Matamis na pag-arangkada: Choco Mucho Flying Titans, pinayuko ang maagang pamumukadkad ng Perlas Spikers sa PVL 2021


IPINAMALAS ng Choco Mucho Flying Titans ang kanilang pinaigting na kampanya matapos dominahin ang nagbabalik-torneo na Perlas Spikers, sa iskor na 25-23, 25-20, 25-20 sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 25, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.

Mahigpit ang kapit ng Choco Mucho open hitter na si Kat Tolentino na masungkit ng kanilang koponan ang pangatlong panalo sa buong torneo. Kaya naman, walang takot itong nagpakita ng gilas kontra sa kalaban matapos makapagtamo ng limang spike at apat na block. Nagpamalas din ng matinding opensa at depensa si Ponggay Gaston nang makapagtala ng walong spike, 22 excellent dig, at limang excellent reception.

Nabigo mang mapasakamay ang tagumpay, nakapagtala ang dating Petro Gazz Angel na si Cherry Nunag ng 11 puntos mula sa kaniyang 10 spike at isang block na nakatulong sa kanilang paghahabol kontra sa Choco Mucho. 

Malugod na pinasiklaban ng nagbabalik na Perlas Spikers ang higanteng koponan na Choco Mucho. Pinangunahan ni Cherry Nunag ang kampanya ng Perlas matapos pumukol ng apat na quick attack. Winakasan naman ng dating Lady Eagle na si Ponggay Gaston ang makulimlim na panimula ng Chocho Mucho matapos humugot ng tatlong puntos mula sa mga atake sa labas.

Naging madikit man ang bakbakan, kapit-bisig na natakasan ng Choco Mucho ang makipot na lagusan ng unang kanto matapos pihitin ang depensa ng block machine na si Bea De Leon, 21-18, na sinundan ng malabombang atake ni Gaston upang mapuntirya ang kalamangan. Sinubukan namang habulin ni Perlas outside hitter Nicole Tiamzon ang talaan ng Flying Titans tangan ang dalawang atake, 24-23, na nagpadikit sa kartada ng dalawang koponan. Sa kabila nito, binigo ng Choco Mucho playmaker na si Deanna Wong ang pagtatangka ng katunggali matapos selyuhan ang panalo sa pamamagitan ng kaniyang espesyal na hulog, 25-23.

Muling umarangkada ang Flying Titans nang hamunin nito ang depensa ng Perlas Spikers sa ikalawang yugto, 0-2. Sinagot naman ni Sue Roces ang depensa nina Tolentino at De Leon gamit ang kaniyang smart hit, 3-all. Sa kabila nito, lalong gumanda ang opensa ng Flying Titans dulot ng malakas na pag-atake ng two-time NCAA Finals MVP na si Regine Arocha kasunod ng running attack ni Maddie Madayag, 5-9. Agad namang pinagana ni Wong ang lahat ng kaniyang spikers na nagsilbing tulay sa pagpuntos nina Tolentino at Gaston, 10-17, mula sa opposite at back row.

Hindi naman nagpadaig ang middle blocker na si Nunag kontra sa depensa ni Madayag at sinamantala ang errors ng Flying Titans na nagbunsod sa kanilang 3-point lead, 15-18. Gayunpaman, inutakan ni Wong ang diskarte ng Perlas Spikers matapos magpakitang-gilas gamit ang kaniyang one-two play, 22-17. Patuloy naman ang pagkapit ng Perlas Spikers para mahabol ang kalamangan ng Flying Titans, 23-19, mula sa mga tirada ng tambalang Gel Cayuna-Cza Carandang. Sa kabila nito, nasungkit ng Choco Mucho ang ikalawang yugto mula sa malapader na block nina De Leon, Tolentino, at Wong, 20-25, kontra sa naghihingalong opensa ni Heather Guino-o.

Sinimulan ng dalawang koponan ang ikatlong yugto sa palitan ng errors, 3-all. Buhat nito, agad na nagpakitang-gilas si Madayag matapos umiskor ng magkakasunod na puntos, 10-6. Hinamon naman ni Cayuna ang depensa ng kalaban nang magpakawala siya ng dalawang magkakasunod na one-two play, 11-8. Bunsod nito, tuluyang dumikit ang talaan ng Perlas Spikers kontra sa Flying Titans matapos ang pamatay na spike ng dating Lady Spiker na si Michelle Morente, 16-13.

Hindi nagpatinag ang depensa ng magkabilang koponan bunsod ng mahahabang rally at palitan ng puntos. Sa bandang dulo ng ikatlong yugto, nagsagutan ng mga tirada ang dating Lady Eagle na si Tolentino at dating kakampi sa UAAP na si Jho Maraguinot, 21-19. Gayunpaman, nanaig ang katatagan ng Flying Titans nang matapos ang sagupaan dulot ng dalawang magkakasunod na error ng Perlas Spikers, 25-20.

Nabigo man sa kanilang unang laban, may pagkakataon pang makasungkit ng panalo ang Perlas Spikers bukas, Hulyo 26, sa ganap na ika-3 ng hapon kontra Chery Tiggo Crossovers. Masusubukan naman muli ang tibay at lakas ng Choco Mucho Flying Titans kontra Cignal HD Spikers sa darating na Hulyo 27, sa parehong oras.