SAMA-SAMANG tumindig at nagsatinig ng hinagpis at daing ng mamamayang Pilipino ang ilang lider mula sa hanay ng kabataan sa isinagawang media forum ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), Hulyo 27. Buong-loob at mariing nagsalita ang bawat kabataang lider upang ipahayag ang pagkukulang at pagmamalabis na dulot ng rehimeng Duterte, na nailantad sa kaniyang ikaanim at huling State of the Nation Address (SONA).
Matapang na hinatulan ng bawat kalahok sa talakayan na palpak ang SONA ni Pangulong Duterte dahil sa kapansin-pansing pagliko ng diskusyon ng Pangulo sa tunay na estado ng bansa. Sa halip na umikot sa mas mahahalagang isyu, katulad ng paglatag ng kongkretong solusyon sa pagbangon ng bansa mula sa kalugmukang dinadanas nito dahil sa pandemya at ang unti-unting ligtas na pagbabalik-eskwela, ginamit umano ng Pangulo ang SONA upang mas paigtingin ang pagsikil sa malayang pamamahayag, pagbato ng mga patutsada sa mamamayang kritikal sa kaniyang layunin, at pagpatuloy ng pananakot at pagbabanta.
“Nabanggit nga ni Duterte ‘yung sa [isyu ng] ABS-CBN pero ang ginawa niya lang ay tirada at paninira na naman sa reputasyon ng network na naghahatid ng balita sa mga mamamayan,” giit ni Kyla Feliciano, Punong Patnugot ng Ang Pahayagang Plaridel. Ani Feliciano, pinatunayan lamang muli ng Pangulo ang kaniyang takot sa kritikal na pag-uulat at pagsisiwalat ng mga katiwaliang nangyayari sa ilalim ng kaniyang pamahalaan.
Sumang-ayon naman dito si Anton Narciso III mula CEGP at binanggit na hindi na lamang mga mainstream midya ang inaatake ng rehimeng Duterte kundi mga hanay na rin ng mamamahayag pangkampus dahil sa kanilang kritikal na pagbabalita. Aniya, “Laging banta ang mga publikasyon sa rehimeng Duterte.”
Dagdag pa rito, nabanggit ni Melanie Feranil ng CEGP ang unti-unting paglitaw ng katotohanan sa likod ng pagpapasara ng naturang network nang namutawi sa mismong bibig ng Pangulo ang paglalabas ng ABS-CBN ng maling balita hinggil umano sa anak ng pangulo na naiulat bilang tulak ng iligal na droga. Naniniwala si Feranil na kusang lumitaw ang katotohanang nahaluan ng pansariling layunin at galit ang sanhi ng pagpapasara ng Pangulo sa ABS-CBN.
“CEGP vehemently condemns its paradoxical response to press freedom, [which are] neglect and aggression,” pagpapatuloy ni Feranil. Aniya, kapansin-pansing hindi man lamang natalakay ang walang tigil na red-tagging sa mga propesyonal at kabataang mamamahayag at ang pagkitil sa buhay ng mga inosenteng mamamayan.
Kinondena naman ni Jandeil Roperos ng National Union of Students of the Philippines ang pag-ako ng rehimeng Duterte sa tagumpay ng pagsasabatas ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Tinuldukan niyang hindi ito tagumpay ng administrasyon kundi tagumpay ng mga estudyanteng matapang na ipinaglaban ang kanilang karapatan sa edukasyon.
“Ito ay hindi dapat kine-credit as achievement ng isang administrasyon [o] ng isang estado ng gobyerno dahil una sa lahat, ito ay isang moral responsibility ng estado—ang maging abot-kaya, ang magkaroon ng kalidad na edukasyon para sa lahat,” pagtindig ni Roperos.
Nabanggit din ni Roperos na sa kabila ng pagpapatupad ng naturang batas, mayroon pa ring hindi nabibigyan ng pagkakataong matamasa ang libreng edukasyon bunsod ng mga hadlang sa implementing rules and regulations nito. Dagdag pa niya, lumutang ang kapalpakan sa pagpapatupad ng distance learning sa bansa dulot ng kawalang-pakialam at patuloy na pagbibingi-bingihan ng Pangulo, kabilang na ang mga kawani ng edukasyon, sa bawat hinaing ng mga estudyante, guro, magulang, at ilang kawani ng gobyerno.
Idiniin naman ni Raoul Manuel, pambansang tagapagsalita ng Kabataan Partylist, na binuo ng hangin at mga hungkag na pahayag ang huling SONA ni Pangulong Duterte, katulad ng pagpuri sa militar at kapulisan, na halos ituring ng Pangulo na kaniyang sariling army, at ang pagmamalaki sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na wala namang mabuting ginawa kundi magsagawa ng malawakang red-tagging at pananakot sa mga indibidwal o progresibong grupo sa bansa.
Hindi maitatangging sa pilit na pagdidiin at pagpigil ng Pangulo sa malayang pamamahayag, umuusbong ang kaniyang pansariling layuning hubugin ang mga mamamayang Pilipino bilang katulad niyang isang tuta—tuta na walang paninindigan, sunud-sunuran, kayang alipinin at alipustahin, hindi kayang mabuhay nang walang amo, at tutang kaunting takot lamang, babahag na ang buntot at mananahimik sa isang sulok.
Sa kabila ng walang habas na pambubusal at pagpapatahimik sa tinig ng kabataan, muli silang tumindig at nagsama-sama upang sabay-sabay na ibagsak ang puro satsat at walang saysay na SONA at pamamalakad ni Pangulong Duterte. Sa huling SONA, lalo lamang napaigting ang apoy ng pagnanasang wakasan ang mapanupil na rehimen. Kung dahas ang gagamitin ng rehimen upang masikil ang malayang pamamahayag, tinig at pagtindig ang gagawing sandata ng mga progresibong kabataan upang putulin ang tali na siyang gumagapos sa leeg ng mga mamamayang Pilipino.