ISINAPUBLIKO ng Office of the President (OPRES) ng University Student Government (USG) ang Student Report na naglalaman ng mga pahayag at panawagan ng mga estudyanteng lider sa Pamantasang De La Salle (DLSU) ukol sa mga kalakasan, kahinaan, tagumpay, at kinahaharap na suliranin ng iba’t ibang sektor pangmag-aaral, Hulyo 16.
Nagmula ang datos sa kaunaunahang Convention of Leaders (COLE) na may temang The Future of Lasallian Student Leadership na idinaos noong Mayo 22. Nagbigay din ng ilang mungkahi ukol sa pagpapabuti ng serbisyo at pamamalakad ang mga presidente ng mga organisasyon mula sa Council of Student Organizations, Culture and Arts Office, at Student Media Office, pati ang ilang kinatawan mula sa college governments, Legislative Assembly, Judiciary Department, at Constitutional Commissions.
Sa tulong nito, umaasa ang OPRES na maipagpatuloy ang dedikasyon at pagsisikap ng mga Lasalyano tungo sa pagkamit ng ligtas at para sa lahat na sistema ng edukasyon. Kabilang din ito sa unang bahagi ng pagpapatupad ng Education Recovery Plan.
Nahati naman sa limang tema ang naturang report. Isinalaysay ng mga estudyanteng lider ang kanilang mga pananaw at rekomendasyon sa mga usaping pang-akademiya, kalusugang pangkaisipan, hamon sa mga organisasyon, pati na rin ang mga nakamit nilang tagumpay at naranasang pagbabago sa kabila ng pandemya.
Unang tinalakay sa Student Report ang gawaing pang-akademiya. Ipinahayag ng mga estudyanteng lider sa COLE na nahihirapan silang isabay ito sa mga gawaing bahay at aktibidad sa mga organisasyon.
Pagbabahagi nila, ilan sa mga dahilan nito ang bigat at dami ng gawaing pang-akademiya, pati na rin ang pag-angkop sa 7.5 oras na kahingian para sa bawat asignatura kada linggo, alinsunod sa syllabi. Bunsod nito, nanawagan ang OPRES para sa mas maayos na pagpapatupad ng independent learning week (ILW) na kadalasang isinasagawa tuwing ikaanim at ikalabindalawang linggo kada termino.
Bukod pa rito, idinaing din ng mga estudyanteng lider ang kakulangan sa akses sa mga kagamitan at pasilidad ng Pamantasan na lubusang nakaaapekto sa mga klaseng panglaboratoryo. Nalilimitahan ang kakayahan ng mga estudyante dahil sa mga simulation software na lamang isinasagawa ang ilang aktibidad.
Iminungkahi naman ng OPRES ang pagpapabuti pa sa sistema ng laboratory classes at paglalangkap ng contingency plan sa syllabi.
Isinulong din sa COLE ang pagpapahalaga sa kalusugang pangkaisipan. Binanggit dito ang paggamit sa ILW bilang mental health break at hindi lamang para sa paggawa ng mga rekisito sa klase.
Kaugnay nito, iniulat ng mga estudyanteng lider ang paglala ng estado ng mental health ng mga estudyante. Ilan sa mga kaso nito ang collective burnout at fatigue, poor morale, at low organization drive. Giit ng OPRES, “This implies a reminder that policies must heavily consider mental health and wellness of students as a main concern.”
Tinukoy din sa Student Report ang mga hamong kinahaharap ng mga organisasyon sa DLSU, tulad na lamang ng pagbabago ng mga proseso, paghahanap ng mga katuwang na organisasyon, at pagkakansela ng mga gawain o aktibidad. “This [led] to a lack of variety in org activities [and] heavy dependence of student-led projects in the backend side of processing papers which ultimately resulted in huge delays,” saad ng OPRES.
Sa kabila nito, binigyang-pansin din sa COLE ang tagumpay ng mga organisasyon sa kabila ng mga pagbabagong dulot ng online setting. Ayon sa Student Report, kinilala ng OPRES ang mga miyembro ng iba’t ibang organisasyon bilang pundasyon ng mga organisasyon. Anila, nagawa nilang maipagpatuloy ang pakikisalamuha sa pamamagitan ng mga online na plataporma, gaya ng Discord.
Umangat din mula sa naging pagpupulong ang pagiging daan ng pandemya sa muling pagbibigay-buhay at pagtataguyod ng “org culture,” pati na rin sa paglinang sa kakayahang umangkop ng mga organisasyon at miyembro nito sa kabila ng online setup. Binanggit din nila ang ilang inisyatiba ng mga organisasyon ukol sa pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.
Patuloy namang umaasa ang mga estudyanteng lider sa pagbabago ng mga proseso, sakali mang magbalik sa hybrid classes. Sa ngayon, sumasandig sila sa hangaring magkaroon ng pangmatagalang alintuntunin sa usaping pang-akademiya at gawaing pang-organisasyon ngayong online setup.
Mababasa ang komprehensibong Student Report sa https://tinyurl.com/USGStudentReport