PINABAGSAK ng Choco Mucho Flying Titans ang Sta. Lucia Lady Realtors sa loob ng straight sets, 25-17, 25-22, 25-20, sa pagpapatuloy ng mainit na aksyon ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 23, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bumida para sa Choco Mucho ang kanilang star opposite hitter na si Kat Tolentino matapos makapagtala ng 18 puntos mula sa 16 na attack habang nagpakitang-gilas ang dating all-around player ng Ateneo Lady Eagles na si Ponggay Gaston matapos magtamo ng walong attack points sa kabuuan ng laro. Bukod dito, nakapagtala rin ang libero ng Choco Mucho at ang dating two-time UAAP Best Receiver na si Denden Lazaro-Revilla ng 14 na excellent dig at 12 excellent reception, habang nakapag-ambag din ng tulong si Deanna Wong sa pamamagitan ng kaniyang 21 excellent set at limang puntos mula sa dalawang atake, dalawang block, at isang service ace.
Bagamat nabigo sa laban, pumukol naman ng siyam na puntos mula sa pitong attack at dalawang service ace ang middle blocker ng Sta. Lucia na si Mika Reyes habang nakapagtala rin ng siyam na puntos si Jonah Sabete para pangunahan ang Lady Realtors sa laban. Samantala, nalimitahan naman ng Flying Titans ang star opposite hitter ng Lady Realtors na si MJ Phillips at si Jovielyn Prado sa pitong puntos sa kabuuan ng laro.
Sa simula pa lamang ng unang yugto, nagkaroon agad ng sagutan ang beteranong opposite spiker na si Aiza Maizo-Pontillas at ang dating Lady Eagle na si Tolentino para magdikit agad ang laban sa iskor na 4-all. Sa kabila nito, hindi agad nagpatinag ang Flying Titans dahil agad nakabawi ang mga ito sa tulong ng dating Best Setter na si Wong nang harangin niya ang mga atake ng Lady Realtors para makuha ang lamang, 7-6.
Sa kabila ng hagupit ng Flying Titans, hindi nawalan ng kumpiyansa ang Lady Realtors sa tulong ng kanilang prized players na sina Sabete at Djanel Cheng kaya naman naidikit nito ang iskor, 8-9. Agad din namang hinablot ng Choco Mucho ang kalamangan mula sa mga nakaputi sa tulong ng maiinit na kamay nina Tolentino at Bea De Leon, 16-9.
Sinubukan namang depensahan ng binansagang Taft Tower na si Reyes at ng dating Air Force middle blocker na si Dell Palomata ang paglipad ng Flying Titans, 18-12, ngunit agad na bumawi si Tolentino sa atake, 22-14. Tuluyan namang tinapos ni Regine Arocha ng Choco Mucho ang unang set sa pagbitaw ng matinik na atake, 25-17.
Sinimulan ni Reyes mula sa Lady Realtors ang ikalawang yugto sa kaniyang malakas na atake, 0-1. Ipinagpatuloy naman ni Phillips ang momentum ng Lady Realtors nang pumukol siya ng dalawang magkasunod na puntos para sa koponan, 0-3. Sa kabila nito, hindi naman nagpatalo si Tolentino ng Flying Titans laban sa Lady Realtors nang ipinamalas niya ang kaniyang mabilis na opensa, 2-7.
Hindi naman hinayaan ni Sabete ng Lady Realtors na makalagpas ang mga atake ni Tolentino sa tulong ng kaniyang malalakas na block, 6-9. Bumawi naman ng puntos si Maddie Madayag ng Flying Titans sa tulong ng kaniyang signature running attack, 9-10.
Patuloy ang pagtatag ng malalakas na depensa ng Realtors, 15-18. Hindi naman natinag si Madayag ng Flying Titans at patuloy siyang pumukol ng dalawang puntos para sa koponan, 18-all. Mabibigat ang mga sumunod na atake na binitawan ng Flying Titans na pinangunahan ni Tolentino, 19-20. Sa kabila nito, nabigong pahintuin ni Phillips ang momentum ng Flying Titans nang nagkaroon siya ng sunod-sunod na errors, 25-22.
Sa pagsisimula ng ikatlong at huling yugto ng laro, agad na nagpakawala ng matitinik na atake sina Arocha at De Leon para maiangat ang kalamangan ng Choco Mucho, 7-2. Hindi naman nagpahuli si Palomata at agad niyang pinalapit ang iskor ng Lady Realtors sa Flying Titans, 8-5. Agad din naman dinagdagan ng sparkplug ng Lady Realtors na si Prado ang iskor ng koponan nang umukit ng dalawang sunod na atake para makahabol ang Sta. Lucia, 9-7.
Sa kabila ng tuloy-tuloy na pagpuntos ng Flying Titans, hindi nagpatinag ang opensa ni Reyes kaya napalapit ang Sta. Lucia sa tala ng Choco Mucho, 17-12. Naibaba man sa tatlo ang lamang ng Choco Mucho, hindi pa rin napigilan ng Lady Realtors ang bagsik ni De Leon sa gitna at tuluyan nang tinapos ang sagupaan, 25-20.
Susubukan ng Choco Mucho Flying Titans na makapagpundar ng winning streak sa kanilang paghaharap kontra Perlas Spikers sa darating na Linggo, Hulyo 25. Samantala, makikipaglaban muli ang Sta. Lucia Lady Realtors upang makabalik sa winning column kontra sa Black Mamba-Philippine Army Lady Troopers sa darating na Lunes, Hulyo 26.