Largang primero: Chery Tiggo Crossovers, dinomina ang Choco Mucho Flying Titans sa loob ng straight sets


HUMAGUPIT ng kakaibang lakas ang Chery Tiggo Crossovers matapos pataubin ang Choco Mucho Flying Titans sa loob ng straight sets, 25-20, 25-9, 25-22, sa pagtatapos ng elimination round ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Agosto 7, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Sumiklab para sa Chery Tiggo ang isa sa kanilang stalwarts na si Mylene Paat matapos makapagtala ng double-double performance na 11 puntos mula sa siyam na atake at dalawang block at 11 excellent dig. Kumamada rin ng 10 puntos ang dating four-time UAAP Best Attacker na si Jaja Santiago mula sa anim na atake, dalawang block, at dalawang service ace para pangunahan ang panalo ng Chery Tiggo.

Pinasan naman ni dating Golden Tigress Caitlyn Viray ang Choco Mucho Flying Titans lulan ang kaniyang naitalang 10 puntos mula sa pitong atake at tatlong service ace. Sinikap ding suportahan ni opposite hitter Kat Tolentino ang pagmando ni Viray matapos magkamit ng anim na puntos nang may 31.6% attack efficiency.

Naging maalat ang talaan ng dalawang koponan sa panimulang kanto matapos maagang magpakawala ng apat na error ang Choco Mucho. Samantala, tangan naman ng Chery Tiggo ang tatlong error mula sa service at attacks. 

Bunsod nito, agad na pinagana ni Choco Mucho coach Oliver Almadro ang kaniyang tinatagong alas sa pangunguna ni outside hitter Viray na nakapagtala ng apat na puntos mula sa atake upang tulungan ang  Katipunan setter Deanna Wong at middle blocker Bea De Leon sa opensa. Agad namang tumalab ang balasa ng Flying Titans upang tumapik ng isang puntos na kalamangan pagsapit ng first technical timeout, 16-15.

Hindi nagpasaring ang nangangapang koponan ng Chery Tiggo pabalik ng sagupaan, kaya agad na rumesbak ang Crossovers sa pagpronta ng Santiago sisters matapos nilang kumana ng isang 4-0 run upang pabulusukin ang kanilang talaan, 22-17. Naging pulido ang sistema ng Chery Tiggo pagtapak sa huling tatlong puntos, kaya naman sinubukang bitbitin ni De Leon ang Flying Titans pabalik sa naunang momentum nito buhat ng kaniyang dalawang quick attack, 23-19. Hindi naman pinatagal ng Chery Tiggo ang pagpapahirap nito sa Choco Mucho gawa ng panapos na down-the-line hit ni Dindin Manabat upang selyuhan ang unang yugto, 25-20.

Sa pagsisimula ng ikalawang yugto ng labanan, nagpasiklab agad ang dating import ng Ageo Medics na si Santiago nang magpakawala siya ng tatlong magkakasunod na puntos para makalamang agad ang Crossovers, 5-2. Bukod pa rito, sumabay rin ang maiinit na kamay nina Maika Ortiz at Shaya Adorador para lalong mapalayo ang kanilang tala sa mga nakapula, 8-2. Sa kabila nito, hindi nagpahuli at nakabawi naman ang dating UAAP Season 81 Best Opposite Hitter na si Tolentino nang pumukol ito ng dalawang magkasunod na puntos para maibaba sa anim ang kalamangan ng Chery Tiggo, 12-6. 

Hindi rin nagpahuli sa paglabas ng kanilang bagsik sina Adorador at Santiago sa pamamagitan ng paglabas ng matitinik na atake para masigurong bitbit pa rin nila ang kanilang kalamangan, 22-7. Sa kabila nito, sinubukan pa rin ng Choco Mucho na makakuha ng puntos sa tulong ni Tolentino at mabigyan ng momentum ang kaniyang koponan ngunit huli na ang lahat nang tapusin ni Manabat ang ikalawang yugto, 25-9. 

Inilarga muli ng Cherry Tiggo patungong ikatlong yugto ang naipukol na bentahe sa pangunguna ng mga bagong saltang sina Elaine Kasilag at dating Lady Tamaraw setter Gyzelle Sy na nag-ambag ng pinagsamang apat na puntos upang gapusin ang opensa ng Choco Mucho. 

Sa kabilang banda, pinaspasan ng Choco Mucho ang pagkamit ng kalamangan sa pamamagitan nina Viray tangan ang limang puntos at Necole Ebuen na may tatlong marka sa atake. Sinikap mang makabalik, kinapos pa rin ang Flying Titans matapos puksain muli ng error ang koponan upang palobohin sa 17-13 ang talaan, pabor sa Cherry Tiggo.

Naging parehas din ang sinapit ng Cherry Tiggo matapos mahabol ng Choco Mucho ang talaan  mula sa naisugal na tatlong sunod na unforced error ni Arriane Layug, 18-17. Hindi na pinalampas ni Coach Aaron Velez ang pagkakataon kaya pinasok na niyang muli ang beteranong lefty-spiker na si Paat upang rumesponde sa Crossovers na agad din namang nakapagtala ng dalawang sunod na puntos mula sa block at atake. 

Hindi na muli nakabuwelo ang Choco Mucho na natuluyan nang kalawangin sa opensa na agad naman pinuntirya ng Cherry Tiggo upang siguraduhin ang dalawang natitirang puntos mula sa 1-2 play ni Sy at running attack ni Dacoron, 25-22.

Para kay Paat, isinasapuso at isinasaisip nila sa bawat laro ang kanilang performance upang magkaroon ng composure at exposure ang kanilang bench players patungo sa kanilang semifinal matchup kontra sa Flying Titans. Dagdag pa niya, “One step at a time, one game at a time, and siguro itong team na ito, wala namang kaming masyadong aabangan, kung ano ‘yung pinapakita namin, ‘yun po ‘yung ipapakita namin.”  

Susubukang baliktarin ng Choco Mucho ang nasapit na kabanata, habang mas papandayin naman ng Chery Tiggo ang pinakitang ragasa sa muli nilang tapatan sa court sa pagsisimula ng kanilang semifinal series bukas, Agosto 8, 2021 sa ganap na ika-6 ng gabi.