Halos sampung buwan na lamang ang natitira bago ang Halalan 2022 na magluluklok ng mga bagong mamumuno sa bansa. Sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya, nanindigan ang Commission on Elections na walang sapat na rason upang ipagpaliban ang eleksyon. Higit pa rito, malaki ang inaasahan mula sa maihahalal na mga pinuno sa pag-usad at pagharap ng bansa sa epektong dulot ng pandemya.
Kailangan ng bansa ng mga bagong pinuno na handang humarap at tumugon hindi lamang sa epekto ng pandemya, bagkus maging sa iba pang suliraning iiwan ng kasalukuyang administrasyong Duterte. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Cristian Argamino, isang rehistradong botante, ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagboto. Aniya, “Hindi natin pwedeng balewalain lalong lalo ‘yung next eleksyon kasi talagang ang laking threat nung pagkakare-elect ng same set of people with the same set of values doon sa posisyon for the next six years.”
Pagpapalawak ng paningin
Inilahad ni Gladstone Cuarteros, National Coordinator ng Lasallian Justice and Peace Commission, sa APP ang mga suliranin mula sa iba’t ibang sektor na maipapasa sa susunod na administrasyon.
Batid ni Cuarteros, sa usaping medikal, kinakailangan ng bagong estratehiyang ipatutupad sa pangkalusugang sektor. Aniya, “‘Yung kulang sa gobyerno natin ngayon, ‘yung strategic thinking, ‘yung nauuna dapat doon sa problema.” Pinunto rin niya ang kahalagahan ng pagiging handa ng bansa mula sa lebel ng barangay hanggang nasyonal, sa anomang sakuna.
Bukod dito, nasabi ni Cuarteros na usad-pagong ang progreso ng bansa sa pag-ahon mula sa pandemya sa kabila ng milyon-milyong perang ginagasta. Tunay ngang sa panahon ng sakuna, ipinakita nito ang kakulangan sa aksyong pangmedikal ng bansa. Bunsod nito, napanatiling mahina ang barangay healthcare system na siyang inaasahan at takbuhan ng mga karaniwang mamamayan.
“. . . Itong pandemya, na-emphasize niya o naipakita niya sa atin na mahina talaga ‘yung public health system natin [ng bansa],” giit ni Cuarteros.
Hindi rin maitago ni Cuarteros ang pagkadismaya sa kakulangan ng progreso sa sektor ng agrikultura sa kabila ng ipinangakong programa ng administrasyong Duterte. “Sayang lang kasi itong agricultural sector natin, hindi natupad ng gobyerno ‘yung kaniyang promise noong 2016 na ito ay isa sa mga priority area bukod doon sa infrastructure development . . . alam naman natin na doon sa Build, Build, Build [Program], wala namang nangyari.”
Bukod dito, higit na pagpapaigting sa pagbabantay sa exclusive economic zone ang isa sa itinuturo niyang susi upang masiguro ang soberanya ng Pilipinas at lalong umunlad ang mamamayang Pilipino. Binigyang-diin ni Cuarteros ang pangangailangan ng mga lokal na mangingisda para sa lubos na suporta mula sa gobyerno sapagkat sa kasalukuyan, nananatili silang isa sa pinakamahirap na mamamayan.
Sa kabilang banda, ayon kay Cuarteros, ang pagpapataas ng antas ng food security ang isa sa mga suliraning dapat tutukan ng susunod na administrasyon upang masiguro na may sapat na suplay ng pagkain ang mga Pilipino. Nararapat lamang na baguhin ang sistemang nakaasa sa pag-iimbak dahil isa ito sa kumikitil sa kabuhayan ng mga lokal na manggagawa.
Sa usaping politikal, iginiit ni Cuarteros na kailangang matuldukan na ang umiiral na dinastiyang politikal sa bansa. Aniya, mahalaga ang pagpili ng isang lider na hindi lamang nagmumula sa iisang pamilya dahil hindi palaging naipapasa sa anak ang kagalingan ng isang politikong magulang. Sa halip, isang lider na may respeto sa dignidad at karapatang pantao, may kakayahang pumili ng tamang desisyon, may kapasidad na mamuno, at may pambansang karanasan, ang siyang nararapat na maluklok sa puwesto.
Pagtustos sa mga suliraning pang-ekonomiya
Sa malawakang pagpapatupad ng quarantine sa bansa, partikular na sa National Capital Region, hindi maikakaila ang kaakibat na epekto nito sa ekonomiya. Sa panayam ng APP kay Dr. Tereso Tullao, Br. Vincenzo de la Croce Professorial Chair ng Business Economics ng School of Economics sa Pamantasang De La Salle, iginiit niyang ang pagtustos sa pagbangon ng ekonomiya ang pinakamatinding suliranin na haharapin ng susunod na administrasyon.
“Ang pinakamatindi ay ang paano tutustusan ang pagbangon ng ating ekonomiya dahil bagsak ang ating ekonomiya noong isang taon,” pahayag ni Tullao. Aniya, walang kasiguraduhan ang pagbangon ng ekonomiya ngayon dahil nananatili itong lugmok.
Binigyang-diin ni Tullao na marami ang pinaggastusan ng pamahalaan ngayong pandemya at kinakailangang mangutang ng gobyerno upang matustusan ang mga pangangailangan ng nasasakupan. Bunsod nito, dagdag din sa mga suliraning haharapin ng susunod na administrasyon ang pagbabayad sa mga utang ng pamahalaan.
“Paano tutustusan? Mangungutang na naman ba tayo o itataas natin ang paniningil ng buwis?” pag-usisa ni Tullao.
Binanggit naman ni Tullao ang ilang mga problema sa kasalukuyang administrasyon. Nangunguna rito ang pagiging sensitibo ng pamahalaan sa mga puna ng oposisyon. Problema umano ang mga ipinakikitang asal at gawi ni Pangulong Duterte na hindi gawain ng isang pinuno. Dahil sa mga asal na ito, ayon kay Tullao, tila “nawalan na ng tiwala ang tao sa gobyerno”.
Dahil dito, naglatag si Tullao ng mga katangian ng isang lider na dapat hanapin ng mga botante. Kabilang dito ang mga katangiang mapagkalinga, sensitibo sa pangangailangan ng nasasakupan, at mayroong bukas na isipan sa puna ng mga kalaban. “Kapag ang oposisyon ay humina, walang alternatibo, at ang mga susunod na lider ay mula na lang sa kaniyang mga kamag-anak, so dapat ang tunay na lider ay hindi sinisira ang oposisyon bagkus ay pinalalakas ito,” pahayag ni Tullao.
Sa mga suliraning binanggit, nanawagan si Tullao sa mga Pilipino na iboto ang isang kandidato kung naniniwala sila sa kandidato at sa kakayahan niyang mamahala. “Ito [pagboto] ay hindi isang sugal. Ito ay isang exercise o paglalahad ng ating karapatan bilang mamamayan sa isang demokrasya,” panapos na pahayag ni Tullao.
Sa hindi matapos-tapos na quarantine na ipinatutupad, naapektuhan ang lahat, lalo na ang mga nasa laylayan. Mahirap man tanggapin, ngunit ani Tullao, “Ang pandemya, kahit mawala, maaaring bumalik. Maraming mga eksperto ang nagsasabing hindi ito ang huling pandemya.” Kaya’t sa pamamagitan ng pagboto ng mga karapatdapat na kandidato na handang harapin ang mga suliraning nabanggit, maaaring sabihin na magiging handa ang Pilipino sa susunod na mga hamon dahil mga pinunong may paninindigan ang hahawak sa kinabukasan ng sambayanan.