Sariwa pa sa aking isipan ang mahigit 16 na milyong botanteng Pilipino na nagkaisa at naniwala sa mga pangakong iniwan ng kasalukuyang pangulo. Pagsupil sa droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, pagwawakas ng ENDO at kontraktuwalisasyon, katapusan ng korapsyon, at marami pang pangako. Nakalulungkot. Wala ni isa sa mga ito ang natupad. Limang taon tayong umasa sa pag-usad sa madilim na pamamahala, ngunit mas nakagigimbal na bangungot pala ang gigising sa diwa ng isipan.
Naunang namulat ang aking mga mata nang una akong makilahok sa mobilisasyon noong Mayo Uno. Narinig ko ang mga hinaing at sigaw ng mga uring manggagawa. Nakita ko ang pagnanais na makamtan ang ipinagkait na karapatang nararapat para sa lahat. Lalo pang nabuksan ang aking mga mata nang nagpunta ako sa State of the Youth Address (SOYA). Mas lumalim ang pagnanais ko na sumama sa mga mobilisasyon dahil napagtanto kong may boses ang kabataan upang magbigay-hatol sa namamahala, para sa hinaharap ng sarili nating lipunan.
Itineraryo ng martsa
Malalim na ang gabi subalit hindi mawala sa aking isipan ang takot—takot sa iisipin ng aking mga magulang, sa magiging pananaw ng aking mga kaibigan, at sa sasabihin ng iba sa labang aking tatahakin. Ngunit mas nakatatakot palang makita ang ating bansa na tumagal sa ganitong pamumuno at patuloy na dumanas ng paghihirap. Naalala ko noon, nag-alangan pa akong sumama sa mobilisasyon, ngunit tinulungan ako nito na mamulat sa reyalidad na sinasapit ng mga uring manggagawa. Kasunod nito, unti-unting tumibay ang aking paninindigan laban sa maling pamamahala nang sumama ako sa ikalawang mobilisasyon. Dito ko mas nakita ang mga suliraning hindi binibigyang-pansin. Sa akin namang pagsama sa ikatlong pagkilos, inihanda ko na ang sarili para tumindig laban sa kasinungalingan at kawalang-katarungan ng pamahalaan.
“Mag-ingat mga kasama at maging aware sa paligid” — iyan ang mensahe na bumungad sa aking paggising kahit madilim pa ang kalangitan. Tila isang digmaan ang tatahaking landas, kaya pagiging alerto at dobleng pag-iingat ang kailangan para makarating sa lugar na aking paroroonan; isa kasi itong laban na binubuno ng mas malawak na sektor ng lipunan.
Hulyo 26, araw ng Lunes, tanaw ko ang madilim na kalangitan. Walang kasiguraduhan sa magiging panahon, naghanda ako ng mga kinakailangang gamit tulad ng payong at jacket sakali mang maabutan ng ulan sa gitna ng pagtitipon. Habang lulan ng sasakyan papunta sa lugar ng pagdarausan ng mobilisasyon, kitang-kita sa daan ang dami ng mga pulisya at sundalo sa paligid. Bitbit ko pa rin ang pangambang dala-dala ko noon subalit ramdam ko ring mas handa na ako ngayon para sa mobilisasyon sa mismong araw ng huling State of the Nation Address ng Pangulo — ito ang pagtitipon ng mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang sektor na tinatawag ngayong SONA ng Bayan.
‘Di hamak na mas maraming sektor ng lipunan ang nakibahagi sa mobilisasyong ito kompara sa mga nauna kong dinaluhan; nariyan ang sektor ng kabataan; sektor ng medisina; sektor ng mga manggagawa; sektor ng mga lumad, at marami pang iba. Karaniwang laman ng kanilang hawak-hawak na bandera ang “Duterte, Wakasan na!” Kinokompirma lamang nitong pagod na ang mamamayang Pilipino sa mga pangakong napako at sa mga kasinungalingang lumalabas sa bibig ng Pangulo.
Sinimulan sa tapat ng gusali ng Department of Agriculture (DA) ang pagsasama-sama ng maraming sektor ng lipunan. Kabilang dito ang mga magsasakang isinisigaw ang karapatan ng mga manggagawa kaugnay ng hindi patas na mga programa at patuloy na pang-aabuso sa kanilang mga magsasaka. Maririnig ang mga panawagang “Repormang agraryo, ibigay na!” at “Patas na pagtrato para sa mga uring manggagawa.” — mga pangakong binitawan ng Pangulo noon na hindi na binigyang-pansin hanggang sa kasalukuyan.
Mula sa gusali ng DA, nagsimula na kaming pagmartsa patungo sa opisina ng Commission of Human Rights (CHR). Dito, mas dumami na ang bilang ng mga nakilahok nang makasama pa ang ilan sa mga progresibong grupo na nakibahagi rin sa mobilisasyon. Habang nagmamartsa, naririnig ko ang malalakas na busina ng mga sasakyang tila nagmamadali at naiinis dahil umano sa abalang dulot ng aming mobilisasyon. May ilan pa ngang paulit-ulit na pinipindot ang kanilang busina para madaliin ang mga tumatawid. Napakasakit isipin na ganito ang nagiging pananaw ng ilan sa isang mobilisasyon na naglalayong ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino.
Tumuloy-tuloy ang aming pagmartsa hanggang makarating kami sa University Avenue, UP Diliman. Pansamantala munang itinigil ang pag-abante ng mobilisasyon upang simulan ang pangunahing programa. Dito ko napakinggan ang mga inimbitahang tagapagsalita na nagbigay ng kanilang mga karanasan sa limang taong pamamahala ni Duterte sa ating bansa. Nagpakilala ang isang kinatawan mula sa sektor ng medisina na lumong-lumo sa kawalan ng suportang kanilang natatanggap bagamat isinusugal nila ang kanilang sarili para matugunan ang banta ng pandemya. Nagsalita rin ang ilan sa mga nakaranas ng red-tagging at nakulong dahil lamang sa kanilang pagpapahayag ng disgusto sa pamamalakad ng pamahalaan. Naroon din ang ilan sa mga nakaranas ng gutom dahil wala na silang makain dulot ng pandemya. Sila ang mga kinailangang magtiis sa kakaunting tanim sa kanilang bakuran para lamang makapagpatuloy sa araw-araw.
Bukod sa mga sigaw, hinalinhinan din ito ng iba’t ibang pagtatanghal; mayroong nag-rap at mayroon ding umawit. Natunghayan ko ang paggamit nila ng kanilang talento upang punahin ang pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang mga lirikong isinulat. Galit at pighati ang nanaig na emosyon sa paligid: galit sa patuloy na pagtapak ng rehimeng Duterte sa karapatang pantao ng mga Pilipino, at pighati sa mga buhay na nawala dahil sa kapabayaan ng administrasyon at walang habas nitong pagpaslang.
Bigla kong naramdaman ang pagpatak ng tubig mula sa itaas; nariyan na ang sinasabi ng iba na maaring banta sa mobilisasyon. Gayunpaman, sigurado akong hindi nito mapipigilan ang aming pagsulong, pangangalampag, at pagtuligsa sa administrasyong Duterte. Nagpatuloy kami muli sa pagmartsa palabas ng Commonwealth Avenue patungo sa huli naming destinasyon: ang Tandang Sora. Dala-dala ng bawat isa sa amin ang mga adhikain at panawagang nakaukit sa aming mga karatula, bandera, bandila, at malalaking istatwa. Sinamantala ko ang pagkakataong makibahagi sa pagdadala ng isang malaking bandera habang tinatahak naming lahat ang kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Maihahalintulad sa isang emosyonal na pasanin ang bigat ng banderang aking bitbit lalo na tuwing humahampas ang malalakas na hangin. Kinailangan naming huminto at hawakang mabuti ang dala para hindi ito liparin. Subalit, napakatindi rin ng biglaang pagtirik ng araw na nagdulot ng sunburn sa ilang bahagi ng aking katawan. Kasabay nito ang pagtagaktak ng aking pawis at pangangalay ng aking kamay. Subalit tila hindi ko ito alintana sapagkat kasama ko ang kapwa-mamamayang Pilipino na nakikibahagi sa mahabang martsa. Napagtanto ko na lamang ang pagpapatuloy ng paghakbang ng aking mga paa sa kabila ng pagod na iniinda.
Hindi mahulugang karayom ang lugar sa dami ng nakilahok sa mobilisasyon. Kung sisilipin mula sa itaas, kitang-kita ang napakaraming Pilipino na dating naniwala at bumoto sa kasalukuyang pangulo, at ngayo’y handa nang maningil sa kaniyang mga ginawa. Ngunit, biglaang huminto ang aming maayos at matiwasay na pagmamartsa. Nang lumapit na kami sa huling destinasyon ng pagtitipon, may mga sundalong nakaharang sa gitna ng daanan, may dala-dalang baril at nakabarikada sa aming harap. Hindi naman gulo ang habol naming madla kundi pagsusulong ng mga karapatang matagal nang ipinagkakait sa mga Pilipino.
Gayunpaman, hindi maikakailang muling namuo ang takot at pangamba sa aking puso’t isipan — ang mga pangamba ko noon na baka mangyari na lang bigla. Subalit, narinig ko ang boses ng bawat isa na sumisigaw ng “Tabi, tabi, daraan kami!” — mga boses na handang tumindig kahit harangan ng malaking balakid. Nakita kong nagkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng isang kinatawan ng militar at isa sa hanay naming mga nasa mobilisasyon. Makaraan ang halos mahigit tatlumpung minuto, pinayagan din kami na magpatuloy. Pinatunayan lamang nito na hindi dahas ang sagot sa lahat ng suliranin; minsa’y kailangan lang ng maayos na diskusyon upang marinig ang panig ng bawat isa.
Kapangyarihan ng botante
“Duterte, Duterte, Patalsikin, Palayasin! Tama na, wakasan na!” — ilan sa mga huling hinaing narinig ko mula sa masa bago matapos ang mobilisasyon. Matirik pa rin ang sikat ng araw, na para bang may kakayahang makasunog nang buhay sa gitna ng kalsada. Mabuti na lamang at may mga nagtitinda ng tubig at mga pagkain na nakaantabay sa gilid para may pantawid-gutom kami sa gitna ng mahabang martsa.
Marami pang grupo ang nakibahagi at tumulong sa pag-oorganisa ng isa sa pinakamahalagang mobilisasyon ngayong taon. Kitang-kita sa mga bandera, karatula at malalaking istatwa ang kanilang patuloy na pagtutol sa maling pamamahala ng rehimeng Duterte. Kasama ko sa pagmartsa ang grupo ng Artista ng Rebolusyong Pangkultura (ARPAK) — isang pambansa-demokratikong organisasyong binubuo ng mga artista at manggagawang pangkultura sa iba’t ibang larangan at praktika.
Habang nakaupo at nagpapahinga sa gilid ng kalsada, nagkaroon ako ng pagkakataong makausap ang isa sa kanilang kasapi na si Terence Repelente. Inilahad niya sa akin ang kaniyang pananaw noong nanalo si Duterte, “Isa ako sa mga umasa sa mga pangakong bitbit ni Duterte noong 2016 hanggang sa unang yugto ng kaniyang termino. Tampok sa mga pangakong ito ang pagwawakas sa ENDO at kontraktuwalisasyon; ang pagpapatuloy sa usapang pangkapayapaan,” may kalungkutan niyang pagsasambit.
Gayunpaman, kaagad ding nagbago ang kaniyang opinyon tungkol sa pagkapanalo ni Duterte dahil lantarang ipinakita ng Pangulo ang kaniyang totoong kulay. Isa sa mga nabanggit niyang katiwalian ng pamahalaan ang patuloy na pagpapatupad ng mga batas na mas pabor sa dayuhan at lalong nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Ramdam ang poot sa kaniyang boses nang sabihin niyang “Kung hindi man mamatay sa hirap at gutom, pinapatay ni Duterte ang mga pangunahing nagsusuplay sa atin ng pagkain gamit ang dahas.”
Napakabigat para sa akin na marinig ang sinasapit ng mga uring manggagawa na pinagkakaitan ng patas na pagtrato at pilit na dinadaya. Bumalik sa aking alaala ang kuwento ng aking lola tungkol sa pagbili ng mga politiko ng kanilang boto para sa eleksyon. Napipilitan silang ibenta ang kanilang karapatan sa pagboto kapalit ng maliit na salapi para sa kakapiranggot na panggastos sa kanilang pamilya. Talagang nakababahala dahil napakalaki ng responsibilidad na dala-dala ng bawat botante para sa darating na eleksyon.
Kaugnay nito, sinisikap ng grupong ARPAK na lumubog sa mga komunidad katulad ng mga sakahan, pabrika, at pagawaan upang higit nilang maunawaan ang mga suliraning kinahaharap sa mga lugar na ito. Nagkakaroon din sila ng Educational Discussions (EDs) para bigyang-kaalaman ang mga tao lalo na’t papalapit na ang susunod na halalan. Kaya naman, may pagdiriing hinihikayat ni Replente ang lahat ng botante na, “Iboto ang mga lider na bibigyang-priyoridad ang mga kagyat at mayor na pangangailangan ng masang pinagsasamantalahan, tulad ng lupa, nakabubuhay na sahod, trabaho, at tirahan.”
Laban ng mamamayan
Iba’t ibang edad, kasarian at sektor ng lipunan ang nagsama-sama para sa iisang layunin. Malayo man ang lalakbayin at pabago-bago man ang panahon na maaring magdulot ng sakit ng katawan, hindi nito mapipigilan ang mga mamamayan na tumindig para sa sariling bayan. Nagtapos man ang mobilisasyon, aalingawngaw pa rin ang mga sigaw at hinaing ng sambayanan. Kaya naman, sa darating na halalan, marapat na suriing mabuti ang mga kandidato at pag-isipang mabuti ang iboboto. Nais ko ring ihatid sa inyo ang binanggit ni Repelente, “Hindi natatapos sa eleksyon ang ating papel at partisipasyon sa demokrasya. Dapat lang din kilalanin na sa ilalim ng kasalukuyang sistemang mala-pyudal at mala-kolonyal, ginagamit ng naghaharing-uri ang ilusyong ito ng malayang pagpili upang magkamal ng tubo at kapangyarihan.” Hindi simpleng pagkulay ng itim na marka sa balota ang eleksyon. Nagsisilbi itong daan para magtalaga ng mamumuno sa bansa sa loob ng anim na taon. Kung magpapadala ang lahat sa mga pagsayaw at matatamis na salita ng mga tumatakbong kandidato, baka bumalik lamang muli ang lahat sa kasalukuyang sitwasyon.
Malinaw pa rin sa aking alaala ang mga pangakong iniwan ng Pangulo noong nangangandidato pa lamang siya. Totoong umasa rin ako sa pagbabago dahil inakala kong kakaiba siya sa mga naunang pangulo, ngunit puno lamang pala ito ng kasinungalingan; walang isang salita ang pamahalaang kaniyang pinangunahan. Patuloy siyang nagbibingi-bingihan sa mga suliranin at walang habas niyang tinatapakan ang karapatang pantao ng bawat mamamayan.
Sa aking muling pagsama sa mobilisasyon, ihahanda kong muli ang aking sarili sa laban, hindi para sa sarili, kundi para sa bayan. Gagamitin ang mga kamay para ibandera ang hinaing ng iba’t ibang sektor ng lipunan at isulat ang panawagang patuloy na ipinaglalaban. Kasabay nito ang hindi pagtigil sa pagsulong sa inaasam na karapatan ng bawat isa, sapagkat isa rin itong paghahanda para matamasa ang isang lipunang hindi mapagsamantala.