PINANGASIWAAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagsasagawa at pagpapanatili ng Student Services (SS) Hub sa ilalim ng Office of the Vice President for Internal Affairs (OVPIA), Hulyo 23. Tinalakay rin sa pagpupulong ang pagkakaroon ng boluntaryong alokasyon ng labis na operational funds ng University Student Government (USG) sa Lasallian Student Welfare Program (LSWP).
Matatandaang opisyal na inilunsad ng OVPIA ang SS Hub noong Hulyo 16.
Panukala ukol sa Student Services Hub
Nagsilbing tagapagtaguyod sina Katkat Ignacio, EXCEL2021; Vera Espino, 75th ENG; at Francis Loja, EXCEL 2023 sa panukalang maitatag ang USG SS Hub sa ilalim ng OVPIA. Tumayo ring may-akda sina Jaime Pastor, Vice-President for Internal Affairs ng USG at Shannon Ho, Chairperson ng USG SS.
Tinalakay sa sesyon ang mga probisyon at pamantayang nakaangkla sa paggamit ng opisyal na website ng USG. Ayon kay Ignacio, layunin ng platapormang mabigyang-gabay ang pamayanang Lasalyano sa kanilang mga pangangailangang pang-akademiya. Inilahad din ni Ignacio na responsibilidad ng lahat ng sangay ng USG na maipalaganap ang nilalaman ng SS Hub.
Ibinahagi naman ni Espino na kailangang naaayon sa pangangailangan ng pamayanang Lasalyano ang mga impormasyong nakapaloob sa SS Hub. Dagdag naman ni Loja, responsibilidad ng OVPIA at Office of the Secretary (OSEC) na makipag-ugnayan sa ibang miyembro ng Executive Committee sa pagpapanatili ng SS Hub. Nilinaw rin ni Loja na may kakayahan ang ibang sangay ng USG na gamitin ang bagong website sa pag-aanunsyo ng mga proyektong pang-Pamantasan.
Inimbitahan naman si Pastor sa sesyon upang ipaliwanag ang ibang nakapaloob sa plataporma. Binanggit ni Pastor na maraming suliranin ang nakarating sa kanilang opisina ukol sa mahirap na paggamit ng pangunahing website ng Pamantasan. Ayon kay Pastor, naglaan ng oras ang miyembro ng SS ng OVPIA upang makuha at mapagsama-sama ang mga impormasyon mula sa pangunahing website ng Pamantasan upang makalikha ng isang platapormang mas mabilis na magagamit ng mga Lasalyano.
Itinuon din ni Pastor ang kahalagahan ng SS Hub para sa mga Lasalyano at mga bumubuo ng USG. Aniya, “It may be easier to access this website rather than contacting USG officers who may be unavailable due to other responsibilities.” Para kay Pastor, makasisigurong magiging maayos ang daloy ng pagkuha ng kailangang impormasyon dahil sa website na ito.
Alinsunod dito, ipinakita naman ni Ho ang mga nakapaloob sa SS Hub. “We have divided the Student Services Hub to mainly three pages: the USG announcements, academic processes, and DLSU directory,” ani Ho. Bukod dito, mas madaling intindihin ang mga nakasaad na panuto para sa mga freshman na unang beses pa lang makakapag-enlist.
Itinaas naman ni Sophia Beltrano, BLAZE2021, na magkaroon ng pamantayan para malaman ang pagiging epektibo ng plataporma. Ayon din kay Beltrano, nararapat gamitin ang Canvas upang ipabatid sa mas maraming Lasalyano ang pagkakatatag ng SS Hub.
Sa kabilang banda, inalam naman ni Bryan Reyes, BLAZE2023, ang tiningnang aspekto ng OVPIA upang piliin ang SS Hub bilang pinakamaayos na plataporma. Inilahad ni Pastor na nakatanggap sila ng suhestiyon na mas mainam na gumawa ng platapormang naglalaman ng lahat ng impormasyon ukol sa mga hakbang at proseso ng Pamantasan tulad ng pre-enlistment, enlistment, mode of tuition fee payment, at iba pa.
Naniniwala naman si Ho na magsisilbing daan ang SS Hub sa mas maginhawa at mabilis na proseso para sa mga Lasalyano at mga opisyal ng USG. Ayon din kay Pastor, nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa bawat sangay ng USG upang masigurong maibibigay ang tamang sagot sa katanungan ng bawat Lasalyano.
Ipinabatid naman ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang posibilidad na madagdagan o mabago ang mga nakalagay sa SS Hub. Tinukoy ni Pastor na nakasalalay pa rin sa OVPIA ang pag-enmiyenda sa SS Hub. “Even [if] there are changes in the platform, it should. . . still stay to the purpose of serving the student body with important announcements,” sagot din ni Ignacio.
Humingi rin si Jomalesa ng paglilinaw hinggil sa responsibilidad ng OSEC sa SS Hub dahil ang OVPIA naman ang pangunahing tagapamahala ng website. Ipinunto ni Loja na gawain ng OSEC na masigurong gumagana ang SS Hub. “The content itself that we will see in the website will be managed by OVPIA. . . the website itself and how it’s functioning and running. . . will be managed by OSEC,” pagpapaliwanag pa niya.
Binigyang-pansin din ni Beltrano ang pagkonsidera sa paggamit ng Canvas. Tinanong din niya ang bentahe ng paggamit ng Google sites kompara sa Canvas. Tugon ni Pastor, “It allows us to create a more appealing design that is more welcoming for the students, [while] the usage of Canvas in its purpose as a platform is for academic concerns.” Kaugnay nito, ipinunto rin ni Ho na mas mabilis maaakses ang Google sites kaysa Canvas dahil hindi na kailangang mag-log in dito.
Tinanong naman ni Chief Legislator Giorgina Escoto ang gagawing hakbang ng OVPIA sa mga agarang anunsyong kailangang ipakalat. Ayon kay Pastor, gagamitin din ang Facebook page ng USG para sa mga ganitong uri ng anunsyo upang mas mapabilis ang pagpapabatid ng mga balita.
Iminungkahi naman ni Javier Pascual, kinatawan ng Laguna Campus Student Government (LCSG), na lagyan ng screen reader functionality ang SS Hub. Pagbabahagi ni Pastor, uusisain nila ito upang masigurong magkaroon nito ang SS Hub.
Sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain, opisyal nang ipinatupad ang mga probisyon sa ilalim ng SS Hub.
Alokasyon ng USG Operational Funds sa LSWP
Pinangunahan ni Kali Anonuevo, CATCH 2T24, ang pagpapaliwanag sa nasabing resolusyon.
Nagsagawa ng sarbey ang mga tagapagtaguyod upang alamin ang opinyon ng bawat yunit ng USG sa pag-enmiyenda sa alokasyon ng kanilang operational funds. Tinalakay ni Anonuevo na isinasagawa ang LSWP kada taon, ngunit ang kakulangan ng pondo nito ang maaaring maging rason upang matigil ito.
Inilahad rin ni Vera Espino, 75th ENG at isa sa tagapagtaguyod ng resolusyon, na layunin ng nabanggit na panukalang maipagpatuloy ang pagkakaroon ng sapat na pondo. “Our goal of the creation of the bill is continuity, because the MoA would terminate after the incumbent Office of the Executive Treasurer’s (OTREAS) term is done,” paliwanag ni Espino.
Sa botong 19-0-0, isinapinal na ang boluntaryong alokasyon ng USG operational funds sa LSWP.
Iba pang kaganapan ng LA
Kinumusta muli ni Escoto ang kalagayan ng ibang mga proyekto ng bawat komite sa LA.
Iniulat ni Beltrano ng komite ng Rules and Policies na inaasikaso nila sa kasalukuyan ang mga priyoridad na resolusyon, tulad ng Admin Code, Code of Conduct, OSEC manual, at probisyon ukol sa pagtatalaga at pagbibitiw ng mga opisyal.
Ibinahagi naman ni Anonuevo ang kasalukuyang paghahanda ng komite ng National Affairs para sa poll power at paglulunsad ng Eco Week 2021.
Tinalakay naman ni Ignacio, mula sa komite ng Students Rights and Welfare, na isinasaayos pa nila ang Data Privacy policy at ang pagbibigay-tulong sa mga Person with Disability. Gayundin, kinakailangan nilang makipag-ugnayan sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment para sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression policy.