Sinasabing 80% ng mga Pilipinong mag-aaral ang kabilang sa mas mababang antas ng kasanayang inaasahan para sa kanilang baitang. Isa kada apat sa ikalimang baitang ang mayroong kasanayan sa Matematika at pagbasa na katulad ng isang mag-aaral sa ikalawa at ikatlong baitang. Ito ang nakapanlulumong pagbaba ng antas at estado ng edukasyon sa Pilipinas na naitala sa ulat na inilabas ng World Bank (WB) nitong Hulyo.
Labis namang inalmahan ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones ang naturang ulat maging ang hindi pagbibigay-abiso sa Kagawaran ukol sa paglalabas ng WB ng ulat nito. Ayon sa DepEd, ibinatay ang nasabing ulat sa mga lumang datos na nakalap noong 2018 at inilabas noong 2019.
Tugon sa pag-alma ng Kagawaran
Pinagbigyan ng WB ang kahilingan ni Briones na magpahayag ng paumanhin ang bangko matapos ang agarang pag-alma ng Kalihim. Aminado ang WB na maaga nilang nailathala ang mga datos kaya hindi nabigyan ng oportunidad ang DepEd na makapagbigay ng tugon ukol sa nilalaman ng ulat at masuri ang mga ito.
Binanggit din ng WB na kinikilala nila ang mga hakbang ng DepEd sa pagsasaayos ng sistema nito. “We agree with the Department that the issue of quality has a long historical context, and support its demonstrated commitment to resolve it decisively,” saad ng WB sa kanilang pahayag.
Sa kasalukuyan, binura na ng WB ang kanilang ulat ukol sa mababang estado ng edukasyon sa Pilipinas at nilapitan na rin ng ahensya si Briones para masinsinang pag-usapan ang mga inilabas na pahayag. Hindi na nagbigay ng pahayag si David Llorito, Communications Officer ng WB Manila Office, nang hingan ng panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ukol dito.
Magkakaugnay na mga suliraning pang-edukasyon
Nailathala man o hindi ng WB ang naturang ulat, malinaw para kay Dr. David Michael San Juan, Convenor ng Tanggol Wika, na isang malaking krisis na ang edukasyon sa bansa bago pa man ang pandemya. Sa panayam ng APP kay San Juan, ipinaliwanag niyang nag-ugat ang krisis na ito sa mga suliraning tumatawid sa paatras na kalidad ng instruksyon at pagtuturo, kawalan ng sapat na imprastraktura at pasilidad, at mabigat na trabahong pasan ng kaguruan.
Para kay San Juan, ang mga mababang resulta ng National Achievement Test (NAT) ng mga mag-aaral at mga datos mula mismo sa DepEd ang magpapatunay na patuloy ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Walang anomang datos na inilabas ang DepEd sa website nito ukol sa resulta ng NAT sa ikaanim at ikasampung baitang sa mga nagdaang taon, ngunit natagpuan ito sa isang presentasyon na pinamagatang “Making the Pivot from Access to Quality” na nasa website ng Magna Anima Teachers College at tangan ang pangalan ni Briones na nagbahagi ng presentasyon.
Sa naturang dokumento, nakapagtala ng 39.95% na Mean Percentage Score (MPS) ang mga nasa ikaanim na baitang para sa akademikong taong 2016-2017 at 37.44% sa taong 2017-2018. Ito na ang pinakamababang grado na naitala para sa kasaysayan ng para sa ikaanim na baitang. Samantala, 44.09% at 44.59% naman ang mga naitalang MPS ng ikasampung baitang para sa katulad na mga akademikong taon. Matatagpuan din sa dulo ng ulat na mismong ang DepEd ang nagsabing nasa mababang antas ang edukasyon ng bansa.
Para kay San Juan, mahalagang tingnan ng DepEd ang ulat ng WB bilang isang konstruktibong kritisismo upang mapabuti pa ang kanilang trabaho. Hindi magandang senyales ang pagiging depensibo ng Kagawaran kontra sa ulat at dapat kalakip ng kanilang reaksyon ang pagsubali sa nakikita nilang kamalian nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagong datos.
“Kahit walang World Bank report, sigurado ako, ‘pag ginamit mo ‘yung data [ng] DepEd, kung magiging matapat lang sila, ganun din magiging conclusion nating lahat—malaki ang problema sa kalidad ng edukasyon ng Pilipinas,” paliwanag niya.
Ngunit napakarami pang mga suliraning kinahaharap ang sektor ng edukasyon. Isa na rito ang malaking kakulangan ng sapat na pasilidad at imprastraktura upang maging mainam ang pagtuturo at pag-aaral. “Perennial ang gusto kong gamitin na adjective. Perennial na insufficiencies, inadequacies, backlogs sa resources at facilities,” pahayag ni San Juan.
Dagdag pa sa problemang ito ang mabibigat na teaching load at administrative work na ipinapataw sa mga guro na balakid upang husto silang makapaghanda sa kani-kanilang mga pagtuturo, at ang kawalan ng umento sa kanilang sahod. Sambit ni San Juan, pinalubha pa ng pagbabago ng moda ng pag-aaral bunsod ng pandemya ang kalidad ng pagtuturo, sapagkat nabawasan ang learning objectives at most essential learning competencies ng mga asignatura bilang tugon sa pinaikling akademikong taon.
“Kailangan ng deloading ng mga public school teachers. Kailangan taasan ang suweldo, etc. Itong mga ito hanggang ngayon, hindi pa rin naayos. So isabay mo pa ‘yan sa kulang na resources, kulang na facilities, and then you have the perfect triple whammy, na talagang the system was built to fail from the start,” ani San Juan.
Hamon ng pagkatuto ngayong pandemya
Kaakibat ng pagbabago sa paghahatid ng edukasyon ang lumalaking hamon para sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral. Sa panayam ng APP kay Mercelina Manguera, magulang ng dalawang estudyanteng nasa elementarya, labis na nahihirapan ang kaniyang mga anak na maunawaan ang mga aralin sa pamamagitan ng modyul lalo na’t malayo ito sa nakasanayang moda ng pag-aaral.
“Ginagabayan ko man siya [ngunit] hindi ito sapat kasi may mga pagkakataon na nahihirapan din ako na maintindihan ang laman ng kaniyang modyul. Minsan kinakailangan ko pa siyang papuntahin sa pinsan niyang teacher para maturuan siya,” wika ni Manguera.
Ibinahagi niyang hindi rin sapat ang kaniyang nailalaang atensyon sa pag-aaral ng mga anak dahil dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo lamang niya sila natuturuan. Paliwanag ni Manguera, hindi niya kinakayang ibigay ang buong paggabay sa pag-aaral ng kaniyang mga anak dahil nahahati ang kaniyang oras sa mga gawaing bahay at trabaho.
Lubos na naniniwala si Manguera na mas epektibo ang pag-aaral sa paaralan kompara sa modyul sapagkat nababawasan ang pokus ng mga bata kapag sa tahanan nag-aaral. Naniniwala siyang mas nakabubuti na bumalik sa paaralan dahil mas madaling naipauunawa sa mga estudyante ang mga aralin at mas mabibigyan sila ng propesyonal na paggabay.
Upang maisulong ang tama at dekalidad na edukasyon, nananawagan si Manguera para sa sapat na pondong pang-gadyet ng mga mag-aaral at para sa ligtas na pagbabalik sa eskwela. “. . . Hindi naman lahat may pera o kakayahan na bumili ng gamit sa online. . . sana magkaroon na muli ng face-to-face classes. . . Mahirap ang pag-momodyul at pananatili sa ganitong set-up, nakokompromiso ‘yung natatanggap na edukasyon ng mga bata,” giit ni Manguera.
Malinaw ang realidad ng paghihirap na kinahaharap ng mga estudyanteng Pilipino, lalo na sa panahon ng pandemya. Bilang pangalawang tahanan ng mga estudyante, malaking balakid sa kanilang kinabukasan ang pagbaba ng antas ng edukasyon sa bansa. Sa patuloy na pagkasira ng ikalawang tahanan ni Juan, mahalagang maging makatotohanan sa pagkilala ng mga pagkukulang, mabilis sa pagtugon sa suliranin, at bukas sa isipang tumanggap ng kritisismo—ito ang mga haligi upang muling mabuo ang ikalawang tahanan na maglulunsad ng magandang kinabukasan para sa kabataang Pilipino.