ITINATAG ang panukalang enmiyendahan ang Online Election Code (OEC) sa sesyon ng Legislative Assembly, Hulyo 16. Katuwang ng LA ang Commission on Elections (COMELEC) ng Pamantasang De La Salle sa pagtitiyak na angkop ang mga pang-eleksyong proseso sa mga konsiderasyon sa ilalim ng kontekstong online. Bukod dito, nagsilbing sanggunian ang resulta ng Post-Makeup Elections Survey na inilabas ng LA ngayong buwan.
Karagdagang mga probisyon at konsiderasyon
Nagsilbing tagapagtaguyod sina Sophia Beltrano, BLAZE2021; Ashley Francisco, FAST2020; Aeneas Hernandez, EXCEL2022; at Javier Pascual, kinatawan ng Laguna Campus Student Government (LCSG) sa mga pagbabago sa OEC. Tumayong may-akda rin sa panukalang pagsasaayos sa kasalukuyang OEC sina John Christian Ababan, dating COMELEC Chairperson, at Ram Vincent Magsalin, kasalukuyang COMELEC Chairperson.
Tinalakay sa sesyon ang karagdagang probisyon sa ilalim ng Article II, Commission on Elections, partikular na ang pagtukoy sa oras pang-opisina at online na impormasyon ng COMELEC. Ayon kay Beltrano, layon nitong maitalaga ang moda ng pakikipag-ugnayan sa naturang opisina.
Kinuwestiyon ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, ang isasaalang-alang na pamantayan ng COMELEC upang makapagtrabaho sa labas ng oras sa opisina. Nilinaw naman ni Ababan na pahihintulutan ang mga ito sa ilalim ng diskresyon ng COMELEC, “We could entertain until 8 to 9PM, [the] specific time, I would leave it up to the COMELEC board,” pagtugon niya.
Bahagi rin ng mga karagdagang probisyon ang paggamit ng COMELEC ng document tracker system upang masubaybayan at maihatid sa mga kalahok na partido ang katayuan ng kanilang ipinasang mga dokumento.
Kinilala rin sa OEC ang mga posisyong maaaring ihalal ng mga Lasalyano sa kampus ng Laguna. Ayon kay Pascual, kabilang dito ang posisyon ng campus president, secretary, treasurer, at legislators na kumakatawan sa LCSG.
Itinakda naman ang hanggang tatlong araw na palugit sa pagboto, sa pagkakataong wala pang bisa ang resulta ng eleksyon o magkaroon ng mga isyung teknikal. Kaugnay nito, itinalaga ring bukas ang automated voting system nang 24 na oras hanggang sa huling araw ng eleksyon.
Itinaas naman ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang probisyon hinggil sa 24 na oras na pagbubukas sa automated voting system. Tiniyak ni Ababan na kabilang sa probisyon ang pagtatalaga ng isang tagapamahala sa voting dashboard sa kabuuan ng botohan, “A precautionary measure if there might be interference in the voting system if we open [it] for 24 hours,” pagsasaad niya.
Binigyang-pansin ni Astrid Rico, 74TH ENG, ang pagbibigay ng tatlong araw na palugit at mga susunding pamantayan ng COMELEC upang pahintulutan ito. Inilahad ni Ababan ang isyu sa log-in credentials ng mga estudyante bilang instansiya na maaaring magdulot ng pagkaantala sa pagboto. Kaugnay nito, iminungkahi ni Rico na bumuo ng bukod na probisyong tutugon sa mga ikokonsiderang pamantayan sa pagbibigay ng naturang palugit.
Maliban sa mga nakasaad na panuntunan sa student handbook ukol sa mga paglabag sa eleksyon, kinilala rin sa OEC ang iba pang mga paglabag na maaaring kasangkutan ng mga kandidato. Isa na rito ang pangangampanya sa pamamagitan ng mga online learning platform nang walang pahintulot ng tagapangasiwang propesor.
Hinimok naman ni Ignacio na magtakda rin ng probisyong tutugon sa mga kaso ng voter’s harassment, at tiniyak ni Ababan na kabilang na ito sa ilalim ng rules of court na inaprubahan na noong nakaraang eleksyon.
Sa botong 21 for, 0 against, at 0 abstain, isinapinal ang pagrebisa sa OEC bilang paghahanda sa susunod na eleksyong isasagawa online.
Iba pang kaganapan sa LA
Binigyang-pagkakataon naman ni Giorgina Escoto, Chief Legislator, ang mga bumubuong komite sa LA na ihayag ang katayuan ng mga kasalukuyan nilang proyekto.
Unang ibinahagi ni Kali Anonuevo, CATCH2T24, ang paghahanda ng komite ng National Affairs (NATAFF) para sa mga darating nilang proyekto, kabilang ang Eco Week 2021 na inaprubahan na sa kasalukuyan. Maliban dito, plano rin ng komite na makapaglatag ng proklamasyong nakatuon sa mga isyung pambansa.
Tinalakay naman ni Rico ang pagsusulong ng komite ng Students Rights and Welfare (STRAW) sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) policy nito. Ipinaalam niyang sumailalim sa mahahalagang pagbabago ang panukala at kasalukuyan pang isinasaayos ang kabuuang polisiya. Maliban dito, inaasahan din ng komite na maipapasa sa susunod na linggo ang panukala nito hinggil sa Student Services (SS) website.
Isa pang panukala ng STRAW ang pagkilala sa pangangailangan ng mga Persons with Disability (PWD) sa Pamantasan. Binanggit ni Rico na nakikipagtulungan na sila sa Office of the Treasurer sa pagsasapinal ng gagamiting sarbey para sa naturang proyekto.
Iniulat naman ni Beltrano ang pakikipagtulungan ng komite ng Rules and Policies (RnP) kay Aeneas Hernandez, EXCEL2022, at sa Office of the Judiciary para sa pagsasaayos ng administrative code, code of conduct, at iba pang panukalang pampolisiya.
Sa huling bahagi ng sesyon, iminungkahi ni Escoto sa mga kinatawan ng LA na makipag-ugnayan sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) para sa pagpapakonsulta sa mga opisina sa Pamantasan, “Especially with the admin . . . let us consult with SLIFE as well because they would be able to help us in the consultation with the offices,” pagtatapos niya.