TINALAKAY sa DLSU COVID-19 Information Caravan ang karagdagang bakuna at sistema ng pagbabakuna para sa vaccination program ng Pamantasang De La Salle (DLSU), sa pangunguna ng head ng Vaccination Administration Task Force na si Dr. Arnel Onesimo Uy, Vice Chancellor for Administration, Hulyo 9. Bahagi ito ng Lasallians Action on the Coronavirus Threat na naglalayong makapagbigay ng karagdagang proteksyon kontra-COVID sa pamayanang Lasalyano.
Matatandaang ipinasulyap ni Uy ang mga isasaalang-alang na proseso at alituntunin sa pagbabakuna sa nagdaang DLSU COVID-19 Town Hall Session noong Hunyo 25. Mas naging detalyado naman ang talakayan nitong Hulyo 9 matapos niyang ilahad ang mga gagamiting karagdagang bakuna at ang buong proseso ng vaccination program.
Pagsuri sa bakuna
Nananatili pa rin ang karamihan sa mga nabanggit ni Uy noong Town Hall Session, tulad na lamang ng presyo ng naunang dalawang uri ng bakuna na gagamitin sa inokulasyon. Nasa P3,600 pa rin ang halaga ng Moderna bunsod ng P1,375 na presyo kada dose at P425 kada turok nito, habang P2,850 naman ang presyo ng Covovax dahil P1,000 ang kada dose at P425 kada turok nito.
Samantala, inilahad naman ni Uy na kasalukuyang nakikipagkasundo ang DLSU sa Bharat Biotech mula India para sa Covaxin. Tinatayang aabot lamang sa P2,700 ang halaga nito dahil P900 ang presyo kada dose, ngunit P450 naman ang kada turok nito.
Iniulat din ni Uy na may Emergency Use Approval na ito mula sa Food and Drug Administration. Inaasahan namang darating ang Covaxin sa katapusan ng Hulyo o sa simula ng Agosto ngayong taon.
Kaugnay nito, nakatakda namang dumating ang 1,500 doses ng Moderna mula Agosto hanggang Setyembre, habang 4,100 doses ang inaasahang dumating mula Oktubre hanggang Disyembre. Sa kabilang banda, 2,000 doses naman ng Covovax ang matatanggap ng DLSU sa Agosto.
Bukod pa rito, nakipag-ugnayan din ang DLSU sa Distribution Solutions Philippines (DistriPhil) ng FAST Logistics Group para sa pagbabakuna at pagpapasya ng gagamiting lugar para sa inokulasyon. Magagamit din ng mga Lasalyano ang Vaccine Inoculation Tracking and Logistics (VITAL) application para sa iskedyul ng bakuna at e-consultation.
Ayon kay Uy, mananatili pa rin ang AC Health bilang katuwang sa pagbabakuna dahil eksklusibo lamang para sa Covaxin ang DistriPhil. Dagdag pa niya, iminungkahi rin nilang sa DLSU Manila campus isagawa ang pagbabakuna at hinihintay na lamang nila ang kompirmasyon mula sa DistriPhil at Lungsod ng Maynila dahil kakailanganin pa nito ng ilang dokumento tulad ng permit at akreditasyon.
Paalala ni Uy, maaari pang magbago ang halaga ng mga bakuna matapos ang kumpirmasyon at pagsasapinal ng pagdating ng mga ito dahil nakikipag-ugnayan pa rin ang Pamantasan upang mabili ang mga bakuna sa pinakaabot-kayang presyo.
Proseso ng pagbabakuna
Inanunsyo naman ni Uy ang muling pagpapahintulot na magparehistro o magkansela ng pre-registration para sa unang batch, dulot ng naantalang pagdating ng mga bakunang Covovax. Banggit pa niya, maaari pa ring baguhin ang piniling bakuna. Gayunpaman, binigyang-diin niyang hindi na maaaring magkansela ng slot kapag nag-cutoff at nagsimula na ang rollout ng mga bakuna.
Susundan naman ito ng pag-iskedyul ng pagpapabakuna sa pamamagitan ng HealthNow application ng AC Health at VITAL application ng DistriPhil. Wika ni Uy, mapadadalhan ng email, na may kalakip na QR Code at health declaration survey, ang mga nagparehistro na.
Kalaunan, matatanggap na ng mga nagparehistro ang kanilang pre-scheduled slot, pati na rin ang oras at vaccination site. “You do not need to go early or fall in line for a long time, just be there prior to your scheduled vaccination slot,” giit naman ni Uy ukol sa pagtitiyak sa mas ligtas at maginhawang proseso ng pagbabakuna.
Sa araw ng pagpapabakuna, sisimulan ang proseso sa pamamagitan ng pagkumpirma sa registration at counseling. Kinakailangan din ang doctor assessment and consent para sa mga may comorbidities, gaya ng mga may allergy sa sangkap ng bakuna o mga immunocompromised, bago sila payagang magpabakuna. Matapos nito, mananatili sa holding area nang 15 hanggang 30 minuto ang nabakunahan. Wika ni Uy, gagamitin din ang mga aplikasyon sa pagpapabatid ng anomang mararanasang epekto mula sa bakuna.
Saysay ni Uy, maaaring magtakda ng iskedyul sa pagtanggap ng ikalawang dose ng bakuna sa pamamagitan ng HealthNow o VITAL application. Dagdag pa niya, nagbibigay ng paalala ang mga aplikasyon limang araw bago at isang araw bago ang itinakdang araw ng pagpapabakuna.
Pagpapalawak ng saklaw
Binalikan din ni Uy ang apat na pangkat para sa pagpapabakuna ng pamayanang Lasalyano, na pinangungunahan ng faculty at mga kawani, at sinusundan ng mga direct-hire, education support professional, independent contractor at affiliate.
Kabilang naman sa ikatlong pangkat ang mga estudyante, habang nasa ikaapat ang mga kasama sa bahay at dependents nito. Muli, ipinaalala ni Uy na magkakaroon ng hiwalay na registration site para sa ikaapat na pangkat dahil isasama lamang ito sa email ng mga nagparehistrong Lasalyano.
Samantala, ipinahayag naman ni Uy ang hangarin ng Pamantasang makatulong sa mga iskolar nito. “All scholars are subsidized by the University,” pahayag niya. Ipinaliwanag din niyang bahagi ito ng programa ng DLSU para sa pagtutustos ng kanilang mga pangangailangan.
Ibinalita rin ni Uy na magkakaroon din ng bahagyang tulong-pinansyal sa mga mangangailangan nito. “Non-scholars who may need financial assistance for the vaccination may apply to [the Lasallian Student Welfare Program],” paglalahad niya.
Iaanunsyo ang anomang update o pagbabago ukol sa vaccination program ng Pamantasan sa pamamagitan ng Help Desk Announcement email. Maaari ding i-email ang [email protected] para sa mga katanungan o bisitahin ang website na www.bit.ly/DLSUVaxProgam.