HUMARUROT tungo sa pandaigdigang kompetisyon ng Shell Eco-marathon ang koponan ng Pamantasang De La Salle (DLSU) na DLSU Eco Car Team (DLSU ECT). Mula sa 50 kalahok, napabilang ang DLSU ECT sa siyam na koponang naglalaban-laban para sa titulong global winner ng naturang kompetisyon. Nakatapat nila rito ang mga koponan mula sa Brazil, Egypt, India, Indonesia, Netherlands, at Turkey.
Karera tungo sa karangalan
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa DLSU ECT, isinalaysay ni Carlos Dizon, Team Manager ng DLSU ECT, ang kanilang naging karanasan sa paglahok sa naturang kompetisyon. Ayon sa kaniya, itinatampok sa Shell Eco-marathon ang proyekto ng mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nakapokus sa larangan ng Agham, Teknolohiya, Matematika, at Engineering. Nagtatagisan sila ng galing upang makabuo ng proyektong nakaangkla sa temang vehicular energy efficiency.
Inilahad din ni Dizon na naapektuhan ng pandemya ang pagsasagawa ng taunang kompetisyon. Dahil dito, inilipat ang kompetisyon sa mga platapormang online. Kaugnay nito, nagsagawa ang Shell ng mga sub-competition, kabilang ang Pitch the Future at Autonomous Programming. Samantala, naiuwi rin ng koponan ang ikatlong puwesto sa Road to 2050 Bonus Challenge para sa rehiyon ng Asia Pacific at Middle East.
Lubos namang ikinagalak ng kanilang grupo nang mapabilang sila sa listahan ng finalists ng pangunahing kompetisyon. “We had a lot of sleepless nights and got through many challenges. . . that is why we were very excited to showcase what we came up with on the global stage,” ani Dizon.
Sunod na tinalakay ni Dizon ang pangunahing layunin ng kanilang proyekto, “The objective is to go a set distance of more or less 10 km consuming the least amount of fuel and energy possible within a time limit of 25 minutes.” Paglalahad pa niya, gumagamit ang Shell ng iba’t ibang sensor bilang panukat upang matukoy ang itatanghal na kampeon ng kompetisyon.
Ibinahagi rin ni Dizon ang konsepto sa likod ng kanilang proyekto. Ayon sa kaniya, “Our concept brought a new perspective towards our future based on the demands that we, as young engineers, see today.” Bunsod nito, naging layunin nila ang makapagbigay ng kaginhawaan sa pagbiyahe, gamit ang kanilang proyekto.
Dagdag pa rito, dinisenyo rin ang proyekto upang matugunan ang ilang suliranin ng Pilipinas at iba pang mga bansa, tulad ng patuloy na pagsikip ng daloy ng trapiko at pagtaas ng antas ng polusyon.
Katuwang sa paglalakbay
Nagpasalamat naman si Dizon sa tulong na ibinigay ng Pamantasan upang maisakatuparan nila ang kanilang proyekto. Ani Dizon, ibinuhos ng DLSU, lalo na ng Gokongwei College of Engineering, ang kanilang tulong at suporta sa lahat ng kinaharap na suliranin ng DLSU ECT.
Bukod pa rito, patuloy rin nilang isinasapuso ang bansag ng Pamantasan na “Lasallian Achiever for God and for Country” bilang motibasyon upang makamtan nila ang tagumpay na ito. “Being Lasallians have enabled us to align our vision and continue to pursue our goals despite all the hindrances along the way,” paglalahad ni Dizon.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinagbubuti ng DLSU ECT ang kanilang proyekto para sa taunang kompetisyon. Pagsisiwalat ni Dizon, “DLSU ECT is currently working on various projects. . . this includes coming up with ways to further decrease the weight of the car by designing specialized components using exotic materials.” Umaasa ang koponan na makatutulong ang hakbang na ito upang mapataas ang kalidad ng kanilang proyekto at maiangat ang kanilang ranggo sa gaganaping on-track na kompetisyon.
Nagbigay rin ng payo ang DLSU ECT sa mga kapwa nila Lasalyano. Paglalahad nila, nararapat na manatiling mausisa at bukas sa pagtanggap ng bagong kaalaman ang bawat isa. “By broadening your understanding. . . you [will be] able to continuously learn, improve your understanding, and most importantly, [use] what you’ve learned to do something for the benefit of humankind,” pagtatapos ni Dizon.