Sa pagsapit ng Halalan 2022, nakasalalay sa kapangyarihan ng bawat botante ang kinabukasan ng bansa dahil hawak nila ang karapatang wakasan ang mapang-abusong pamumuno at simulang pumili ng mga pinuno na totoong may kakayahang maglingkod sa mga Pilipino.
Ngunit, nananatili itong isang malaking hamon lalo na’t mas naging nakasisilaw ang mga patagong regalo na nakalakip sa puting sobre. Ang pagkasadlak sa kahirapan ang nagtutulak sa karamihang magpikit-mata kapalit ng iilang de lata at pagkaing maihahain sa lamesa.
Sa mata ng eksperto
Bunsod ng hirap at kawalan ng katiyakang dala ng pandemya, maraming nangangamba sa posibleng mas paglaganap ng vote buying o pagbili ng boto. Mas madali umanong matutukso ang mga mamamayan, partikular ang mga mahihirap, dahil sa kasalukuyang estado ng ekonomiya. Subalit mayroong mga eksperto sa larangan ng politika, tulad ni Mark R. Thompson, na tutol sa naratibong ito.
Sa akdang Southeast Asia’s Subversive Voters: A Philippine Perspective, tinalakay ni Thompson ang mga maling kuro-kuro na kadalasang iniuugnay sa vote buying. Ipinaliwanag niyang isa itong sintomas ng kasalukuyang suliraning pang-estado sa pagitan ng mahirap at mayaman. Bunsod nito, kinakailangang bigyang-edukasyon ang mga kapos-palad sa tamang pagpili ng mga kandidatong iluluklok.
Maliban dito, inilahad ni Thompson ang mga datos na nagpapatunay na hindi kasing makabuluhan ang epekto ng vote buying sa integridad ng eleksyon kompara sa inaakala ng nakararami. Itinuturing na regalo—hindi bayad—ang pera o gamit na ipinamamahagi ng mga kandidato. Aniya, madalang na ibinoboto ng mga tao ang isang politiko dahil lamang sa kaniyang mga ipinamigay. Pinunto rin ni Thompson na ibinoboto ng ilang madla ang mga kandidato kahit hindi namimigay ng regalo.
Pagdidiin niya, nananatiling makatuwiran at seryoso ang karamihan ng mga botante sa kabila ng isyu ng vote buying. Naniniwala siyang ibinoboto ng mahihirap ang mga politikong makatutulong sa kanila upang maiahon sila sa kahirapan. Nagkataon lamang na hindi patok sa panlasa ng mayayaman ang mga politikong handang pagtuunan ng pansin ang daing ng mga mahihirap.
Nais ipamulat ni Thompson na hindi sapat ang kasalukuyang pagsusuri sa politika ng eleksyon na naglalarawang ignorante ang mga botanteng nasa laylayan. Aniya, labis ang pansin at kabuluhang ibinibigay ng nakararami sa isyu ng vote buying at naratibong isinusulong nito.
Bunsod nito, ipinaliwanag ni Thompson na mananataling mahina ang demokrasya sa bansa hanggat binabalewala ang suliraning pang-estado. Madaling mapagsasamantalahan ng mga populistang lider ang mga mahirap dahil handa silang makinig kuno at gamitin ang kanilang boto upang mailuklok bilang pinuno.
Gampanin bilang mga kabataang botante
Bagamat isang malaking balakid ang pandemya sa pagpaparehistro ng mga kabataang botante, hindi ito itinuring ni Andrea Mikaela Llanes bilang banta upang hindi magparehistro. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Llanes, ibinahagi niyang isa sa mga dahilang nagtulak sa kaniyang magparehistro upang bumoto ang nasaksihang pang-aabuso ng kasalukuyang administrasyon sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-uuna sa kanilang mga pansariling interes bago ang interes ng kanilang mga nasasakupan.
Aniya, “. . . hindi kakayanin ng konsensya ko ang manahimik lamang. Napakasahol ng mga pangyayari sa kasalukuyang administrasyon.”
Naniniwala rin si Llanes na mahalaga ang bawat boto. Binalikan niya ang nangyari noong 2016 na mas mababa sa isang porsyento ang pagitan ng boto nina Pangalawang Pangulo Leni Robredo at dating Senador Bong Bong Marcos. Sa panahong iyon, inilahad ni Llanes na hindi siya nakatulog hangga’t nalaman niyang si Robredo ang nanalo dahil sa kaniyang takot na muling makabalik ang mga Marcos sa Malacañang. “. . . Mararamdaman natin ang [epekto ng] kanilang pamumuno ilang taon pa man ang lumipas. Mula sa mga imprastraktura na ipapatayo, mga batas na ipapasa, mga utang na kailangang bayaran. . . lahat ng mga mapagdedesisyunan ngayon ay mararamdaman sa madami pang bukas,” ani Llanes.
Gayunpaman, naniwala si Llanes na higit sa pagboto ang tungkulin ng mga kabataang botante. Responsibilidad din ng kabataang imulat sa katotohanan ang kapwa nila kabataan kahit magkakaiba ang mga pananaw. Naniniwala siyang bahagi ng kaniyang tungkulin ang unawain at pag-usapan nang maayos ang mga konteksto na humuhubog sa kanilang opinyon.
Kasabay ng paghahangad ng bawat isa sa mas maayos na administrasyon ang panghihikayat ni Llanes sa kabataang nasa tamang edad upang magparehistro’t bumoto. Aniya, hindi lamang karapatan ang pagboto kundi isang pribilehiyo at responsibilidad. “To stand idly by when you have the opportunity to make change is a sin to those who fought so hard for us to be freed from oppression and indignity,” giit ni Llanes.
Ang eleksyon ang katas na siyang bumubuhay sa isang demokrasya. Ang mga boto ang siyang pulso na nagpapaagos at nagbibigay-direksyon dito. Sa Halalan 2022, muling malalaman ang pulso ng bayan na siyang magdidikta sa kapalaran, hindi lamang sa susunod na anim na taon, kundi pati sa mga susunod na henerasyon. Nawa’y maalala ng bawat botante ang kabuluhan at kapangyarihang kanilang dala-dala—isang kapangyarihang bitbit ng isang patak ng tinta. Dahil sa bawat hatol ng balota, unti-unting nauukit ang kinabukasang haharapin ng bansa.