryo ng mundo! Hindi kailanman nararapat maging hadlang ang aking pagkababae sa pagtamo ng aking pangarap at kasiyahan. Daan ito upang tuluyan akong magtagumpay sa mga hamon ng buhay, dahil hindi nakakahon sa gawa-gawang pamantayan ang tibay ng puso ng isang babae.