Kamakailan lamang, nag-viral ang digital art na “Tumindig” ni Kevin Eric Raymundo o mas kilala bilang Tarantadong Kalbo. Ipininta ng obra ang nag-iisang kamaong nakataas sa gitna ng iba pang napakaraming kamaong nakababa, kahalintulad ng signature pose ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kaniyang mga kaalyado.
Pagpapahayag ng disgusto sa administrasyon ang nag-udyok sa manlilikhang buuin ang likhang-sining. Ayon pa kay Raymundo, sa kaniyang panayam sa Pacific Media Watch noong Hulyo 23, “I guess the message is to not be afraid of speaking out, of standing up for what is right, even if it feels like you’re the only one doing it. All it takes [is] one drop to start a ripple.”
Mula sa simpleng obra, tila naging isang malaking kilusan ito na nagbigay-inspirasyon sa iba pang artista ng bayan, mga progresibong grupo, at iba pang mamamayan upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa humigit-kumulang limang taong pamamahala ni Pangulong Duterte.
Pag-asa, para sa akin ang hatid ng obra; tila muli tayong nakaisang hakbang papalapit sa posibilidad na kayang-kaya nating matuto at mamulat kasama ang masang naghihirap dahil sa kapalpakan at kasakiman ng kasalukuyang administrasyon.
Gayunpaman, hindi pa rito natatapos ang laban. Kinakailangang dalhin natin ang diwa ng kolektibong pagtindig mula sa ating pang-araw-araw na pakikibaka hanggang sa pagluklok ng mga susunod na pinunong kakampi ng karapatang pantao at soberanya ng bansa.
Sa katunayan, batid kong hindi madali ang tumindig para sa katotohanan. Maraming pagkakataong lilimitahan ka ng iyong pagiging tao—pagod, lungkot, ikli ng pasensya, at sama ng loob. May mga sitwasyon ding ituturing kang kaaway o ugat ng gulo; sasabihan kang bobo o nagmamarunong. Higit sa lahat, hindi malabo ang paninindak, panggigipit, o pagpatay sa sinomang magtatangkang sumalungat.
Subalit kung may mga maglalakas-loob na tumindig (kahit pa paisa-isa), walang puwang ang naghahari-hariang administrasyon sa nagkakaisang Pilipino. Kaya’t huwag kang matakot mangarap ng gobyernong may pananagutan at pagpapahalaga sa kapakanan ng taumbayan. Huwag kang matakot makiisa sa iba pang naghahangad ng buhay na karapatdapat para sa isang Pilipino.
Hayaan nating muling magbaga ang bituin sa gitna ng karimlang dala ng gobyernong ito—at sa pagkakataong iyon, sabay-sabay nating pagmasdan ang pagbulusok paibaba ng demonyong bulalakaw. Maghintayan tayo sa inaasam nating bukang-liwayway.