Hindi maikakaila na binubuo ang malaking bahagi ng politika ng bansa ng mga partikular na pamilyang namamahala sa lahat ng antas ng pamahalaan. Binigyang-katangian ni Alfred McCoy, isang Amerikanong historyador, ang politika sa Pilipinas bilang isang ‘anarkiya ng mga pamilya’ bunsod ng malawakang kapangyarihan at impluwensyang hawak ng mga piling pamilyang Pilipino na siyang pinagmumulan ng at nagpapanatili sa mahinang estado sa kasalukuyan.
Bagamat tinitiyak sa Artikulo II, Seksyon 26 ng Saligang Batas ang pagbabawal sa mga politikal na dinastiya sa bansa upang masiguro ang pantay na akses sa paglilingkod-bayan para sa lahat, walang umiiral na batas kontra dito. Sa naganap na halalan noong 2019, nasa 163 pamilya ang naitalang bumubuo sa Senado, Mababang Kapulungan, at Gobernatoryal o Mayoryal na puwesto, partikular ang 14 na senador, 162 kawani ng mababang kapulungan, at 60 sa 80 ang nagmula at iniluwal sa isang politikal na dinastiya at/o mayroong kapamilyang kasabay na umookupa ng iba pang puwesto sa pamahalaan. Patunay ito sa patuloy na pamamayagpag ng mga politikal na dinastiya sa bansa bunsod ng oligarkiya at elitistang kaligiran at katangian ng estado ng politikang Pilipino.
Pagpapamana ng kapangyarihan
Ipinaliwanag ni Atty. Michael Henry Yusingco, senior research fellow sa Ateneo Policy Center ng Ateneo School of Government, sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), na nagsimulang lumaganap ang politikal na dinastiya sa bansa noong pananakop ng mga Kastila. Ipinahayag din niyang may nagbago nang dumating ang mga Amerikano dahil ipinakilala nila ang lokal na eleksyon. “Ang mga traditional rich families noon, nag-evolve na sila in holding political power,” saad ni Yusingco. Aniya, hindi lamang mayaman ang mga pamilyang ito kundi nagkaroon din ng kapangyarihan sa nasyonal na larangan.
Bago mabuo ang Saligang Batas, batay sa kanilang pagsusuri, tinawag ni Yusingco na “Thin Dynasties” ang mga politikal na dinastiya sa bansa. Pagpapaliwanag niya, “Ang ibig sabihin ng Thin Dynasties, ‘yung nagpapasahan lang sila [bawat miyembro ng pamilyang dinastiya].” Subalit naniniwala si Yusingco na namamayagpag na ang “Fat Dynasties,” na nangangahulugang sakop ng isang pamilya ang isang pamahalaan.
Gayunpaman, aminado si Yusingco na hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng politikal na dinastiya sa isang demokratikong bansa. Paliwanag niya, may pagkakataong pami-pamilya ang kumakandidato. “Ang hindi ko lang gusto sa nangyari sa atin, sumobra na . . . masyado nang naging bargas at masyado nang naging garapalan,” pagpupunto ni Yusingco. Sa pagdami ng Fat Dynasties sa bansa, nawawalan na ng oportunidad ang iba pang karaniwang mamamayang nagnanais mamuno.
Marami ang mga posibleng rason sa paglaganap ng mga politikal na dinastiya sa bansa. Ilan sa mga ito ang kawalan ng ibang pagpipilian sa eleksyon dahil kakilala o kamag-anak ang kandidato. Umiiral din ang ugali ng mga Pilipino na “utang na loob” na nagiging dahilan upang iboto nila ang mga magkakapamilya. “. . .Kahit na ba gusto niyang [botante] bumoto ng iba, for example, mayroong tatlong tumatakbo. . .[tapos] lahat sila dynasty so walang option,” aniya.
Naniniwala si Yusingco na may pagbabagong mangyayari sa politikal na klima sa bansa kung sakaling hindi bahagi ng dinastiya ang nasa posisyon. Isang halimbawa rito ang pagkapanalo ni Vico Sotto, ang kasalukuyang alkalde ng Lungsod ng Pasig, nang talunin ang angkan ng mga Eusebio na 27 taon nang namuno sa lungsod. Nakita rin ang pagbabago sa iba pang bahagi ng bansa, katulad sa Dinagat Islands. Sa pagluklok kay Governor Arlene “Kaka” Bag-ao, nagkaroon ng mga bagong proyektong nakabuti sa mga mamamayan sa nasabing isla.
Maipapayo ni Yusingco na maging mapanuri ang mga makabagong hanay ng botante sa mga inilalahad na programa at plataporma ng mga kandidato. Mahalagang tingnan ang sariling pagdedesisyon. Dagdag niya, “Huwag ka naman bumoto lang dahil sa utang na loob, huwag kang boboto dahil sa surveys, huwag kang boboto dahil sinabi ng pastor mo o sinabi ng magulang mo. Maging ibang botante ka rin.”
Sistematikong serbisyo ng mga piling pamilya
Nakapanayam ng APP si Mark Anthony Angeles, isang propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas at botante sa siyudad ng Caloocan, upang malaman ang pananaw ng isang botante sa presensya ng politikal na dinastiya sa bansa. Sa kasalukuyan, mayroong nangungunang pamilya sa kanilang lungsod na pumapailalim sa deskripsyon ng politikal na dinastiya.
Hindi sang-ayon si Angeles sa pagkakaroon ng ganitong sistema dahil aniya, “Nawawalan ng pagkakataon ang ibang gustong maglingkod sa bayan.”
Gayunpaman, kinilala ni Angeles ang kalayaan ng isang politiko na isalin ang kaniyang posisyon sa kapamilya nito dahil walang batas ang nagsasabing bawal ito. Kaakibat ng kanilang mga pangako sa mamamayan ang katapatan sa kanilang mga partido na siyang nagbibigay-pondo tuwing halalan. Giit ni Angeles, walang naitutulong ang politikal na dinastiya sa kanilang lungsod. Sa kasalukuyan, nababalita na ang mga katiwalian ng mga politikong ito.
Minsan nang dinaan sa mabubulaklak na salita ng mga politiko ang publiko para makapagkamkam sila ng yaman, ngunit unti-unti nang nagkakamalay ang madla sa kasakiman ng iilan. Para patibayin ang pagtutol ni Angeles sa nakasanayang politikal na sistema na ito, ibinahagi niya ang nakaraang isyu ng mag-asawang politikong tumakbo sa magkaibang pook at iba pang mga politikong nagbubuo ng mga bagong mahihirap na barangay na may kapalit na insentibo mula sa gobyerno. Patunay na walang hindi tatawirin, walang hindi gagawin para sa akses sa kaban ng bayan.
Mahirap makita ang kamalian kung ito na ang nakagisnan. May iba’t ibang hugis at kulay ang politikal na dinastiya sa bansa—mula sa mga deka-dekada nang nasa puwestong naging kasingkahulugan na ng apelyido ang ngalan ng kanilang bayan, hanggang sa mga bagong sabak na ngayon pa lamang nagsisimulang magkapangalan.
Malaking bahagi ng politikal na klima ng bansa ang mga dinastiya. Hindi maikakailang patuloy na ginagawang kabuhayan ng mga politiko ang pamamayagpag sa posisyon ng kapangyarihan. Hindi pa huli ang lahat upang baguhin ang nakasanayang takbo ng politika. Pagkakataon ang bawat eleksyon upang subukang buwagin ang pamamayagpag ng mga pamilyang ito at tangkaing magluklok ng mga Pilipinong tunay na maglilingkod para sa ikabubuti ng bansa. Sa Halalan 2022, mahalagang kilatisin ang intensyon at makatotohanang plano ng mga kandidato dahil kung hindi ito gagawin, patuloy na lulubog sa kahirapan at mananatiling atrasado ang bansa.