NANINDIGAN sina Raoul Manuel, pambansang tagapagsalita ng Kabataan Partylist; Jose Monfred Sy, volunteer ng Save Our Schools Network; Cheska Kapunan, chairperson-elect ng Unibersidad ng Pilipinas-Baguio (UPB); Philip Jamilla, Public Information Officer at Media Liaison ng Karapatan Alliance Philippines; Atty. Jacqueline De Guia, kasalukuyang tagapagsalita ng Commission on Human Rights (CHR); at Kabataan Partylist Representative Sarah Elago upang buwagin ang talamak na red-tagging o pambabansag sa mga aktibista bilang terorista, sa isinagawang malayang talakayang pinamagatang Takipsilim: An Online Forum on Red-tagging na pinangunahan ng Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat), Hunyo 25.
Layunin ng talakayang itaas ang kamalayan ng mga tagapakinig at pagyamanin ang kapangyarihang hawak ng kabataan sa paglaban sa laganap na paniniil sa bansa upang maisakatuparan ang isang makatarungan at mapagpalayang lipunan.
Nakatayang buhay
Sinimulan ni Manuel ang talakayan sa pamamagitan ng paglalarawan sa mga salitang terorista at rebelde. Ipinaliwanag niyang hindi magkasingkahulugan ang mga ito dahil gumagamit ng armas ang mga rebelde habang terorista naman ang tawag sa grupo ng mga indibidwal na nais wakasan ang terorismo sa marahas na pamamaraan. Aniya, hindi tamang pangalanang terorista o rebelde ang mga progresibong grupo dahil ipinapahayag lamang nila ang kanilang saloobin ukol sa palpak na pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.
Pagdidiin ni Manuel, nagmumula sa kawalan ng kapanatagan o insecurity ang pagiging sensitibo ng pamahalaan dahil “litaw na litaw na mayroong mga bagay na hindi nagagawa o sadyang hindi ginagawa [ng gobyerno] for the welfare of the Filipino people dahil prine-preserve niya o inuuna ‘yung interest ng ruling link.” Dahil dito, nagagawa ng pamahalaang man-red-tag upang pigilang magsalita ang madla at upang mabawasan ang pagdami ng progresibong grupong pupuna sa pamahalaan.
Naniniwala naman si Manuel na hindi ang presensya ng mga progresibong grupo ang dapat problemahin ng gobyerno, sa halip, unahing solusyonan ang suliranin sa soberanya ng bansa at ang kasalukuyang pandemya.
“Kung may threat sa security ng ating bansa, hindi po ‘yun ‘yung mga grupo na nag-a-advance lamang ng mga pagbabago, pero nandyan ang incursion ng China [at] pandemic—ito ‘yung dapat pagtuunan ng pansin ng ating gobyerno instead of discrediting those people—progressive forces, who only call out negligence and incompetence of those in power,” pagpapaliwanag ni Manuel.
Nagpatuloy ang talakayan sa pagsagot ng mga tagapagsalita ng mga katanungang inihanda ng Tapat. Unang tinanong sa mga tagapagsalita ang kani-kanilang sariling depinisyon ng red-tagging. Sinagot ito ni Sy at iniangkla sa konteksto ng mga Lumad matapos ipasara, sunugin, at paulanan ng bala ang kanilang mga paaralan. Pagdidiin niya, nagiging batayan ang pagiging kritikal ng mga Lumad upang bansagan sila bilang terorista.
Sumang-ayon naman dito si Kapunan at iginiit na mapang-api at mapaniil ang kasalukuyang estado. Kaya naman, nanawagan siyang walang mali sa paglaban sa panunupil na ito. Iniugnay naman dito ni De Guia ang kaniyang sagot at tinuldukang “No one should be penalized and punished and let alone sacrifice their lives.” Mariing naniniwala si De Guia na hindi terorismo at komunismo ang pagtutol sa gobyerno.
Sa pagpapatuloy ng talakayan, ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang peligrong dulot ng red-tagging sa buhay ng isang mamamayan. Sa bahaging ito pinunto ni Jamilla na mahalaga ang pagsusumite ng protesta ukol sa red-tagging at sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Law. Aniya, mahalagang ipadala sa Department of Justice ang bawat kaso ng red-tagging upang malaman ang kinakailangang hakbang dahil makatutulong ang pagsasagawa ng legal na aksyon kapag naging biktima ng red-tagging.
Bunsod nito, ipinaalala naman ni De Guia na palaging bukas ang tanggapan ng CHR sa mga taong nangangailangan ng tulong sa pagkakataong ni-red-tag sila ng estado. Sambit niya, “. . . to the best of our ability, we do try to act on these crimes [red-tagging] . . . This is our mandate . . . red-tagging is not proper and does translate to more serious crimes.”
Pagpiglas sa gapos ng takot
Inilatag naman sa ikatlong bahagi ng talakayan ang iba’t ibang pamamaraan upang matulungan ang mga indibidwal na nakaranas at patuloy na nakararanas ng panre-red-tag. Para kay Sy, edukasyon ang isa sa mga susi upang matulungan ang mga indibidwal na biktima ng red-tagging. Iginiit niyang dapat armasan ng kaalaman ang mga sarili tungkol sa kasaysayan at sa tunay na layunin ng komunismo. Kadalasang sinasabi na isang uri ng terorismo ang komunismo, ngunit paliwanag ni Sy, ang pagkakaroon ng pantay na oportunidad at karapatan para sa lahat ang pangunahing ideolohiyang itinataguyod nito.
Binigyang-pokus naman ni Kapunan ang kaniyang mga karanasan at matagumpay na kilos na isinasagawa sa UPB. Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng student volunteers na tumutulong sa pagkalap ng iba’t ibang ebidensya laban sa iba’t ibang kaso ng red-tagging. Isinaad din ni Kapunan na malaking tulong ang simpleng pag-report sa troll groups at malisyosong Facebook accounts at pagbabahagi ng mga post ukol sa red-tagging. Sa pagtatapos ni Kapunan, binigyang-diin niyang kinakailangang magkaisa upang labanan ang pang-aabuso ng pamahalaan.
Pagbabahagi naman ni De Guia, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos at malinis na imbestigasyon sa mga kaso ng red-tagging. Kinakailangang maging mabusisi sa pagkalap ng ebidensya upang masigurong maisisiwalat ang katotohanan. Sumang-ayon din si De Guia sa pahayag ni Sy na ang edukasyon ang isa sa mga susi upang labanan ang red-tagging. Dagdag pa niya, kinakailangang makabuo ng isang kulturang sumusuporta sa karapatang-pantao at boses ng masa.
Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni Jamilla ang pagbuwag ng iba’t ibang proyekto ng gobyernong nakapokus lamang sa pagbusal sa boses ng masa. Tinalakay rin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng usaping pangkapayapaan upang maresolba ang hidwaan sa pagitan ng gobyerno at mga progresibong grupo. Para kay Jamilla, ang pagkakaroon ng matagumpay at produktibong usapan ang magiging susi upang mawakasan ang isyu ng red-tagging.
Sa kasalukuyang panahon, talamak pa rin ang kaso ng red-tagging sa ating bansa. Hindi lamang ito umiikot sa mga lider ng mga progresibong grupo, bagkus sangkot na rin ang mga indibidwal na nais lamang magpahayag ng kanilang opinyon at pagpuna sa kasalukuyang administrasyon. Nakararamdam ng takot ang mamamayan, lalo na ang kabataan, na magsalita laban sa gobyerno dahil sa agresibong pagsupil ng gobyerno sa mga kumakalaban dito, ngunit pagpapayo ni Kapunan, sa halip na makulong sa takot, gamitin ito bilang motibasyon upang magkaroon ng katatagang lumaban at pumiglas sa gapos na itinatali ng gobyerno sa nasasakupan nito.
Sa pagtatapos ng talakayan, pinaalala ni Elago sa mga ng biktima ng red-tagging na hindi sila nag-iisa. Iginiit niyang sa laban na ito, walang lugar ang mag-isa dahil magkakasama itong haharapin ng lahat upang maipakita sa gobyerno na walang mali sa pagpupuna. Bunsod nito, hinimok ni Elago ang sangay ng kabataan tangan ang layong ikintal sa isipan ng mga tagapakinig na “Nasa sa kamay natin ‘yan kung paano tayo aabante at susulong. Matitiyak natin na wala talagang maiiwan, and I have high hopes, buong-buo po ‘yung tiwala ko sa henerasyon natin na kayang-kaya na magtagumpay.”