Sa kasalukuyang estado ng bansa, higit na kinakailangan ng Pilipino ang mga pinunong handang suungin ang mga suliranin—mga pinunong may kakayanang bumuo ng konkretong plano upang epektibong masolusyonan ang problema. Nasaksihan ng bansa ang palyadong sistema na ipinatupad ng administrasyong Duterte mula noong idineklarang pandemya ang COVID-19. Dahil dito, umabot na sa mahigit 1.4 milyon ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Nagsimula na rin ang pamamahagi ng mga bakuna noong Marso ngunit nasa mahigit tatlong libo pa rin ang karagdagang kaso ng sakit ayon sa araw-araw na tala ng Department of Health nitong Hunyo at Hulyo.
Mapipigilan sana ang pagkalat ng sakit noon pa lamang kung itinaguyod ng pamahalaan ang serbisyong medikal at binigyang-priyoridad ang mga dapat tugunan sa halip na umilag at umatake pabalik sa mga kritiko nito. Lumala ang red-tagging sa bansa dahil sa mas maalab na pangangalampag ng iba’t ibang sektor, at patuloy ang paniniil sa malayang pamamahayag at pagpapahayag. Naapektuhan din ang kabataang Pilipino dahil sa mga suliraning kinahaharap sa pagtamasa ng edukasyon, katulad ng problema sa kagamitan at kawalan ng ligtas na espasyo para sa pag-aaral. Malaki rin ang suliranin sa trabaho at nananatiling mataas ang bilang ng mga indibidwal na walang trabaho o negosyo, na nasa humigit-kumulang apat na milyon, ayon sa Philippine Statistics Authority.
Papunta na sa huling punto ang kasalukuyang administrasyon at tiyak na marami ang maipamamanang suliranin sa susunod na magpapatakbo ng pamahalaan. Kaugnay nito, higit na nakasalalay ang magiging takbo ng mga susunod na taon sa pagpili ng mga Pilipino sa darating na halalan. Ang magkakaisang boto ng sambayanan ang magdidikta sa hinaharap ng Pilipinas at sa magiging tugon ng gobyerno sa mga suliraning bigong matuldukan at pinalala pa ng balikong priyoridad ng administrasyong Duterte.
Naniniwala ang Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa kapangyarihan ng nagkakaisang masa at sa kahalagahan ng kanilang karapatang pumili sa susunod na halalan. Mahalagang magamit ng mga Pilipino ang ipinagkaloob sa kanilang sandata at kalasag upang hindi na maulit pa ang mga suliraning kinahaharap ng bansa. Kaugnay nito, nananawagan ang APP sa sambayanan na magparehistro, isulong ang karapatang bumoto, at maging kritikal sa pagpili ng ihahalal. Mahalaga ring isaisip ang laging pagpili sa pagbabahagi ng kaalaman at pagpapataas ng kamalayan sa halip na pagtuon ng sisi at pangmamaliit sa kapwa-botante.
Sa darating na Mayo 2022, sama-sama nating dalhin ang Pilipinas tungo sa pagkakaroon ng pamahalaang nakatuon sa epektibong pagtugon, hanggang sa yugto ng tuluyang pagbangon.