Resonance: Pagkilala sa mga obrang tumutugon sa mga isyung panlipunan


Puyat. Pagod. Pagsusumikap. Ilan lamang ang mga ito sa mga ipinupuhunan sa paglikha ng isang obra. Araw-araw na ibinubuhos ang sarili sa sining, bitbit ang mga pangarap na hindi lamang nakalaan para sa sarili, kundi para din sa pagpapabuti ng mundong kinagisnan. May mga araw at gabi mang napaluluha na sa hirap at pagod, kakaibang galak naman ang natatamo sa oras na matapos na ang proyektong pinagsikapan. 

Noong Hulyo 29, binigyang-parangal sa programang Resonance ang mga natatanging Capstone project ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong Multimedia Arts (MMA) sa De La Salle-College of St. Benilde (DLS-CSB). Iba-iba man ang kanilang estilo at midyum sa kanilang mga proyekto, ipinagbubuklod ito ng iisang layunin—ang magsilbing plataporma ang sining upang matugunan ang mga hamong kinahaharap ng lipunan.

Pagkilala sa kapangyarihan ng paglikha

Kuhanin ang mga ideya at hubugin ito upang maging bidyo, website, o mga pahina. Sumisid sa sariling identidad at hanapin ang mga isyung nalalapit sa puso. Mula rito, gamitin ang kapangyarihan ng sining upang makabuo ng mga proyektong mapagpalaya at magsisilbing solusyon sa mga isyung panlipunan. Sa pagbabago ng sitwasyon ng lahat dahil sa  pandemya, kabi-kabilang suliranin ang hindi masolusyonan at natabunan na lamang. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang para sa mga mag-aaral ng DLS-CSB upang patuloy na gamitin ang kanilang kakayahang makagawa ng mga website na makatutulong sa iba’t ibang komunidad. 

Itinampok sa Resonance ang sampu sa mahuhusay na proyektong likha ng MMA students na tumutugon sa mga napapanahong suliranin ng lipunan. Nariyan ang proyektong ‘CabalenZ’ nina Juan Karlos Anton Soto at Katrina Gonzales, na nabuo upang buhaying muli ang wikang Kapampangan sa pamamagitan ng pagbuo ng educational videos na humihikayat din sa mga kabataang aralin ito. Kasunod nito ang proyektong ‘Gabay: Freelancing Community’ nina Jean Viktoria Getubig at Felipe Jaime Uy na naglalayong makapaghatid ng tulong, magsilbing inspirasyon, at gumawa ng plataporma para sa mga manggagawang freelancer.

Bitbit naman ng ‘Kain na Manila’ nina Alyssa Christine Balagtas, Andrea Melissa Quintos, at Felicia Laura Resurreccion ang layuning palawakin ang merkado ng mga nagsisimulang negosyo mula sa NCR, sa pamamagitan ng pagbuo ng website na nagbibigay-impormasyon tungkol sa mga pagkaing iniaalok ng mga ito.  Katulad nito, nakasentro din sa negosyo ng pagkain at sa matalinong pagpapatakbo nito ang proyektong ‘Coobo’ nina Denise Danielle Durante at Louise Marielle Gertrude Dela Paz; kaibahan lamang nito ang kanilang lantarang pagpapakita ng suporta sa mga magsasaka. 

Inihandog naman ng proyektong ‘The Plug’ nina Isabella Nicole Baldoza, Bianca Katerina Estanislao, at Sabina Julia Quizon ang isang online platform na layong makatulong sa mga MMA students na nangangailangan ng mga kagamitan para sa kanilang pag-aaral. Para naman mapanatili ang kultura ng ukay-ukay sa Baguio City, isinulong ng proyektong ‘Hung-up’ nina Jude Sismaet, Patricia Evasco, at Christian Vargas ang isang programang online para sa industriya ng ukay-ukay. 

Sa kabilang dako, naglalayon naman ang proyektong ‘extrAUrdinary’ nina Angelo John Fabian at Carmen Therese Castro na tulungan ang mga magulang na may mga anak na may autism spectrum disorder, upang makapagsimula ng diskusyon at maitaas ang kamalayan ukol dito. Samantala, nakapokus naman ang proyektong ‘AdvoKit’ nina Carl John Canlas, Cedric Mendoza, at Hanniel Requilman sa paglaban sa maling impormasyon at hindi etikal na gawain sa social media. 

Sa mundo naman ng online games, bumuo ng komunidad ang proyektong ‘Valorant Community Website’ nina Joakim Balayan, Patrick Allen Co, Hamza Rasheed Ismail De Leon, at Francis Vital na naglalayong iwasan ang hindi magandang pakikitungo sa ibang mga manlalaro nang sa gayon, makabuo ng isang ligtas na espasyo para makapaglibang.

Para naman sa Community Radio PH nina Eve Andrea Monique Arriba, Dylan Kaihl Calilap, Maeca Louisse Camus, at Creesian Skeen Villaruel, na nagwagi ng Serbisyo Benildyano Award, naging salik ang pagsasara ng ABS-CBN upang gawin nila ang proyektong ito. Nakita nila ang pangangailangan ng mga komunidad para sa mapagkukuhanan ng lehitimong impormasyon, kaya binuo nila ang proyektong ito na may layong mahikayat ang mga lokal na komunidad na magtayo ng sarili nilang istasyon ng radyo na maghahatid ng mga balita.

Napilitan ang lahat na sumabay sa biglaang paghinto at pagliko ng paraan ng pamumuhay dahil sa pandemya. Sa kabila naman ng mga limitasyon at pagbabago, nagsilbing daan ang kakayahan ng mga mag-aaral sa sining para matugunan ang ilan sa mga suliraning patuloy na kinahaharap ng mamamayan. 

Tugon ng sining sa komunidad

Ligaya. Progreso. Pag-asa. Iilan lamang ang mga ito sa hatid ng mga proyektong itinampok sa Resonance. Pinatutunayan ng bawat proyekto na hindi lamang nakakulong sa loob ng Pamantasan ang mga aral na natutunan ng mga estudyante—sa katunayan, nakalilikha ito ng positibong pagbabago sa lipunan. 

Madalas, ibinabato sa mga mag-aaral ng sining ang katanungang “Anong mararating mo diyan?” Tila isang tugon ang programang Resonance sa katanungang ito, na nagpapakita na malawak ang kayang gawin ng sining. Kaya nitong bumuhay ng wika, mag-ugnay ng mga tao, magsilbing tulay para sa mga balita, at tumugon sa mga pangangailangan ng komunidad. Isang patunay ang Resonance na kailanman hindi malilimitahan o makukulong ang sining, bagkus, patuloy na isasakatuparan upang magtaguyod at luminang sa mundong ating ginagalawan.