Nagngingitngit na galit at poot sa dibdib ang tila pumupunit sa langit ng isang inang biktima ng pang-aabuso ng huwad na pagka-sino. Mula sa kaniyang pagkakawala sa sinapupunan ng babaeng nakahandusay sa sariling dugo hanggang sa paghati ng kaniyang tiyan, umagos sa kaniyang dila’t labi ang dugong nananalaytay rin sa kaniyang kaibuturan. Nang dahil sa isang gabing pagtatalik na tinulak ng damdaming mapusok at nasasabik, isang sanggol ang nabuo — sanggol na bunga ng kaniyang amang umabuso sa aliw ng kalayaan at kaniyang inang hindi mulat sa kahulugan ng paghuhunos-dili at kapabayaan. Ang sanggol na ito ang naging alaala sa lahat ng pagsasawalang-bahalang natamo ng inang ilang buwang nananaghoy sa kagubatang naging saksi sa nagbabalat-kayong sistema ng mga mapagsamantala. Sanggol na naging dahilan ng pagkamuhi ng isang babaeng kalauna’y itinuring bilang “Ang Unang Aswang”.
Halimaw na hinugot sa dinurog na puso
May mga elementong nagtutuldok sa paghahari-harian ng liwanag. Taglay nila ang makapangyarihang panghasang likha sa poot at pagtataksil na maghahati sa isang pusong dalisay. Sa produksyong binuo ng mga estudyante ng THEA 151 XY sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Banos at pinamagatang “Ang Unang Aswang,” sa ilalim ng direksyon ni Elmer Rufo at panulat ni Rody Vera, itinatampok ang kuwentong inililihim ng kagubatan – ang kuwento ng halimaw na pinanganak sa nanggagalaiting galit at pait ng labis na pagmamahal. Bilang pagtupad sa pinal na rekisito sa kanilang kurso, pinalabas ang dula sa pamamagitan ng Facebook live noong Hunyo 17 at 18.
Isinasalaysay sa dula ang nakakapangilabot na kuwento ni Babae, isang nilalang na pinanganak sa kagubatan. Bilang isang musmos, hindi buo ang kaniyang kaalaman sa kabilang banda ng gubat na kinalakhan – hanggang sa makilala niya si Lalaki na hinangad ang kalayaan na taglay ng madilim na kagubatan. Dahil sa tila natatanging katauhan at kaibahan ni Lalaki sa mga mata ni Babae, nag-alab ang kaniyang damdamin na siyang sinamantala ni Lalaki. Nagbunga ang kanilang pagtatalik, ngunit kasabay ng pagbungang ito ang napipintong pagsilang ng isang halimaw na katatakutan ng nakararami.
Sa kalaunan, nadiskubre ni Babae na mayroon palang asawa si Lalaki, at katulad niya, mayroon din silang inaasahang anak. Labis ang kaniyang hinagpis lalo na’t hindi nais panagutan ni Lalaki ang bunga ng kanilang panandaliang pagsasama. Unti-unting dumaloy na parang dugo sa ugat ang mga bagay na ginawa at binigay niya para kay Lalaki – mga bagay na nauwi sa wala. Napalitan ng galit ang dating silakbo ng damdamin at naging anyong-halimaw ang dating babaeng musmos. Ginamit niya ang kaniyang matalas na dila at binutas ang dibdib ng sanggol na sumasalamin sa isang taksil na pag-ibig. Pinuntahan niya ang bayang tinitirhan ni Lalaki upang maghiganti sa kaniyang anak, at kinitil din ang buhay ng sanggol na pinagdadala ng kaniyang maybahay.
Hinatid ng mga aktor at aktres ang nakakapangilabot na kuwento ng unang aswang sa bawat manonood kahit hindi sila magkakasama sa isang entablado. Hindi lang hamon ng pagsasadula ang kanilang napagtagumpayan, maging ang hamong hatid din ng pandemya. Napagtagpi-tagpi nila ang mga eksenang kuha sa kani-kanilang bahay upang makabuo ng produksyong nagbigay-liwanag sa madilim na kuwento ng isang halimaw na umaaligid upang ipadama ang hapdi ng kaniyang paghihiganti – isang inang nagmahal, nasaktan, at nabiktima ng pait ng pag-ibig.
Gabi ng lagim
Sa paglubog ng araw, siya namang babangon ang kadiliman. Magigising ang lahat ng kahayupan sa kaloob-looban na pilit ikinukubli sa mukha ng liwanag. Mag-aalab ang lahat ng poot at inggit sa mga puso, at sapat na ang maliit na siklab upang tuluyang mahalina sa mundo ng kasalanan.
Hindi ba at siya ang nangalunya sa iyong asawa? Hindi ba at siya naman ang sumupil sa iyong kagustuhan? Ano pa ang iyong hinihintay? Walang silbi ang moralidad sa mundo ng makasalanan.
Iyo ang gabi, ngunit tandaan mong sa muling pagsikat ng araw, isa ka na rin sa kanila.