IPINALASAP ng Creamline Cool Smashers sa Sta. Lucia Lady Realtors ang gilas ng isang defending champion matapos patumbahin ang katunggali sa loob ng apat na set, 25-18, 25-20, 25-27, 25-18, sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference, Hulyo 17, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Bitbit ang inspirasyong maiuwi muli ang kampeonato, agad na nagpakitang-gilas ang Cool Smasher na si Michele Gumabao nang magsalaksak ng umaatikabong 21 attack, 15 excellent dig, isang block, at dalawang service ace na naging mahalaga sa pag-araro ng CCS sa buong tunggalian. Nagsilbing kasangga ni Gumabao ang Phenom na si Alyssa Valdez matapos makapagtala ng 17 spike at tatlong block.
Pinahirapan naman ng best scorer ng Lady Realtors na si MJ Phillips ang Cool Smashers matapos makalikom ng 14 na spike, 13 excellent dig, limang block, at isang service ace. Pinaramdam din ng beteranong atleta na si Aiza Maizo-Pontillas ang bagsik ng kaniyang laro matapos pumundar ng siyam na spike at dalawang service ace.
Naging madikit ang sagupaan ng Cool Smashers at Lady Realtors sa pagbubukas ng laro nang magpalitan ng malalakas na atake ang dalawang koponan, 2-2. Nadagdagan naman ang puntos ng Lady Realtors nang magpakawala ng malakas na spike ang outside hitter na si Jonah Sabete, 3-5.
Sa kabila nito, hindi hinayaan ng defending champion na makalamang ang katunggali kaya agad na nag-init ang mga kamay ng middle blocker na si Jeanette Panaga at umatake ng magkasunod na tira sa gitna, 7-6.
Naging bentahe para sa Cool Smashers ang pagkakaroon ng magandang komunikasyon at magandang reception upang ipagpatuloy ang kanilang kalamangan, 9-7. Gayunpaman, nakahanap muli ng pagkakataon ang Lady Realtors na pagdikitin ang puntos nang magkaroon ng magkakasunod na atake si Sabete, 14-13.
Nagkaroon ng anim na puntos na kalamangan ang Cool Smashers nang pumalya ang mga atake at diskarte ng kalaban, 20-14. Pinutol naman ni Sabete ang 6-point streak ng Cool Smashers nang magpakawala ito ng malakas na spike. Agad namang bumawi si Valdez sa pamamagitan ng kaniyang mabilis na spike, 21-15. Nagtapos ang unang yugto ng laro pabor sa defending champion, 25-18.
Gising at makisig na kampanya ang agarang ipinakita ng Cool Smashers sa simula ng ikalawang yugto. Kumana agad ng 4-0 run ang tropa ng Creamline mula sa tambalang Valdez at Jia Morado na nagpakawala ng isang outside hit at dalawang service ace ayon sa pagkakabanggit.
Nagsimula namang uminit ang kamay ni Lady Realtors lefty Pontillas nang kumana ito ng tatlong sunod na puntos na ambag upang higpitan ang kapit ng Sta. Lucia. Agad din itong nasundan ng kanilang opposite hitter na si Phillips at setter na si Rubie De Leon tangan ang isang hulog at dalawang sipat na nagwakas sa bentahe ng Cool Smashers, 6-all.
Sa kabila ng dikit na laban, pinangunahan pa rin ni Valdez ang bentahe ng Cool Smashers kasabay ang pinainit na koneksyon nina Morado at Risa Sato sa unahan na nagtala ng tig-tatlong puntos. Samantala, tanging si Phillips lamang ang nagmando para sa Lady Realtors upang mapako ang koponan sa tatlong puntos, 19-16.
Saglitang naibalik ng tropa ni Coach Eddieson Orcullo ang laro sa kanilang panig matapos ang timeout sa pamamagitan ng paghugot kay Glaudine Troncoso na nakapaghulog ng isang service ace, 22-20. Gayunpaman, hindi na muli pinasagot ng Cool Smashers ang luntiang bahagi ng kort at tuluyang sinelyuhan ang laro mula sa kaliwa’t kanang kumpas nina Gumabao at Jema Galanza, kasabay ang payong ni Panaga sa gitna, 25-20.
Natamasa ng Cool Smashers ang maagang kagalakan matapos makamit ang magkakasunod na puntos sa pagbubukas ng ikatlong yugto ng kompetisyon, 4-0, mula sa umaatikabong tirada ng Gumabao-Valdez tandem. Sa kabila nito, sinubukang baliin ng Lady Realtor main gun Phillips ang talaan ng defending champion, 5-1, ngunit hindi ito naging sapat upang supilin ang nagbabagang opensa at matibay na depensa ni Gumabao, 11-3.
Nagsilbing motibasyon ang sunod-sunod na pagpuntos ng Cool Smashers upang kumuha ng panibagong sandata sa katauhan ni Jovie Prado, 14-11. Gayunpaman, pinatahimik ng Creamline scoring machine na si Galanza ang kampanya ng kabilang panig mula sa kaniyang malakuryenteng cross court shot, 18-14. Sanib-puwersang umarangkada ang Cool Smashers matapos pumukol ng magkakasunod na atake, 21-19, na sinunggaban ng makapanindig-balahibong paghihiganti ng tambalang Phillips-Pontillas, 27-25, pabor sa Lady Realtors.
Muling ipinamalas ng Cool Smashers ang kanilang liksi nang palakihin nila ang abante ng kanilang puntos sa pagbubukas ng ikaapat na yugto ng laro, 6-4. Hindi naman ibinaba ng Lady Realtors ang kanilang kumpiyansa at patuloy na hinabol ang kalamangan ng katunggali, 7-5. Bunsod nito, mas pinainit ni Valdez ang kaniyang opensa ngunit alerto si Phillips upang depensahan ang mga ito, 9-7.
Nangalahati ang abante ng puntos ng defending champion nang magpatuloy ang maaksyong tambalan nina Gumabao at Valdez, 18-9. Muli namang nagpakitang-gilas ang Lady Realtors nang ipakita ang aktibong tandem nila Phillips, De Leon, at Prado, 20-12. Gayunpaman, patuloy ang lakas na binibitawan ni Gumabao, dahilan upang magkaroon ng magkakasunod na puntos ang Cool Smashers, 24-17.
Sinubukang depensahan ng Lady Realtors ang nag-aalab na puwersa ng kalaban ngunit hindi ito naging sapat upang mapasakamay nila ang ikaapat na yugto. Nagtapos ang sagupaan pabor sa Creamline Cool Smashers, 25-18.
Bilang paghahanda sa naturang kompetisyon, pinaniniwalaan ng dating atletang Lasalyano na si Gumabao na pinaghirapan niya ang panunumbalik ng kaniyang lakas at liksi noong wala pang pandemya. “We’ve been training for the past two months and this is the time na ibigay namin ang lahat and to make all the sacrifices worth it,” pagwawakas ng player of the game sa kaniyang post-game interview.
Kasalukuyang nangunguna sa standings ang Creamline tangan ang 1-0 kartada kasama ang Chery Tiggo. Muling sasabak ang Cool Smashers kontra sa Petro Gazz Angles sa Hulyo 20, sa ganap na ika-4 ng hapon. Susubukan naman ng Lady Realtors na makasungkit ng unang panalo kontra PLDT Power Hitters sa darating na Lunes, Hulyo 19, sa ganap na ika-3 ng hapon.