PINATUTUNAYAN ng mga para-athlete na walang imposible sa pagpapamalas ng kanilang kahusayan sa mundo ng isports sa pamamagitan ng kanilang umaapaw na determinasyon at kumpiyansa sa sariling kakayahan. Ipinakita nilang hindi natatantsa sa pisikal na abilidad ang kahusayan ng isang manlalaro, kaya naman abot-langit ang pagpupunyagi ng mga para-athlete sa karangalang hatid ng kanilang katatagan. Patuloy nitong pinag-aalab ang apoy ng kanilang pagmamahal sa larangan habang binabasag ang negatibong pananaw sa kanila ng lipunan.
Hindi nagpapadaig ang mga para-athlete na buong tapang na nakikipagsabayan sa mundo ng Paralympics sa kabila ng mga mapangutya at mapaminsalang salitang ibinabato sa kanila. Lakas-loob nilang hinaharap ang hamon ng buhay upang makamit ang rurok ng kanilang pagsusumikap sa larangan ng palakasan.
Kasalukuyang naglipana ang mga talakayan sa mga Pilipino na nakatakdang magpamalas ng galing sa 2020 Tokyo Olympics. Kasabay nito, dumagsa rin ang pagkilala sa mga para-athlete na bubuo ng puwersang magtatangkang makasungkit ng karangalan para sa bayan.
Pagbukas ng kamalayan
Malaki ang gampanin ng Paralympics sa pagbibigay ng oportunidad na magkaroon ng representasyon ang mga may kapansanan at maibida ang galing nila sa larangan ng palakasan. Nagsilbing motibasyon para sa mga atleta ang mga oportunidad na ito para maisakatuparan ang kanilang pangarap at magamit ang kanilang buong potensyal sa pakikipagtagisan ng galing.
Bukod dito, naging paraan din ang torneo upang mabigyan ito ng atensyon ng midya at mahubog ang pananaw ng lipunan tungkol sa mga manlalarong sumasabak dito. Pinatunayan ito nina Adeline Dumapong, miyembro ng powerlifting team, matapos mapasakamay ang kaunaunahang medalya ng Pilipinas sa 2000 Summer Paralympics, at Arman Dino, na nakapag-uwi ng gintong medalya sa 2014 Para Athletics Track and Field Championship.
Nagsimula noong taong 1960 ang mga prestihiyosong paligsahan para sa mga atletang may kapansanan. Mula sa 1960 Stoke Mandeville Games na sinalihan ng 23 bansa, umabot ito sa 60 kalahok noong 1988 Summer Paralympics na dinaluhan ng Pilipinas. Buong puso naman itong sinusuportahan ng Philippine Sports Commission kaya naging malaking hakbang ito sa pagbibigay-pugay at pagkilala sa mga atleta na sumasabak sa Paralympics.
Ngayong taon, hindi nagpahuli ang anim na Pilipino na susubok na maitaas ang bandera ng bansa sa Paralympics matapos makumpirma ang delegasyon nila sa Tokyo Olympics. Binubuo ito nina Ernie Gawilan at Gary Bejino na lalahok sa Para Swimming, Jin Allain Ganapin para sa Taekwondo, Jerold Magliwan at Janette Acevedo sa Para Athletics, at Achelle Guion para sa Para Powerlifting.
Patas na pagkilala
Buong tikas na binagtas ni Gawilan ang mundo ng palakasan bilang kinatawan ng Pilipinas para sa Tokyo Paralympics. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, isinaad ng atleta na simbolo ng pag-asa para sa mga para-athlete ang pagkakaroon ng iba’t ibang patimpalak na kumikilala sa kanilang natatanging kakayahan. “Napaka-importante ng sport ng PWD dahil ito [‘yung] nagbibigay ng pag-asa at isa na ako sa mga natulungan nito at sana pagdating ng araw mas makikilala pa ang sports ng PWD sa buong mundo,” pagbabahagi ni Gawilan.
Bilin ng para swimmer na maging positibo at huwag magpapadala sa masasamang komento ng ibang tao. “. . .Be proud dahil ginawa tayo ng Diyos para maging ehemplo sa mga nakakalakad na laging may pag-asa pakita niyong kayang gawin ang imposible push your limits,” aniya.
Tinatahak man ng bawat atleta ang mapanghamong kapalaran, nananatiling matatag at positibo si Gawilan sa pagtingin ng mga tao sa kanilang paglalakbay patungong Tokyo. Dagdag pa rito, nagsilbing gabay ang kaniyang pananampalataya at diskarte upang malampasan niya ang mga pagsubok. “. . .Lahat naman siguro ng tao may mga pinagdadaanan, manalig sa Diyos at dapat laging mahinahon para makapag-isip ng paraan para ma-solve ang mga problema, dapat laging matalino kung papaano malalagpasan,” wika ni Gawilan.
Pinahanga ng Davaoeño swimmer ang kaniyang mga tagahanga matapos siyang parangalan bilang bronze medalist sa World Para Swimming World Series sa Berlin. Pinanghahawakan niya ang mithiing patuloy na umabante sa larangan ng isports na alay niya sa kaniyang lolo at lola.
Para sa kaniya, hindi ligtas ang mga atleta sa pagkilatis ng publiko. Subalit, pagtitiwala sa Poong Maykapal ang nagtutulak sa atletang ipagpatuloy ang karera sa kabila ng pangmamata sa kanilang sakripisyo. “Dalawa lang naman ang tao sa mundo, may masama [at] may mabuti kaya ‘di na natin [sila] kaya ituwid dahil Diyos lang ang pwedeng gumawa no’n,” paniniwala niya.
Pag-ukit ng pangalan
Puso, tibay, at husay—ito ang puhunan ng mga para-athlete na hindi napapagal sa paghahatid ng bagong pag-asa sa bawat atletang Pilipino. Patunay ito ng kanilang hindi matatawarang determinasyon at dedikasyon sa mga ginagawang paghahanda para sa nalalapit na torneo.
Sa pagsipat ng karangalan, pursigido ang mga atleta sa pag-eensayo at pagpapalakas upang makasungkit ng mga medalya sa Tokyo Paralympics. Ipinagbawal man ang mga on-site training dulot ng pandemya, hindi ito naging hadlang upang mapanatili ang magandang kondisyon ng mga manlalaro. Ayon kay Gawilan, nag-eensayo ang kanilang koponan sa pamamagitan ng Zoom para sa land training.
Bitbit ng beteranong tanker sa bawat agos ng buhay ang mga aral na kaniyang natutuhan bilang isang propesyonal na manlalaro. Ayon sa atleta, mahalaga ang pagiging matiyaga, masipag, at masunurin sa mga coach upang maging matagumpay sa karera. Bukod dito, importante rin para kay Gawilan ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa kaniyang mga kasamahan sa koponan.
Sa larangan ng palakasan, puso at dedikasyon ng isang atleta ang magiging sukatan ng katatagan tungo sa pagkamit ng tagumpay. Sa kabila ng samu’t saring limitasyon at pagdududa sa kanilang kakayahan, asahang patuloy na uukit ng inspirasyon at karangalan ang mga para-athlete hindi lamang sa mga may kapansanan, bagkus, pati na rin sa bayan.