ISINAGAWA ng Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) ang “Tapatan Sulong Kabataan 2021: The Leadership Formula”, unang araw ng kanilang 2-day workshop, Hulyo 23. Binigyang-pokus sa nasabing workshop ang mas malalim na pagkilala sa sariling pagkatao bilang paraan ng pagtuklas sa estilo ng pamumuno.
Sa pagsisimula ng programa, binigyang-diin ni Jolo Tugade, isa sa mga tagapangulo ng programa, ang kahalagahan ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba. Aniya, “We cannot live and act in isolation.” Dagdag pa rito, ipinahayag ni Tugade ang kahalagahan ng pagkilala sa sariling estilo ng pamumuno at pagkakaroon ng kakayahang maibahagi ito sa lahat.
Ibinahagi naman ni Noelle Angeli Arcinue, dating University Student Government President ng Pamantasang De La Salle Manila at kasalukuyang Corporate Talent, Org Design Executive, at Factory HR Executive ng Nestlé Philippines, ang kaniyang mga karanasan bilang isang dating student-leader na nangunguna sa iba’t ibang gawain at programa para sa pamayanang Lasalyano.
Ani Arcinue, “It all begins with awareness.” Ipinaliwanag niyang kinakailangan ng kamalayan sa bawat hakbang na gagawin at sa bawat landas na tatahakin upang maging matagumpay sa anomang adhikain. Naniniwala siyang mahalaga ang pagkakaroon ng sariling kamalayan upang magkaroon ng epektibong estilo ng pamumuno.
Sa pamamagitan ng isang pagbasag ng yelo, tinukoy ni Arcinue ang ilang katangian ng isang student-leader. Panghihimok niya, “. . . are you the one who is very organized . . . are you the one who is very competitive . . . are you the one who is quite reserved. . . or are you the one who takes comfort in providing results, analysis, information, or maybe you’re a little of everything?” Subalit sa kabila ng pagkakaiba ng bawat isa, naniniwala siyang likas sa lahat ang pagiging responsable.
Hinikayat naman ni Arcinue ang mga tagapakinig na, “Find out who you are and do it on purpose.” Ipinahayag niyang may kakayahan ang bawat isang tumayo bilang inspirasyon sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng programang may kalayaan ang lahat na mailahad ang kanilang totoong sarili.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, ipinaliwanag ni Arcinue na hindi lamang mahahasa ang sariling kamalayan sa pagsagot ng mga personality test kundi pati rin sa pagtanggap ng mga puna. Idiniin niyang mahalagang gamitin ang kritisismo upang mapaunlad pa ang sarili, sa halip na damdamin ang mga ito. Bukod dito, naniniwala siyang may kakayahan ang tunay na epektibong lider na palabasin ang tinatagong kalakasan ng bawat miyembro ng grupo o organisasyon.
Sa pagtatapos ng talakayan, ibinahagi ni Arcinue ang kaniyang kaalaman at karanasan sa epektibong pagdedesisyon hinggil sa pagiging lider. Aniya, mas nakahihigit ang motibo kaysa kompiyansa dahil kaya umanong matutunan ang mga bagay na inaasahan mula sa sarili. Sa katunayan, inilarawan niyang mas mataas ang kaniyang kompiyansa sa pagiging Legislative Assembly Representative at Vice President for Academics kompara noong inalok siyang tumakbo bilang Presidente. Bagamat may mga proyekto siyang hindi natapos, nagpatuloy siyang tumakbo para sa posisyon hindi para sa sarili kundi para palakasin ang loob ng mga susunod na student-leader ng Pamantasan.
Bago pormal na nagtapos ang workshop, nasukat ang estilo ng pamumuno ng mga tagapakinig sa pamamagitan ng isang maikling color personality test. Batay sa pagsusulit, nahahati ang mga lider sa apat na uri: isa rito ang mga lider na alam ang tatahaking landas ng organisasyon dahil klaro ang kanilang layunin. Mayroon ding mga lider na dumedepende sa katuwiran at inaalis ang emosyon sa pagpapasya. Sumunod dito ang mga lider na pinahahalagahan ang positibong pakikitungo sa kanilang mga miyembro, at mga taong namumuno na may malalim na paniniwala tungkol sa katarungan at kabutihang-asal. Sa kabila ng iba’t ibang katangian ng lider at paraan ng pamumuno, nananatiling layunin ng lahat ang maipalabas at mahubog ang kakayahan ng kanilang nasasakupan.
Nagsisimula ang pagiging epektibong lider sa pagkilala sa sarili. Humarap man sa maraming pagsubok, mayroong babalikan na “bakit”—na magbibigay-inspirasyon upang magpatatag sa lider tungo sa pagtugon at pagtatagumpay sa mga suliraning kinahaharap at haharapin pa. Nagsisilbi rin itong paalala na maging mapanuri at kritikal sa pagpili ng mga susunod na lider sa bansa dahil karapatdapat na matamo ng mga Pilipino ang kinabukasang may maaasahan at epektibong pamahalaan.
Banner mula Tapatan