Genesis: Makulay na kuwento ng mga nagtagumpay


Mula sa MMA Portfolio Facebook page

Nagsisimula ang paglikha ng isang obra sa bista ng isang artista. Palalawigin niya ito sa pamamagitan ng pagkumpas ng lapis at pagpinta ng mga kulay na sumisimbolo sa kaniyang mga kuwento at mga damdamin. Sa oras na matapos ang obra, tititigan ito ng artista na para bang nakatingin siya sa salamin, sapagkat nilalaman ng obra ang bawat saya, lungkot, pagkatalo, at tagumpay na kaniyang pinaghugutan. Bukod pa rito, ibinibida rin sa mga obra ang mga pangarap ng artista, katulad ng mga estudyante sa De La Salle College of Saint Benilde (DLS-CSB) na kumukuha ng kursong Multimedia Arts; naghahangad ang bawat isa sa kanila na magbunga ang kanilang mga nilikhang obra na daan tungo sa pagtupad ng kanilang pangarap.

Upang ipakita ang kanilang mga obra, ipinamalas ng mga estudyante ang kanilang galing sa madla at sa mga hurado sa programang pinamagatang Genesis: Eminence Emerging, isang online exhibit na isinagawa nitong Lunes, Hulyo 26. 

Paglalang ng mga kuwentong dakila

Tila malayo ang dulo ng lakbay tuwing susubukan itong tanawin ng isang alagad ng sining. Taon madalas ang iginugugol bago matutuhang umiyak sa harap ng kamera. Halos buong linggo ang kinokonsumo ng pagsasanay para lamang maisaulo ang isang sayaw. Nakakabit din ang pagkatao ng isang manunulat sa bawat letrang kaniyang inililimbag sa libro; para bang sumasalamin sa kaniyang mga danas ang bawat pangungusap na kaniyang binubuo. At sa bawat daplis ng lapis sa papel, sa bawat kulay na inilalapat sa mga guhit, dugo’t pawis ang mistulang kapalit. 

Ngunit bago makarating sa dulo, mayroon munang linyang magmimistulang ating simula. Ito ang naging tema ng Genesis: Eminence Emerging. Itinanghal sa exhibit na ito ang mga katangi-tanging portfolio ng mga estudyante mula sa kursong Multimedia Arts ng paaralang DLS-CSB. Laman ng kanilang portfolio ang katas ng mga gabing hindi kailanman pumikit ang kanilang mga mata matutunan lamang ang sining, pati na rin ang bawat patak ng luhang mistulang tanda ng kanilang pagpupunyagi. Alinsunod sa tema, layunin ng exhibit na mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na maisulong ang kani-kanilang internship para sa kanilang sinalihang creative company. Layunin nitong magsilbing simula ng isang kuwentong dakila.

Hurado sa nasabing exhibit ang LAMP, isang content studio na dalubhasa sa iba’t ibang plataporma gaya ng larawan, digital content, live show, at mga commercial; ang Willow Creative House, isang Integrated Creative Agency na nakabase sa Manila at Singapore; at ang Canva, isang online publishing tool na maaaring gamitin upang gumawa ng mga poster, presentasyon, social media graphics, at iba’t iba pang dokumento. Bilang mga hurado, pumili sila ng kani-kanilang Top 12 mula sa hanay ng mga talentadong mag-aaral ng DLS-CSB. Mayroong mga napili ng isang hurado—gaya ni Rein Lara Monica Gaspar, na napili ng Canva—at mayroon din namang napili ng dalawang hurado, gaya nina Alicia Veronica Cruz at Gabrielle Serote, na napili ng parehong Willow at LAMP. Sa dulo, ipinakilala rin ang mga mag-aaral na napili ng lahat ng mga hurado, gaya nina Angelo John Fabian at Tinkerbell Poblete. Bagamat hindi ipinaalam sa mga manonood ang batayan sa likod ng desisyon ng mga hurado, bakas sa bawat portfolio na itinanghal sa exhibit ang kahusayan ng mga Benildean.

Matagumpay na pagtatapos

Iba-iba man ngayon ng sasalihang kompanya, halos magkakatulad naman sa karanasan ang mga mag-aaral na nakilahok sa ‘Genesis.’ Gamit ang kagustuhang malinang ang kakayahan, tinuklas nila ang malawak na mundo ng Multimedia Arts. Nagsimula lamang sa simpleng pangangarap, naipagmamalaki na nila ngayon ang kani-kanilang mga gawang malikhain. At sa pamamagitan ng ‘Genesis: Eminence Emerging,’ sisimulan naman nila ngayon ang paglalakbay tungo sa karangalang isa lamang dating mithiin. 

Pinalalaya ng obra ang punto-de-bista ng artista mula sa rehas na binubuo ng kaniyang katawan at isipan. Nabibigyan ng pagkakataon ang mga tagapaglikha na iladlad at ibahagi ang kanilang sarili sa mundo sa pamamagitan ng kanilang obra. Sa ngalan ng sining, magpapatuloy ang mga artista sa paglikha upang mapalaya sila ng kanilang obra at maging mapagpalaya ang kanilang mga nilikha.