Pakikipagsapalaran ng mamamayan: Pagsiyasat sa estado ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pandemya


Likha ni Monique Arevalo

Patuloy na umaaray ang mga Pilipino sa kasalukuyang estado ng bansa bunsod ng hindi matapos-tapos na pandemya, at isa ang sektor ng transportasyon sa mga lubhang naapektuhan dahil sa mga pagbabagong kailangang ipatupad ayon sa alituntunin ng kinauukulan. Gayunpaman, sa limitadong pampublikong sasakyan na namamasada, isang malaking hamon ang pagdagsa ng mga pasahero na minsan nang umani ng batikos dahil sa hindi pagsunod sa mga alituntunin kontra COVID-19. 

Makikita sa kalagayang ito ang malaking agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap—mga mamamayang may pribadong sasakyan at mga karaniwang taong walang pagpipilian kundi makipagsapalaran sa mahahabang pila at siksikang pampublikong sasakyan.

Pahayag ng kinauukulan

Kasalukuyang nagsusumikap ang Department of Transportation (DOTr) upang mabigyan ng sapat na serbisyo ang mamamayan, lalo na ang mga komyuter. Bunsod nito, naglunsad ang ahensya ng mga proyektong makapagpapadali sa pang-araw-araw na biyahe ng mga pasahero. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Atty. Mark Steven Pastor, Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure, naniniwala siyang nakadadagdag-ginhawa sa publiko ang mga proyekto ng DOTr, katulad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), EDSA Busway, Active Transportation, at Automatic Fare Collection System (AFCS). 

Aniya, nakatutulong ang PUVMP sa pagbabago ng mga nakasanayang pampublikong transportasyon sa bansa dahil layunin nitong gawing moderno, maginhawa, at maaasahan ang mga PUV. Dagdag ni Pastor, isinagawa ang proyektong EDSA Busway upang mas mapabuti ang sistema ng mga bus. Isinusulong naman ng Active Transportation ang alternatibong paglalakbay, katulad ng pagbibisikleta. Nakatutulong din ang AFCS sapagkat iniiwasan nito ang direktang kontak dahil cashless ang pamamaraan nito.

Ani Pastor, “. . .Ikinagagalak ng ating Kagawaran ang unti-unting pagbubukas ng iba’t ibang industriya at ang unti-unting pagbangon ng ating ekonomiya.” Inaasahan naman ng DOTr na tataas ang passenger demand sa iba’t ibang pampublikong estasyon, gaya ng nangyari sa EDSA Busway nitong unang linggo ng Hulyo.

Kaagapay naman ng DOTr ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Metro Manila Development Authority, at mga opereytor upang mas maisaayos ang sistema ng EDSA Busway. Sa katunayan, nagtalaga ng mga transport marshal ang LTFRB upang magsagawa ng inspeksyon sa mga pampublikong transportasyon, kasama ang Land Transportation Office, InterAgency Council for Traffic, at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas-trapiko. Higit pa rito, kinokontrol din ng DOTr, kasama ang LTFRB, ang bilang ng mga tumatakbong bus sa EDSA Busway. 

Estado ng transportasyon sa mata ng isang drayber

Inilarawan ni Victor Sotelo, isang drayber at opereytor ng jeep sa lungsod ng Pasay, na mahirap ang kasalukuyang kalagayan ng pampublikong transportasyon sa bansa dahil sa pagbaba ng bilang ng mga pasahero, na nagdulot ng mababang kita. Sa kaniyang panayam sa APP, ibinahagi niyang wala silang tulong na natanggap at natatanggap mula sa gobyerno upang maibsan ang pasang dagdag-gastusin, katulad ng paglalaan ng plastic barrier, seat cover, at alcohol. Gayunpaman, aminado si Sotelo na kinakailangang sumunod sa mga bagong patakaran upang maging ligtas sa COVID-19 ang pampasadang sasakyan.

Sa usapin naman ng limitasyon sa bilang ng mga pasahero bawat biyahe, ipinaliwanag ni Sotelo na hindi maiiwasan ang minsang hindi pagsunod sa alituntuning ito sapagkat may mga pasaherong nagpupumilit sumakay dahil sa pagmamadali. Sa mga ganitong pagkakataon, pinaaalalahanan na lamang niya ang mga pasahero na magsuot ng face mask, face shield, at gumamit ng alcohol.

Idiniin naman niyang nakalaan sa mayayaman ang kasalukuyang pampublikong transportasyon ng bansa dahil sa napakalaking halagang kinakailangan upang makasunod sa PUVMP ng DOTr. Naniniwala siyang hindi makatarungan ang demandang Php2.5 milyong halaga ng isang modernized jeep. Aniya, “‘Yung sinasabi nilang modernized [jeep], walang kumakagat kasi mahal. . . unti-unti kaming i-wala para maipasok ang modernized.”

Bunsod nito, nanawagan si Sotelo sa gobyerno na itigil ang PUVMP, bagkus, “. . . tulungan na lang kami. . . malaking kawalan ng driver at operator yan [jeepney phaseout].” 

Pagdinig sa mga hinaing

Sa panayam ng APP kay Katherine Edem, isang komyuter mula sa lungsod ng Quezon, sinabi niyang nang magsimula ang pandemya, hindi maikakaila ang kaniyang pangamba tuwing sasakay sa mga PUV dahil may mga pagkakataon umanong hindi nasusunod ang ilang alituntunin.

“Hindi nasusunod ‘yung instructions ng IATF. . . like sa FX. Dapat 2 persons lang sa 2nd row, and 1 each sa dalawang upuan sa likuran. pero madami na ‘kong nakitang FX na nagpapa-upo ng 3 sa second row and 4 sa likuran. Sa jeeps naman, may mga nakikita ako na sa 20-seat capacity dapat 10 lang ang sakay . . .,” pagpapaliwanag ni Edem.

Subalit, naniniwala si Edem na kinakaya pa ng kasalukuyang pampublikong transportasyon ang dami ng pasahero dahil marami pa rin ang nasa work from home set-up. Bukod dito, naniniwala rin siyang nakatutulong ang mga libreng sakay mula sa pamahalaan upang maibsan ang pagsisiksikan ng mga komyuter. 

Samantala, hindi naman ito nangangahulugang hindi apektado ang mga drayber sa mga pagbabagong nabanggit. Ayon sa mga drayber na nakausap ni Edem, marami na sa kanila ang nagbabalak tumigil sa pamamasada dahil sa mababang kita, at sumubok na lamang ng ibang trabaho.

Sa usapin ng pagiging maka-mayaman ng pampublikong transportasyon, idiniin ni Edem na hindi lamang ang naturang sistema ang nasa ganitong sitwasyon. Aniya, “Feeling ko naman hindi lang sa transportation: everything about the pandemic is anti-poor.”

Bagamat naapektuhan ng pandemya ang lahat, hindi naman pare-pareho ang tindi ng mga suliraning kinahaharap. Kung trapiko ang problema ng mga may sasakyan, para naman sa mga drayber ng PUV at mga pasahero, mismong sistema ng transportasyon ang kanilang tinitiis. Iisang daluyong man ang kinahaharap, magkakaibang bangka naman ang kinabibilangan—nagdudusa ang karamihan habang iilan lamang ang nakaaangat.