HINDI NASILAW sa kinang ng Perlas Spikers ang matayog na koponan ng Petro Gazz Angels matapos manaig sa loob ng tatlong sets, 25-17, 25-18, 25-17, upang mapanatili ang pananalasa sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 30, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Ibinandera ni dating Lady Stag outside hitter Grethcel Soltones ang kaniyang nahakot na 17 puntos mula sa 11 attack, isang block, at limang service ace upang tuluyang pakupasin ang pagningning ng Perlas sa naturang tapatan. Sinuportahan din siya ni Petro Gazz middle Ria Meneses na lumikha ng 10 block na naging sapat upang makuha ng koponan ang nakakukumbinsing panalo.
Sa kabilang koponan naman, nagpasikat para sa Perlas Spikers ang kanilang opposite hitter na si Suzzane Roces na nagtala ng pitong puntos. Hindi rin nagpahuli si Cherry Nunag sa pagharap sa kaniyang dating koponan matapos magbitaw ng apat na puntos.
Agad na pinakawalan ng Petro Gazz Angels ang kanilang matangkad na opensa upang pumronta sa unang yugto ng laban. Ibinandera ni dating Golden Tigress Meneses ang natatanging liksi sa pagpayong matapos kumana ng apat na block kasabay ang kargadong atake ni 5’7 outside hitter Myla Pablo tangan ang apat na marker upang ilarga ang koponan sa walong puntos na kalamangan, 13-5.
Binuhat naman ni high flyer Jhoana Maraguinot ang Perlas pabalik sa laro matapos pumukol ng dalawang down-the-line hit na sinuportahan din ni middle blocker Nunag na may dalawang puntos, 18-11. Hindi rin nagtagal ang pagkapit ng Perlas matapos magpakita ng solidong depensa si dating Lady Warrior libero Kath Arado na may pitong excellent dig. Bunsod nito, sumampa muli sa 10 puntos ang bentahe ng Angels katuwang ang mga nag-iinit na sina Meneses at Soltones na may tig-dalawang puntos, 24-14.
Naging kampante ang Petro Gazz pagsampa ng set point, kaya sumugal ng apat na sunod na attack error ang koponan upang dalhin pabalik ang kumpiyansa ng Perlas, 24-17. Hindi naman nagpalinlang si Soltones at tiniyak ang huling puntos sa panig ng Petro Gazz matapos makakulimbat ng isang puntos bilang panapos ng yugto, 25-17.
Naging pantay ang momentum ng parehong koponan sa simula ng ikalawang yugto. Ngunit, agad namang naidala ng Petro Gazz ang kontrol ng laro sa kanilang kort. Nagpatuloy ang pagbida ng 6’1 na si Meneses sa paggawa ng mala-pader na depensa ng Angels. Tila hindi mabuwag ang mga higante ng Petro Gazz sa kanilang pag-arangkada, 8-3.
Nakabawi naman ang Perlas at naitabla ang iskor matapos ang dalawang error ng Angels at tatlong service ace ni Roma Doromal, 9-9. Napilitang tumawag ng timeout si Coach Yani Fernandez ng Angels upang apulahin ang apoy ng Perlas na naging dahilan upang umikot ang takbo ng laro sa pabor ng Petro Gazz. Nangibabaw ang mga spike ni Pablo at NCAA Season 90 MVP Soltones para sa Angels, 15-10.
Hindi na pumayag ang Petro Gazz na maabutan ng katunggali matapos magpatuloy ang paglipad ni Pablo na nakapagtala ng apat na atake sa natitirang parte ng yugto. Samantala, naulit muli ang kapabayaan ng Angels sa unang yugto nang magpamigay ang koponan ng apat ng puntos para sa Perlas mula sa unforced errors. Tinuldukan naman ni Soltones ang ikalawang yugto matapos ang magkasunod na spike at service ace, 25-18.
Nagsagutan ang Petro Gazz Angels at Perlas Spikers sa simula ng ikatlong set na humantong sa pantay na iskor, 8-all. Napigilan naman ito ni Soltones sa isang service ace at dire-diretsong pagpapaulan ng atake para maiabante ang kalamangan ng Petro Gazz, 13-8.
Bagamat hitik sa errors ang koponan, hindi nagpatinag ang Petro Gazz at patuloy na tinambakan ang Perlas Spikers sa pamamagitan ng spike mula kay Pablo, 16-9. Humirit naman si Perlas Spiker Roces ng isang malakidlat na spike na binansagang spike of the set, 19-12.
Walang sinayang na pagkakataon ang PetroGazz at pinagpatuloy ang dominasyon kontra Perlas, 24-14. Gayunpaman, muling nakampante ang koponan ng Petro Gazz at nagkaroon ng samu’t saring error na nagpahabol sa Perlas Spikers, 24-17. Nagwakas ang tunggalian sa isang mahabang rally na tinapos ni Soltones gamit isang mabangis na spike, 25-17.
Magtatangka muling makasungkit ng panibagong panalo sa talaan ang Petro Gazz Angels sa Agosto 4, ganap na ika-3 ng hapon, kontra BaliPure Water Defenders upang pahigpitin ang tinatamasang tatlong sunod na panalo. Samantala, matapos ang dalawang magkasunod na laban, makahihinga muna nang isang araw ang Perlas Spikers bago sumubok na ibalik ang hiyas na porma sa PVL kontra sa undefeated na Creamline Cool Smashers sa Agosto 1, ganap na ika-4 ng hapon.