PINANGUNAHAN ng Student Aid Network ang isang pambansang pagpupulong upang talakayin at manindigan sa panawagang sampung libong ayuda at ligtas na balik-eskwela para sa mga mag-aaral, Hulyo 7. Layunin nitong mangalampag sa mga kinauukulan upang bigyan ng tamang pansin ang kasalukuyang estado ng edukasyon, mga mag-aaral, at guro sa bansa, at matugunan ang kanilang mga hinaing at pangangailangan.
Kasama sa mga dumalo ang ilang kongresista at mambabatas mula sa iba’t ibang sektor, katulad nina Kabataan Partylist Congresswoman Sarah Elago, ACT Teachers Partylist Representative France Castro, at Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite. Dumalo rin ang mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon at paaralan mula sa sangay ng kabataan. Nagpakita rin ng pakikiisa ang ilan sa mga lingkod-bayan na nagbigay ng kanilang mga sentimyento.
Pakikiisa at pangunguna para sa tamang aksyon
Nahati sa dalawang bahagi ang naturang pagpupulong. Sa pangunguna ni Rey Santos, national convenor ng Student Aid Network, ipinaliwanag sa mga dumalo ang dahilan ng pagkabuo ng Student Aid Network, ang layunin nitong pagkaisahin ang mga mag-aaral at guro upang maiparating ang panawagan para sa demokratiko at pantay na edukasyon para sa lahat, at ang mga hakbang nito upang makamtan ang malayang edukasyon.
Sa ikalawang bahagi ng pagpupulong, ipinarinig ng mga dumalo ang kanilang mga solidarity statement upang mapalakas ang panawagan ng Student Aid Network. Ilan sa mga binanggit sa pagpupulong ang problemang kinahaharap ng sektor ng edukasyon, ang pangangailangang hindi matugunan ng mga estudyante, mga mungkahi patungo sa #LigtasNaBalikEskwela, at mga paraan para makatulong sa isinusulong na #10KStudentAidNow.
Nakapaloob ang sampung libong student aid na nabanggit sa isinusulong na House Bill 9494 o Emergency Aid Relief Act na naglalayong makapagbigay ng tulong-pinansiyal at iba pang paraan ng pagtulong sa mga estudyante sa panahon ng krisis.
Dagdag na dagok dahil sa palpak na solusyon
“Ilan pa bang mga estudyante ang naghihikahos dahil sa pinansiyal na kapansanan na talamak sa ating bansa at pinatindi pa ng ating pandemya?,” pahayag ni Christine Larce, convenor ng Student Aid Network Bicol, matapos ilatag ang iba’t ibang hinaing at mapapait na karanasan na sinapit ng mga estudyante habang nag-aaral sa kasagsagan ng pandemya. Kabilang dito ang lumolobong gastusin sa load at internet connection pati na rin ang problema sa kakulangan ng pera upang makabili ng kinakailangang gadyet para makadalo sa mga klase.
Isa rin sa mga nagpahayag ng hinaing, mungkahi, at suporta, si Migs Cuangco, isang estudyante at kinatawan ng opisina ni 1st District Bataan Congresswoman Geraldine Roman. Aniya, “Tama at nararapat ‘yung student aid para sa mga estudyante dahil sa distrito namin madami ring mga mag-aaral ang apektado ng pandemya.”
Binanggit din ni Cuangco ang kakulangan sa ipinagkaloob na CHED scholarship programs sa mga mag-aaral bilang tugon sa kanilang pangangailangan. Ayon sa kaniya, kulang ito upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan sa pag-aaral kaya naman napipilitang humanap ng mga trabaho ang mga estudyante upang matustusan ang kanilang pag-aaral.
Bukod sa mga mag-aaral, nagpahayag din ng pagsuporta ang grupo ng mga gurong nirepresenta ni France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Partylist. Inilahad niya ang kawalang suporta ng gobyerno sa estado ng edukasyon ngayong pandemya. Isa rito ang hirap na dulot ng modulars at online classes hindi lamang sa mga estudyante at mga magulang kundi sa mga guro dahil sa biglaang pagbabago sa takbo ng edukasyon sa bansa. Kaugnay nito, nagpakita ng buong-buong suporta ang kaniyang kapwa guro, sa panawagang isinusulong ng Student Aid Network. “Naniniwala ako na ito na ang panahon upang ipasa ang House Bill 9494. Naniniwala rin ako na ang edukasyon ay hindi isang pribilehiyo kundi karapatang dapat natatamasa ng lahat,” paninindigan ni Jombits Quintos, propesor mula sa Unibersidad ng Pilipinas.
Nilantad ng mga dumalo sa naturang pagpupulong ang kasalukuyang dagok na kinahaharap ng sektor ng edukasyon maging ang epekto ng pandemya sa kalidad ng edukasyong natatamasa ng mga mag-aaral. Katuwang ang Student Aid Network, nanindigan din ang ilang mga lingkod-bayan, katulad nina House Deputy Speaker at Lone District of Antique Representative Loren Legarda at Sen. Leila de Lima, na hindi isang pribilehiyo ang edukasyon kundi isang karapatang dapat natatamasa ng mga mamamayan.
Higit kailanman, ngayon ang tamang panahon upang palakasin ang tinig para isulong ang dekalidad na edukasyon para sa lahat at tiyakin ang tamang pagpapatupad ng sistema ng edukasyon. Kasabay ng umiigting na krisis sa sektor, patuloy ring lumalakas ang boses upang managawan at isulong ang demokratiko, inklusibo, at pantay na edukasyon para sa lahat dahil nakaangkla ang kinabukasan ng bansa sa presensya ng kabataan. Panawagan ng Student Aid Network, tumindig para sa tama—edukasyon para sa lahat, mayaman man o mahirap.