TINALAKAY ng University Student Government – Judiciary Department (USG-JD) ang mga rebisyon sa USG Constitution sa isang webinar, Hulyo 16. Matatandaang inaprubahan ng 91.45% ng mga estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang plebisitong nagsusulong ng mga pagbabago sa nasabing konstitusyon noong unang termino ng kasalukuyang akademikong taon.
Ipinahayag ni Chief Magistrate Jericho Jude Quiro na mananatili lamang na nasa papel ang USG Constitution kung walang magtataguyod nito kaya mahalagang maunawaan ng mga Lasalyano ang nilalaman nito. “If the Constitution is a document ratified by the People, then who better to execute it and uphold it than you, the People,” pagpapaalala niya.
“De La Salle University, just like how our USG officers have a responsibility to you, you, as the source of the powers of the USG, have the responsibility that the very charter you approved is upheld,” pagbibigay-diin pa ni Quiro.
Kabuluhan ng konstitusyon
Pinangunahan ni Inspector General Elijah Gabriel Flores ng Counsel Officers’ Committee ang pagpapaliwanag sa inenmiyendahang USG Constitution. Inilahad niya ang layunin ng konstitusyon na isalamin ang pamumunong ninanais ng mga Lasalyano at italaga ang mga tungkulin ng iba’t ibang sangay ng USG.
Binigyang-diin ni Flores ang pananaig ng nasabing konstitusyon sa mga itinataguyod na panukala at polisiya sa DLSU, pati na rin ang kahalagahan ng pagsunod sa mga prinsipyo nito. “The Constitution is the basic and paramount law to which all other laws must conform and to which all persons. . . must defer,” paglalahad niya.
Ipinaliwanag ni Flores ang katangian ng USG Constitution bilang isang saligang batas na nakabatay sa pagsang-ayon ng mga Lasalyano. Binanggit din niyang ito ang sanhi ng hindi pagkakaroon ng rebisyon sa USG Constitution simula nang itaguyod ito noong 2009 sapagkat hindi sumasang-ayon dito ang karamihan ng mga Lasalyano noon.
Matatandaan ding inilunsad ng USG ang Project Refocus noong 2014 na layong irebisa ang 2009 Constitution. Subalit, hindi ito sinuportahan ng karamihan sa mga Lasalyano sa naganap na plebisito para dito kaya hindi naisakatuparan ang mga panukalang rebisyon nito. “[It is] enacted by a conscious and deliberate effort by a constitutional body. . . [and] embodies ‘yung consensus ng sambayanan,” pagbibigay-diin ni Flores patungkol sa katangian ng USG Constitution na sumalamin sa kagustuhan ng mga estudyante.
Napapanahong pagbabago
Tinalakay naman ni Neal Kyle Gonzalez, dating Minority Floor Leader ng Legislative Assembly (LA), ang mga pagbabago sa USG Constitution. Ipinahayag niya ang kahalagahan ng mga rebisyon dito, partikular na ang pagsasama ng Laguna Campus Student Government (LCSG) sa saklaw ng konstitusyon. “We integrated LCSG na as part of the main Constitution. Dati kasi nakalagay sila sa Supplementary Guidelines. . . It’s One La Salle,” paglalahad niya.
Ibinahagi rin ni Gonzalez ang napapanahong pagbabago sa Bill of Rights na nakapaloob sa USG Constitution, partikular na ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga estudyante na panagutin ang kanilang mga lider sa panahong mawalan sila ng tiwala sa kanila o lumabag sila sa konstitusyon, sa pamamagitan ng recall at impeachment. Binanggit din niya ang pagsasama ng Code of Conduct sa konstitusyon upang mapagtibay ito.
Nagkaroon naman ng mga pagbabago sa ilang posisyon sa USG, gaya ng pagpalit sa pangalan ng Batch Student Government bilang Batch Government. Magiging batch o campus legislator naman ang tawag sa posisyon ngayon ng mga LA representative. Ipinaliwanag ni Gonzales na isa ito sa mga hakbang ng USG upang mas madaling maintindihan ng mga Lasalyano ang tunay na saklaw ng trabaho ng kanilang mga kinatawan.
Iniulat din ni Gonzalez ang pagrereporma sa USG-JD, partikular na ang pagkakaroon ng deputy chief magistrate at isa hanggang pitong magistrate na hahalili sa Chief Magistrate sa kaniyang tungkuling panghudikatura. Nilinaw rin sa bagong konstitusyon na mga magistrate lang ang makapagsasabi ng mga kwalipikasyon para sa magiging counsel officer, habang LA naman ang mag-aatas ng mga kwalipikasyon upang maging magistrate.
Binanggit din ni Gonzalez ang pagpapadali sa proseso ng pagiging commissioner ng Commission on Elections (COMELEC) at Commission on Audit (COA). Inilahad niyang mga batch at campus legislator na ang magtatalaga sa kanila, sa halip na College Legislative Board. Kaugnay nito, hindi na rin kakailanganin ang kumpirmasyon mula sa USG-JD. Isang taon bilang COA commissioner na lang din ang kailangan para maging COA chair kompara sa kinakailangan dating isang taong karanasan bilang awditor sa Office of the Treasurer.
Hinaharap ng USG
Ipinahayag naman ni dating Chief Legislator at kasalukuyang Vice President for Internal Affairs Jaime Pastor na magsisilbing malaking hakbang ang rebisyon sa USG Constitution patungo sa mas inklusibong Pamantasan. Kasama na rito ang pagkakaroon ng isang magistrate mula sa LCSG, pagbuo ng sariling Legislative Board para sa kampus ng Laguna, at pagiging bahagi ng LCSG President sa USG Executive Committee. “It paves way for inclusivity of La Salle campuses,” paglalahad niya.
Binigyang-diin din ni Pastor ang patuloy na paglinang sa kakayahan ng mga opisyal ng USG sa pamamagitan ng pagbuo ng Commission for Office Development na maglulunsad ng mga kursong pagsasanay para sa kanila. “[This] will ensure efficiency and [effectiveness] of USG officers in fulfilling their roles,” pagpapaliwanag niya.
Inaasahan naman ni Pastor na magiging mas transparent ang USG sa pagbabalik ng Office of the Ombudsman na magsusulong ng mga imbestigasyon sa mga yunit ng USG at magtitiyak na walang katiwaliang magaganap dito. Matatandaang nawala ang Ombudsman nang tanggalin ito sa 2009 USG Constitution. Binanggit din ni Flores na Counsel Officers’ Committee of the USG-JD ang tanging nag-iimbestiga para sa mga kasalukuyang kaso sa USG.
Tinalakay rin ni Pastor na magiging autonomous na ang Council of Student Organizations at makikipagtulungan pa lalo ang USG kasama sila. Gagamitin din ng mga opisyal ng USG ang Convention of Leaders upang matugunan ang mga napapanahong usapin sa bansa at sa pamayanang Lasalyano.
Ibinahagi naman ni Deputy Chief Magistrate John Andre Miranda sa kaniyang pangwakas na pananalita na mahalagang malaman ang mga nilalaman ng konstitusyon sapagkat ito ang batayan ng tamang pamumuno sa Pamantasan. “The Constitution is a contract between the people and the government, with the people saying this is how we want to be governed. . . This is how we want to be governed, the USG Constitution.”
Ipatutupad ang mga pagbabago sa USG Constitution sa unang termino ng akademikong taon 2021-2022.