Halos 98 taon ang hinintay ng mga Pilipino upang makita ang watawat ng Pilipinas sa tugatog ng podium sa Olympics. Sa pagkapanalo ng weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo 2020, tila natupad ang pangarap ng mga atletang katulad niya—ang maiukit ang pangalan ng bansa sa pinakamalaking pandaigdigang torneo ng palakasan.
Gayunpaman, bago pa man magkaroon ng inaasam-asam na ginto ang bansa, humarap sa iba’t ibang hamon si Diaz na maaaring maging simbolo ng isang Pilipino na naghahangad ng maayos na suporta ng pamahalaan.
Taong 2019, sa kaniyang Instagram account, humingi ng suporta si Diaz mula sa pribadong sektor dahil sa kakulangan ng pondong ibinigay sa kaniya ng pamahalaan ng bansa. Sa panahong iyon, hindi siya isang simpleng atleta lamang. Nakapag-uwi na siya ng gintong medalya mula sa Asian Games, at tatlong pilak na medalya sa 2019 Asian Weightlifting Championship sa China. Gayunpaman, nanatiling nakapikit ang mga kawani ng pamahalaang dapat na nangunguna upang makilala ang kaniyang talento sa buong mundo.
Sa halip na kaawaan, kinamuhian ng nakararami si Diaz sa social media. Maraming masasakit na salita ang ibinato sa kaniya ng mga tagasuporta ng administrasyon. Dagdag pa rito, napagbintangan din siyang bahagi ng planong patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang ilan pang kilalang personalidad. Bago ang kaniyang pagsabak sa Olympics, buhat na ni Diaz ang pangamba para sa kaniyang sarili at pamilya.
Malaki ang pagkukulang ng pamahalaan para sa mga atletang Pilipino. Bukod sa kakarampot na pondo, mababa rin ang kalidad ng mga kagamitan nila sa ensayo. Bunsod ito ng mga taong tinitingnan ang larangan ng palakasan bilang negosyo at hindi bilang entablado para sa mahuhusay na atleta. Isang patunay ang pagkapanalo ni Diaz sa kakayahan ng atletang Pilipino sa pandaigdigang torneo, ngunit hanggang kailan nanakawin ng pamahalaan ang mithiin nilang magkaroon ng matibay na suporta?
Maihahalintulad ang pagsubok na hinarap ni Diaz sa hamong kinahaharap ng isang ordinaryong Pilipino na nagnanais ng pagbabago. Isang taong umaapaw sa potensyal at kakayahan, ngunit pilit na hinahadlangan ng pamahalaan. Isang taong hangad lamang ang kabutihan at karangalan para sa kaniyang bansa, ngunit tinitingnan bilang banta sa kapangyarihan.
At ngayong nasa Pilipinas na ang karangalan, pinipili muli nilang pumikit. Ipinagkikibit-balikat nila ang mga paratang na kanilang binitiwan noon. Hindi nila inako ang kanilang kasalanan, bagkus pilit nilang nililihis ang naratibo at nilalagay ang sarili sa parangal na hindi nila pinaghirapan.
Isang malaking kabalintunaan ang pagbibigay ng limpak-limpak na salapi at premyo sa isang atletang naghihikahos noong simula ng kaniyang karera. Ito ang malagim na katotohanan sa kultura ng Pilipinas—kailangan munang mag-uwi ng mataas na parangal upang mabigyan ng respeto at pagkilala. Hindi na kailangang tingnan ang hirap na dinanas ng atleta bago pa man siya magwagi dahil mas mahalaga ang medalyang nakasabit sa kaniyang dibdib.
Malayo pa sa ginto ang kulay ng larangan ng palakasan sa Pilipinas. Kung patuloy na maghahari ang pansariling interes ng mga namamahala rito, at kung patuloy na bibigyan ng masamang imahen ang mga taong nagnanais ng pagbabago, patuloy ring kakalawangin ang maningning na pangarap ng mga atletang Pilipino.