IPINALIWANAG ni Dr. Arnel Onesimo Uy, head ng Vaccination Administration Task Force, ang mga proseso at isasaalang-alang na alituntunin sa pagpapabakuna, sa idinaos na COVID-19 Town Hall session ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Layon ng administrasyong makapagbigay ng karagdagang proteksyon sa pamayanang Lasalyano upang mapahintulutan na rin ang Pamantasan na buksan ang kampus.
Matatandaang inilunsad ng Office of the Chancellor ng DLSU ang Lasallians Action on the Coronavirus Threat noong Pebrero 2020 upang makapagtaas ng kamalayan ukol sa mga probisyon at panukala sa pananatiling malusog at ligtas sa panahon ng pandemya. Layon naman ng vaccination program ng Pamantasan na mabigyang-akses ang mga Lasalyano sa bakuna. Ani Uy, “We are offering this as a choice or option for you.”
Sistema ng pagbabakuna
Ipinabatid ni Uy na nakipag-ugnayan sila sa International Container Terminal Services-Foundation (ICTS) Consortium upang maka-order ng 5,600 doses para sa De La Salle Philippines (DLSP). Bukod pa rito, makatatanggap din ang DLSU ng 2,000 doses ng Covovax mula sa Faberco-Unilab, at maaari din silang makakuha ng karagdagang doses sakali mang kailanganin ito.
Wika ni Uy, nakatakdang dumating ngayong Hunyo 27 ang unang bahagi ng Moderna na maglalaman ng 55,000 doses, at sa Hulyo naman darating ang ikalawang bahagi nito na may 55,000 doses din. Sa kabilang banda, inaasahan namang darating sa katapusan ng Hulyo o sa simula ng Agosto ang Covovax.
Inilahad din ni Uy na katuwang nila ang AC Health sa pagbabakuna at sila rin ang nagkakalkula ng magiging presyo ng bakuna at magtatakda ng iskedyul ng pagbabakuna. Magagamit din ng mga Lasalyano ang COVIDShield program at HealthNow application para sa e-consultation kaugnay ng pagbabakuna.
Sa kasalukuyan, may 24 na site ang kompanya at isasagawa ito sa mga lugar na malapit sa mga paaralan ng DLSP. Subalit, nakabatay pa rin sa bilang ng i-oorder na bakuna ang katiyakan ng paggamit sa bawat site.
Inilahad din ni Uy ang magiging presyo ng dalawang uri ng bakuna. Aniya, tinatayang aabot sa P3,600 ang halaga ng Moderna dahil P1,375 ang presyo kada dose, at P425 naman kada turok. Samantala, P2,850 naman ang halaga ng Covovax dahil sa P1,000 kada dose, at P425 kada turok. Nilinaw naman niyang maaari pang magbago ang halaga nito.
Higit pa rito, ipinabatid din ni Uy na Covovax lamang ang magagamit sa unang dalawang batch ng mga babakunahan. Magkakaroon din ng hiwalay na billing ang pagbabayad para sa bakuna at nilinaw din niyang mauuna ang pagbabayad bago ang pagpapabakuna.
Benepisyaryo ng bakuna
Hinati naman sa apat na pangkat ang pamayanang Lasalyano para sa pagbabakuna. Saad ni Uy, kabilang sa unang pangkat ang faculty at mga kawani, habang nasa ikalawang pangkat naman ang mga education support professional, direct-hire, independent contractor at affiliate. Samantala, nasa ikatlong pangkat naman ang mga estudyante.
Nilinaw din ni Uy na kinakailangang nasa edad 18 pataas ang mga babakunahan, alinsunod sa mandato ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng Department of Health. Kaugnay nito, gagawin ding rekisito ang parental consent upang makatiyak.
Kabilang naman sa ikaapat na pangkat ang mga kasama sa bahay at dependents ng mga Lasalyano, alinsunod sa mungkahi ng mga estudyante sa isinagawang sarbey noong nakaraang Marso. Ipinaliwanag din ni Uy na hiwalay ang registration site ng huling pangkat dahil ipadadala lamang ito sa mga nagparehistrong Lasalyano.
Tiniyak din niyang masusunod pa rin ang mandato ng IATF sa pagkakasunod-sunod ng mga babakunahan, ngunit magkakaroon pa rin ng internal prioritization. Isang halimbawa rito ang pagpapahalaga sa mga malapit nang magsitapos na estudyante, magsasagawa ng kanilang tesis, at mangangailangang gumamit ng laboratoryo.
Proseso ng pagbabakuna
Ipinarating din ni Uy na may limang hakbang sa pagpapabakuna: ang pagdedesisyon, pagpaparehistro, pagpapaiskedyul, pagpapabakuna, at post-vaccination. Subalit, binigyang-tuon lamang niya ang unang dalawang hakbang sa proseso ng pagpapabakuna.
Hinimok ni Uy ang mga estudyante na pag-isipan munang mabuti ang desisyon bago magparehistro. Binanggit din niyang hahatiin sa bawat batch ang mga magpaparehistro upang maisapinal ang bilang ng mga bakuna kada batch. Aniya, magkakaroon ng isang batch kada dalawang linggo.
Kaugnay nito, iminungkahi rin niyang i-kansela muna ang pre-registration sakali mang hindi pa sigurado ang estudyante sa pagpapabakuna sa unang batch. Ani Uy, iisang pre-registration link lamang ang ginagamit para sa pagpaparehistro kaya maaaring i-edit ang naging tugon sa nasagutang pre-registration form bago sumapit ang ika-6 ng gabi bukas, Hunyo 28.
Dagdag pa niya, mabibigyan ng kompirmasyon ang mga kasunod na batch matapos maibigay ng ICTS ang nakatakdang araw ng pagdating ng bakuna.
Iaanunsyo naman ang anomang update at pagbabago sa pamamagitan ng mga Help Desk Announcement e-mail.