MASIDHING ITINUDLA ng Chery Tiggo Crossovers ang puwersa ng PLDT Power Hitters matapos mapasakamay ang kanilang unang tagumpay sa loob ng tatlong set, 25-20, 25-17, 25-6, sa kanilang kampanya sa Premier Volleyball League bubble, Hulyo 17, sa PCV Socio-Civic and Cultural Center sa Bacarra, Ilocos Norte.
Dugo’t pawis ang inialay ng Crossover scoring machine na si Dindin Santiago-Manabat matapos pangunahan ang koponan nang magsalaksak siya ng 10 attack, isang block, at apat na service ace. Naging kanang kamay naman ng player of the game ang middle blocker na si Joy Dacoron matapos hiranging second best scorer bitbit ang 13 puntos.
Para naman sa panig ng Power hitters, sinubukang lupigin nina Isa Molde at Eli Soyud ang mahigpit na net at floor defense ng katunggali. Nakalikom ng pinagsamang 15 puntos ang dalawang sandata ng PLDT mula sa kanilang spikes at service aces, na nasayang bunsod ng 20 unforced error ng koponan.
Agaw-eksena mula sa kaabang-abang na panimulang yugto ng torneo ang maagang block party ng Crossovers, 8-2, sa pangunguna nina Manabat, Mylene Paat, at Jaja Santiago kontra sa naghihingalong opensa ng PLDT. Sinubukan namang basagin ni power hitter Soyud ang malapader na depensa ng katunggali, 10-5, ngunit napasawalang-bahala ito matapos ang magkakasunod na unforced error ng kaniyang koponan, 16-11, pabor sa Chery Tiggo.
Sa kabila ng maagang kalbaryo ng Power Hitters, nakahanap ng koneksyon ang koponan mula sa katauhan nina Molde at Soyud, 19-18, na sumalanta sa ibinuong bentahe ng katunggali. Gayunpaman, tila naparalisa ang galaw ng PLDT nang muling magmintis ang kanilang mga atake. Bago pa man maagaw ang nabuong momentum, tuluyang tinapos ni Japan V-league import Santiago ang bakbakan, 25-20, mula sa kaniyang umaatikabong service ace na nagpadapa sa depensa ng Power Hitters.
Muling pinaigting ng Chery Tiggo ang kanilang depensa sa ikalawang yugto ng salpukan na gumulantang sa opensa ng PLDT. Sinamahan ni Dacoron si Santiago sa pagpayong sa mga tira ng katunggali. Sinubukang makabawi ng Power Hitters sa pagpapagana ng kanilang spikers mula sa pangunguna ng beteranong playmaker na si Rhea Dimaculangan ngunit hindi ito sumapat upang mahabol ang talaan ng katunggali. Sa huli, ipinalasap ni Crossover Arriane Layug ang abanse para sa Chery Tiggo, 25-17, mula sa kaniyang down-the-line hit.
Pinaulanan naman ng Crossovers ang pangatlong set sa isang 2-point lead, 6-4. Mistulang natigil ang momentum ng Crossovers bunsod ng isang service error na agad naman nilang nabalik galing sa malakas na tira ni Paat, 12-5. Walang humpay naman ang tirada ni Manabat mula sa service line. Nagpatuloy ang tagtuyot sa scoreboard ng PLDT nang magpaulan si Santiago ng sunod-sunod na ace. Patuloy na nilabanan ng PLDT ang depensa ng Chery Tiggo sa isang mahabang rally ngunit tinuldukan ni Dacoron ang laban sa isang mabilis na atake, 25-6.
Dumausdos man sa naturang laban, may pagkakataon pa rin ang PLDT Power Hitters na mapasakamay ang inaasam na unang panalo kontra Sta. Lucia Lady Realtors na gaganapin sa Hulyo 19. Masusubok namang muli ang katatagan ng Chery Tiggo Crossovers laban sa Cignal HD Spikers sa parehong petsa.