PINASINAYAAN ng UP Broadcasters’ Guild ang kanilang kaunaunahang birtuwal na anniversary week na may temang Resonate, upang talakayin ang mga suliraning kinahaharap ng mga ordinaryong Pilipino ngayong may pandemya, mula Mayo 7 hanggang Hulyo 3.
Bilang selebrasyon sa ika-22 taon sa serbisyo, inilunsad ng UP Broadcasters’ Guild ang iba’t ibang aktibidad tulad ng online fundraiser para sa mga jeepney driver mula sa UP Diliman at online na talakayan kasama ang mga media expert bilang tagapagsalita rito. Layon nitong mapalalim ang kamalayan ng mga kalahok sa mga usaping panlipunan tulad ng sistemang pangkalusugan, ABS-CBN shutdown, redtagging, remote learning, at kontraktuwalisasyon.
Pinangunahan ng executive committee ng UP Broadcaster’s Guild ang kanilang birtuwal na anniversary week upang masigurong maayos ang daloy ng mga programa. Kabilang sa komiteng ito sina Giland Lim, Matt Vesilino, Bianca Calma, Isabella Que, Jaime Alegre, Coreen Carsula, at Corina Medina. Kapit-bisig namang itinatag nina Medina, Jana Aguilar, Jomel Paguian, Gia Pineda, Ella Laguna, Lia Reblora, at Jerome Agustin ang bawat aktibidad sa Resonate bilang mga tagapamahala ng proyekto.
Pagpapalawak ng kaalamang panlipunan
Pinalakas ng programang Resonate ang boses ng masa matapos itampok ang kuwento ng buhay ng mga manggagawa sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Inilapat ng UP Broadcasters’ Guild ang kuwento sa pamamagitan ng komiks at ibinahagi ang mga larawan sa kanilang Facebook page.
Ibinida rin nila sa online exhibit ang isang batang nagngangalang Tantan na kasalukuyang tinitimbang ang nais niyang tahakin na propesyon sa hinaharap. Kabilang sa mga pinagpipilian ni Tantan ang pagiging manggagamot, guro, magsasaka, manggagawa sa pabrika, o isang tagapamahayag. Nag-iwan ng isang malaking hamon ang UP Broadcasters’ Guild sa mga mambabasa nang ipinakita nilang nag-aalinlangan si Tantan mangarap dahil sa sistemang nagpapahirap sa tulad niyang pangkaraniwang mamamayan ng bansa.
Bukod pa rito, bahagi rin ng kanilang programa ang napapanahong #MEDfluencer: An Online Discussion with Science and Health Experts in Media. Ibinahagi ng naturang programa ang mga paraan upang masuri nang mabuti ang impormasyon at maihatid nang tama ang mga balita sa kabila ng pagsubok ng pandemya. Kabilang sa mga nagbahagi ng kanilang kaalaman sila Dr. Gia Sison, Dr. Irish Isip-Tan, Dr. Dexter Macalintal, at Dr. Junjie Arapan.
Isa sa mga rason na humikayat sa pagpasok nina Arapan at Macalintal sa mundo ng paggawa ng YouTube vlogs at TikTok contents ang nakaaalarmang pagkalat ng maling impormasyon. “Nakikita ko ang daming misformation eh. Ito lang ang kainin mo tapos papayat ka na tapos healthy raw pero hindi naman. Weight loss is not about losing the weight but it is about losing what you do not want to have in it,” dagdag ni Macalintal sa mga halimbawa ng misinformation na kaniyang nakikita sa social media.
Paghatid ng tulong sa UP TSUPERheroes
Ibinida rin ng UP Broadcasters’ Guild ang mga jeepney driver na namamasada sa loob ng unibersidad sa pamamagitan ng paglulunsad ng inisyatibang BAYAD PO!: Paghahatid tulong sa ating UP TSUPERheroes bilang bahagi ng mga aktibidad. Binigyang-daan nito ang pagmumulat sa mga kalahok tungkol sa buhay ng mga tsuper ng Unibersidad ng Pilipinas sa panahon ng pandemya.
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Lim, presidente ng UP Broadcasters’ Guild, ipinabatid niyang nakasentro ang UP Broadcasters’ Guild sa pagpapaunlad at pagtulong sa mga komunidad sa paligid nito. Matapos ang ilang deliberasyon, napagdesisyunan ng kanilang organisasyong pumili ng grupo mula sa loob ng kanilang unibersidad bilang benepisyaryo ng kanilang inisyatiba. “We were considering ‘yung mga tindero ng UP, also the drivers, security guards kinonsider namin. And in the end, the org voted na we would like to help the jeepney drivers on this,” aniya.
Kaugnay nito, nagsagawa ng merch line at donation drive ang organisasyon para sa UP TSUPERheroes. Ipinaalam din ng UP Broadcasters’ Guild na direktang mapupunta sa mga tsuper ang lahat ng kikitain ng organisasyon sa programa. “Ginawa talaga namin itong way to really inform them din kung ano ang nangyayari sa mga tsuper,” wika ni Lim ukol sa nilalaman ng adbokasiya.
Dagdag pa ni Lim, nakapanayam din nila ang pangulo ng UP Transport Group na si Cano Landulla, upang malaman ang kalagayan ng mga tsuper ngayon. Mula rito, nabalangkas ang mga nakalagay sa programa tulad ng “Ayuda Ngayon na” at “Balik Pasada.” Kabilang sa pagpapahayag ng proyekto ang mga kuwento at adbokasiya ng mga tsuper, at ang mga dahilan upang bigyan sila ng suporta.
Kahalagahan ng malayang pamamahayag
Ipinarating din ni Lim na hangarin ng mga tagapamahala ng Resonate na hikayatin ang mga kalahok na maging kritikal sa mga kinahaharap na suliranin ng mga Pilipinong biktima ng krisis at kahirapan. “Sana na-inspire sila to know more about the issues. . . [para] ma-spark ‘yung curiosity nila to learn more about. . . the root of the problems, and from that, they would understand kung ano ba talaga ang mga nangyayari,” ani Lim.
Naniniwala rin si Lim na malaki ang maiaambag ng malayang pamamahayag sa masa para makapanghikayat ng konkretong plano at solusyon mula sa pamahalaan upang matugunan ang iba’t ibang isyung panlipunan. “As a citizen and as a media practitioner, malaki ang magagawa mo to contribute to these issues,” giit niya. Sa pagtalakay ng mga itinampok na paksa sa Resonate, nais ni Lim na ibahagi ng awdiyens sa ibang tao ang kanilang natutunan sa mga programa na isiniwalat sa bawat aktibidad.
Hiling din ni Lim na mapaunlad ng awdiyens ang kani-kanilang kaalaman sa isyung pananakot at pagpapatahimik ng gobyerno sa midya. Resonate—katulad ng pamagat ng naturang programa, nais ipabatid ng UP Broadcasters’ Guild na makapangyarihan ang midya para sa mulat na kabataan na handang magpahayag ng mga makatotohanang balita. “[We should] make use of the media to further spread the advocacies [of different organizations] and to hopefully spark change in the future,” pagwawakas ng presidente ng UP Broadcasters’ Guild.