UMAASANG MAKAPAGBUBUKAS na ang Pamantasang De La Salle (DLSU) ng mga klaseng pang-laboratoryo kasunod ng pagbibigay-permiso ni Mayor Isko Moreno sa limitadong paggamit ng mga pasilidad para sa mga estudyante na may teknikal na kurso. Matatandaang unang inaprubahan ni Moreno ang panukalang pinahihintulutan ang ilang pamantasang medikal sa Maynila na magsagawa ng face-to-face classes nitong Marso.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi ni Vice Chancellor for Academics Dr. Robert Roleda na hinihintay pa rin ng DLSU ang pahintulot ng Commission on Higher Education (CHED) bago tuluyang buksan ang Pamantasan para sa mga klaseng pang-laboratoryo. Paglalahad niya, “Malaki ang tsansa na makakapaglaboratoryo na tayo sa Week 12 ng terminong ito kung dumating na ang mga bakuna natin at hindi na pumalong pataas ang mga kaso.”
Kasalukuyang paghahanda ng Pamantasan
Magbibigay-daan ang pagbubukas ng klaseng pang-laboratoryo upang muling mahasa ang teknikal na kakayahan ng mga estudyante sa mga piling programa ng Pamantasan. Ani Roleda, kabilang ang Gokongwei College of Engineering (GCOE), College of Science (COS), at programang Communication ng College of Liberal Arts sa maaaring magsagawa ng klaseng pang-laboratoryo. Gayunpaman, bibigyang-priyoridad umano ang mga estudyanteng malapit na magsipagtapos.
Ayon kay Roleda, patuloy pa ring ipatutupad ang social distancing at pananatilihin ang kalinisan ng bawat pasilidad sa pagbabalik sa kampus. Bukod dito, binanggit ni Roleda na magiging mas kaunti ang kapasidad ng bawat seksyon upang matiyak ang mga nabanggit na pangkaligtasang konsiderasyon.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Dr. Maria Angeli Diaz, chair ng departamento ng Communication, na mayroong inihanda ang Pamantasan na occupancy limit para sa mga laboratoryo at opisina sakaling bumalik sa kampus. Maaakses umano ang detalye ukol dito sa COVID-19 Resource portal ng Pamantasan at matatagpuan ang impormasyon ukol sa limitasyon sa bawat pasilidad sa link na: tinyurl.com/OccupancyLimitJan2021.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag naman ni Roleda na kinakailangan ang negatibong RT-PCR test sa pagpasok sa Pamantasan para sa mga hindi pa nakakapagpabakuna. Dahil dito, hinihikayat din ni Roleda ang mga mag-aaral na lumahok sa student vaccination program ng Pamantasan. Aniya, “Mas mahal ang aabutin ng mga estudyante kung sila ay madalas na magpapatest.”
Ipinahayag din ni Roleda na ipatutupad ang HYFLEX learning o hybrid na klase upang matiyak ang kaligtasan ng parehong estudyante at mga guro. Istriktong pang-laboratoryong mga aktibidad lamang ang pahihintulutan sa loob ng mga pasilidad, samantalang sa online na pamamaraan pa rin isasagawa ang mga lektura. Pagdidiin niya, “Ang hinihintay natin ay ang pagkakaroon ng herd immunity. Ang pagbubukas ay unti-unti lang.”
Ipinagpaliban naman ng departamento ng Communication ang pagbubukas nito ng mga klaseng pang-laboratoryo hanggang sa unang termino ng susunod na akademikong taon. Sa kabila nito, tinukoy ni Diaz ang espesipikong hakbang ng programa upang paghandaan ang pagbubukas ng mga pasilidad nito. Isa rito ang disinfection plan na binuo ng kanilang departamento noon pang Abril 2020, na naglalayong panatilihin sa mabuting kondisyon ang mga kagamitan sa kanilang mga laboratoryo.
Itinaas din ni Diaz ang planong equipment lending program bilang alternatibong plano ng departamento sa pagkakataong hindi pa rin pahintulutan ang mga estudyante na makapasok sa kampus. Layon nitong pahiramin ng mga aparato ang mga estudyante upang maisakatuparan ang kanilang mga proyekto sa naturang programa.
Ibinahagi pa ni Diaz na nakaangkla sa mga panuntunan ng industriya ng pelikula at telebisyon ang ipatutupad nilang mga health protocol. Kabilang dito ang Inter-Guild Alliance Protocol Guide na isa sa mga magiging batayan ng kanilang departamento sa paggawa ng mga panuntunan sa muling pagbubukas ng mga klaseng pang-laboratoryo.
Inilahad din ni Diaz ang ilang mga pagbabagong maaaring asahan ng mga Lasalyano sa sistema ng pagsasagawa ng mga klaseng pang-laboratoryo. Ilan sa mga ito ang work-from-home production thesis at patuloy na pagsasagawa ng mga online na klaseng pang-laboratoryo sa ilang mga kurso.
Bukod pa rito, inaalam pa ng departamento ang wastong pag-obserba sa occupancy limit na inilapat ng Pamantasan. Binanggit ni Diaz na maaaring bawasan ang bilang ng mga estudyante na maaaring mag-enroll sa isang klaseng pang-laboratoryo bilang pagtupad sa itinakdang occupancy limit sa mga pasilidad.
Sa kasalukuyan, inaantabayanan pa rin ng Pamantasan ang permiso mula sa CHED, bilang pagtalima sa mga inilabas nitong pamantayan katuwang ang Department of Health noong Pebrero. Samantala, ipinaalam naman nina Dr. Jonathan Dungca, dekano ng GCOE, at Dr. Glenn Alea, dekano ng COS, na kasalukuyan pang binubuo ang mga tiyak na pamantayang ipatutupad sa bawat kolehiyo para sa pagbubukas ng mga klaseng pang-laboratoryo.
Saloobin ng mga Lasalyano
Sa kabilang banda, inalam din ng APP ang karanasan ng mga estudyante sa online na kursong pang-laboratoryo, pati na rin ang kanilang opinyon ukol sa muling pagbubukas ng Pamantasan.
Ibinahagi ni Adrian Agravante, ID 120 ng kursong BS Manufacturing Engineering and Management with Specialization in Mechatronics and Robotics Engineering, na nahihirapan siya sa mga online na kursong pang-laboratoryo. Binanggit niyang isinasagawa ang karamihan ng kanilang mga klase sa tulong ng mga libreng simulasyon at cloud-based software. Aniya, “While I do appreciate the effort put into adapting the syllabi to online classes, I still do not develop the technical skills nor do I get the experience of actually doing my labs in person.”
Gaya ni Agravante, sumang-ayon si Patricia Soriano, ID 120 ng kursong BSMS Chemical Engineering, na mahirap pag-aralan ang mga kursong pang-laboratoryo pati na rin ang mga katumbas nitong lecture subject dahil kinakailangan nilang makita ang aplikasyon ng mga pinag-aaralan nilang konsepto.
Bunsod ng mga suliraning kinaharap sa online na klaseng pang-laboratoryo, hinahangad ng ilang estudyante na muli itong isagawa face-to-face. Inilahad din ni Jen*, ID 119 ng kursong BS Premed Physics, ang dinanas nilang balakid kasabay ng dalawang terminong ginugol nila online, “[I’m] all for the returning of face-to-face classes. . . laboratory classes are essential to our primary learning,” giit niya.
Ipinahayag naman ni Vivienne Salvadora, ID 119 ng kursong BS Premed Physics, ang kaniyang mga pangamba sa muling pagbubukas ng mga klaseng pang-laboratoryo. Nag-aalala siya sa posibilidad ng pagkalat ng COVID-19 dahil sa mataas na bilang ng mga estudyante at guro na papasok sa Pamantasan.
Para naman kay Christian Anabeza, ID 119 ng kursong BS Electronics and Communications Engineering, nararapat na planuhin nang maigi ang pagbubukas ng mga klaseng pang-laboratoryo upang matiyak ang kaligtasan ng bawat estudyante. Aniya, kinakailangang sundin ang social distancing at minimum health protocols.
Sa palagay naman ni John Amadora, ID 120 ng kursong BS Electronics Engineering, hindi pa maisasakatuparan ang muling pagbabalik ng face-to-face lecture classes sa ngayon. Binigyang-pansin niyang hindi epektibo kung bubuksan ang mga lecture classes na may 50% na kapasidad kompara sa nakagawian. Mungkahi niya, “If it is possible, perhaps we create a system where one lecturer can serve half face-to-face whilst teaching the other half online.”
*hindi tunay na pangalan